Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by PCOO Usec. Rocky Ignacio and Aljo Bendijo with Department of Interior and Local Government Usec. Jonathan Malaya; Philippine National Police Spokesperson Brigadier General Bernard Banac; Ambassador Eduardo Jose De Vega, Embassy of the Republic of the Philippines, Belgium; and Joshua Misola, OFW in Sengkang, Singapore

Event Public Briefing #LagingHanda PH

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. At pagpupugay sa lahat ng ating mga kababayan na nasa iba’t ibang panig ng mundo, ganoon din po sa lahat ng mga nakasubaybay ngayon  sa kani-kanilang mga telebisyon, radyo at sa ating online streaming.

Sa ngalan po ng People’s Television Network, Philippine Information Agency, Philippine Broadcasting Service at ang Radyo Pilipinas network, at ng crisis communications platforms, Radio Television Malacañang at sa pangunguna po ng Presidential Communications Operations Office, ako po ang inyong lingkod, Undersecretary Rocky Ignacio.

BENDIJO: At sa ngalan naman ni Secretary Martin Andanar, ako naman po si Aljo Bendijo. Dito po ay magkakaroon ng pagkakataon ang  ating mga kababayan na ilahad ang  kanilang mga saloobin pagdating po sa health crisis na kasalukuyan nating nararanasan hindi lang sa ating bansa, kung hindi sa buong mundo.

USEC. IGNACIO:  Basta’t sama-sama at laging handa, kaya natin ito. Kaya naman, bayan, halina at inyo kaming samahan dito sa Public Briefing #Laging HandaPH.

Samantala, alamin na natin ang pinakahuling bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa as of 4 P.M. ng April 19, 2020. Ayon po sa tala ng Department of Health mayroon ng 6,259 cases ang nagpositibo sa COVID-19 sa bansa; limandaan at pitumpu’t dalawa dito ang naka-recover mula sa sakit, at apatnaraan at dalawa naman po ang pumanaw.

Samantala, tingnan natin muli ang bilang ng COVID-19 cases sa iba’t iba bahagi ng Pilipinas. Sa mga probinsiya po, nangunguna pa rin ang Rizal na may 310 na kumpirmadong kaso ng COVID-19; pangalawa pa rin ang Laguna with 272 confirmed COVID-19 cases; pangatlo ang Cavite na may 214 confirmed COVID-19 cases; pang-apat na po ang Cebu na may 107 na kumpirmadong kaso ng COVID-19; at panglima ang Bulacan na may 101 na confirmed COVID-19 cases.

BENDIJO: Dito naman sa Metro Manila ay mayroon na pong 4,500 na total COVID-19 cases kung saan nangunguna pa rin sa hanay ang Lungsod Quezon na may 1,047 confirmed COVID-19 cases; pangalawa ang Lungsod ng Maynila with 515 confirmed COVID-19 cases; pangatlo ang Parañaque City na may 363 confirmed COVID-19 cases.

Uulitin lang po namin, dahil ang Quezon City ang pinakamalaking siyudad sa National Capital Region at ito rin po ang may pinakamalaking populasyon na tinatayang nasa 2,938,000, ayon iyan sa Census noong 2015, ay hindi maipagkakailang ito ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Ayon po sa Johns Hopkins University and Medicine, mayroon ng 2,394,278 COVID-19 cases sa buong mundo kung saan 611,878 na ang naka-recover habang 164,937 naman ang nasawi.

Dumako naman po tayo sa rehiyon ng ASEAN na tinatayang nasa 20,234 na ang kabuang kaso ng COVID-19 kung saan 1,143 ang namatay mula sa sakit, at 7,583 ang naka-recover dito. Nasa ikatlong puwesto na po ang Pilipinas sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa ASEAN, at nangunguna ang Singapore na may 6,588 confirmed COVID-19 cases; pangalawa ang bansang Indonesia na may 6,575 confirmed COVID-19 cases.

USEC. IGNACIO: Aljo, kung ia-analyze natin nang mabuti ang COVID-19 situation dito sa Pilipinas, makikita natin na mas marami pong lalake ang tinatamaan ng COVID-19. Aabot sa 54% sa confirmed cases ay kalalakihan. Mas maraming COVID-19 cases po ang naitatala sa edad na 30-34 na umaabot sa 703 out of 6,259 confirmed cases. Sumunod naman naman na may pinakamataas na bilang ang age range na 25 to 29 na may 621 confirmed cases. Pangatlo naman sa may pinakamataas na kaso ay ang edad mula 60 to 64 na may 596 confirmed cases.

BENDIJO: That’s right, Usec. Rocky. Bukod sa mga sinabi mo, Usec., sa nakalipas na isang linggo, nananatili na mas mataas ang bilang nang nakaka-recover – magandang balita iyan – kaysa sa bilang na pumapanaw dahil sa COVID-19.

Noong Abril 16, umabot na sa walumpu’t dalawa ang bilang ng naka-recover – ito na ang pinakamataas sa nakalipas na isang linggo. At noong Sabado naman, April 18, naitala ang pinakamababang bilang na pumanaw sa loob lamang ng isang linggo na umabot sa sampu.

USEC. IGNACIO: As of April 19, 2020, kahapon din po iyan, mayroon na pong 17 licensed COVID-19 testing laboratories sa buong Pilipinas. Naka-flash po iyan sa inyong mga TV screen, tingnan ninyo ang listahan ng mga certified COVID-19 testing center at laboratories na maaari ninyo pong puntahan at bisitahin.

BENDIJO: Pilipinas, hinggil naman po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, tumawag lang kayo sa 02-894-26843. Para naman sa PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, mangyaring i-dial lang ang numerong 1555. Maaari ninyo ring tawagan ang hotline numbers ng iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan na makikita ninyo sa TV screens. Upang maging updated sa mga hakbangin ng pamahalaan kontra COVID-19, magtungo sa aming COVID-19 portal. Bisitahin lamang ang www.covid19.gov.ph

USEC. IGNACIO: Ngayon naman, Aljo, puntahan natin ang iba pa nating kasama na magbibigay ng balita (AUDIO CUT)

BENDIJO:iba’t ibang bahagi po ng ating bansa ay makakasama natin – balikan natin mamaya si Usec – sina John Mogol mula sa Philippine Broadcasting Service/Radyo Pilipinas, Eddie Carta mula s PTV Cordillera, Regine Lanuza mula sa PTV Davao, John Aroa mula sa PTV Cebu. Usec?

Okay, ngayong araw din, Usec. Rocky, ay makakasama natin sina Usec. Maria Rosario Vergeire ng Department of Health; Usec. Jonathan Malaya ng DILG; Brigadier General Bernard Banac ng Philippine National Police; Ambassador Eduardo Jose De Vega ng Embassy  of the Republic of the Philippines sa bansang Belgium; at si Joshua Misola, isang OFW sa Sengkang, Singapore. Magandang umaga sa inyong lahat. Usec?

USEC. IGNACIO: Okay. Para naman po sa karagdagang balita: Senator Bong Go pinuri at pinasalamatan ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa kanilang implementasyon ng wage subsidy program para sa ating mga maliliit na negosyo sa gitna ng COVID-19 crisis.

Sa pamamagitan ng programa ay matutulungan din ang mga empleyado ng mga MSME na karamihan po ay kabilang sa lower middle class. Kung matatandaan po ay pinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang Lunes, April 13, na karamihan po sa MSME ay pansamantala o di naman ay tuluyang nagsara dahil sa extended enhanced community quarantine na kasalukuyan pa ring umiiral. Magtatakda po ng guidelines ang Department of Finance na mag-a-identify kung ano ang mga kumpanya ang qualified bilang small business para sa naturang wage subsidy program.

Ayon pa rin kay Senator Bong Go, ngayong linggo po ay magdidesisyon na si Pangulong Rodrigo Duterte kung ie-extend ang enhanced community quarantine na magtatapos sa April 30 o kailangan lamang itong i-modify. Ito po ay nakadepende kung patuloy na tataas ang COVID-19 cases sa bansa.

Ngayong araw po ay nakatakdang makipagpulong si Pangulong Duterte sa ating mga health experts para na rin sa mga dating kalihim ng DOH sa iba’t iba administrasyon upang pag-usapan ang bagay na ito. Kaya naman po patuloy na nanawagan si Senator Go na makiisa sa ipinatutupad na protocols ng pamahalaan habang papalapit na po ang pagtatapos ng ECQ.

BENDIJO: At para po sa ating huling balita: Mga ospital na tumatanggi sa mga pasyente sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, binalaan ni Senador Bong Go. Bilang puno ng Senate Committee on Health and Demography, binigyang diin niya na sa kabila ng kakulangan sa PPEs at mga kagamitan sa mga ospital kaya’t hirap nang tumanggap ng dagdag na pasyente, ay hindi ito dahilan para hindi pagmalasakitan ang ating mga kababayang may sakit ngayon, mapa-COVID-19 man o hindi.

Ang apila na iyan ni Senator Bong Go ay makaraang may namatay na isang buntis matapos na tanggihan umano ng apat na medical facility. Tinitiyak ni Senator Go na paiimbestigahan niya sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang naturang insidente at mapanagot ang mga nagkasala.

All right, Usec., simulan na natin ang public briefing. Puntahan natin si Usec. Jonathan Malaya ng DILG. Magandang umaga po ulit, Usec.

USEC. MALAYA:  Magandang umaga, Aljo. At magandang umaga po, Usec. Rocky.

BENDIJO: Usec, batay sa DBM Local Budget Circular Number 126 dated April 13, 2020, inuutos ni DILG Secretary Eduardo Año sa mga gobernador ng 81 na mga probinsiya sa buong kapuluan na gamitin na ang 6.197 billion pesos. Ito iyong Bayanihan Grant to Province para matugunan ang pangangailangan, Usec, ng kanilang mga nasasakupan sa gitna ng COVID-19 crisis. So, Usec, kung sakali na may natirang pondo, saan po ito mapupunta?

USEC. MALAYA:  Yes, Aljo, tama po kayo, mayroon nga pong karagdagang pondo ngayon naman para sa mga probinsiya dahil nauna po iyong mga lungsod at munisipalidad under the bayanihan grant. Doon po sa mga lungsod at munisipalidad ay isang buong buwan na extra Internal Revenue Allotment. Ngayon naman po, dito sa panibagong kautusan ng ating DBM ay ito naman po ay one half or kalahating buwang IRA naman para po sa mga probinsiya at puwede nga po nila ito gamitin para sa pag-response nila sa problema sa COVID. So puwede po itong pambili ng PPE, pambili ng mga rapid test kits, pagpapasaayos ng mga hospital. Kung anuman po ang kailangan ng ating probinsiya, in particular para po sa mga provincial hospitals ay magagamit po nila dito.

At siguro po, nakalagay po dito sa local budget circular ng DBM na kapag natapos na po itong kalamidad at mayroon pa pong naiwang pondo, ito po ay babalik po sa national treasury. So ang maganda po niyan, Aljo, ay ubusin na ng ating mga probinsiya para sa pagpapaganda ng kanilang mga hospital for COVID relief itong pondong ito para po matugunan ng ating mga probinsiya ang pangangailangan ng kani-kanilang mga lugar.

USEC IGNACIO:  Usec. Malaya, hindi ko puwedeng hindi itanong ito kaagad eh, unahin ko na ito, kasi may mga kumakalat na voice clip message na may total lockdown daw; bawal palabasin ang mga tao. How do you address this, na may mga natatakot na mga tao? Narinig po ba ninyo iyong voice clip na iyon?

USEC. MALAYA:  Opo, narinig ko po iyong voice clip na iyon. At unang dinig ko pa lamang ay alam ko nang fake news kasi wala pong ganoong direktiba ang ating pamahalaan, wala pa pong desisyon ang ating Pangulo sa anumang klaseng sinasabing total lockdown na iyan. Ngunit mayroon po tayong mas maigting na implementasyon ng Enhanced Community Quarantine dahil nga po marami pa po tayong mga kababayan na pasaway at hindi naiintindihan ang kanilang tungkulin para masawata itong problema natin sa COVID.

So iyong mga kumakalat pong ganyan, Usec., ay obviously po ay fake news iyan at iyan po ay punishable under the ‘Bayanihan Act’. Ang alam ko po ang ating National Bureau of Investigation at ang anti-cyber-crime group ng PNP ay iniimbestigahan na po ito para po maaresto ang mga taong nagpapakalat nito.

USEC IGNACIO:  Opo, sana naman po mabilis iyong imbestigasyon doon dahil nakakatakot kasi. Samantala, Usec. Malaya, puntahan natin si John Mogol mula po sa Philippine Broadcasting Service para po sa katanungan ng ating mga kababayan. Usec. Malaya pakinggan po ninyo mula sa ating kasama sa PBS.

JOHN MOGOL:  Yes, thank you, Usec. Rocky. Magandang tanghali po, Usec. Malaya. Ang question na ito ay galing pa sa Alabug Tuao sa Cagayan. Isa pong construction worker itong nagpadala ng kanyang katanungan, 35 years old na si Mr. Dennis Andam. Iyong kaniya pong tanong ay tungkol sa palakasan diumano.

DENNIS ANDAM: Itanong ko lang po sa DILG. Isa po akong construction worker, wala po akong natatanggap na tulong. Marami pa rin po kasing nagrereklamo na may palakasan. Paano po natin ito mamo-monitor? Ano pong ginagawa natin sa mga ito?

JOHN MOGOL:   Usec, papaano daw po mamo-monitor iyong kaniyang sinasabing palakasan doon sa pagbibigay ng tulong at ano daw po ang ginagawa ng gobyerno dito?           

USEC. MALAYA:  Opo, atin pong aalamin iyong circumstance ng detalye ng kanyang reklamo. Kasi po nakakalungkot po kung hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na tulong. Baka po ang sinasabi niya ay tungkol doon sa Social Amelioration Program. Kasi tingin ko po sa food packs ay karamihan po sa ating mga kababayan ay nakatanggap na ng food packs mula sa kani-kanilang LGU at DSWD.

Ngunit kung ang tanong po sa palakasan tungkol doon sa Social Amelioration Program, tamang-tama po kayo dahil mayroon pong kautusan ang Secretary ng DILG, si Secretary Eduardo Año, na kailangan pong ipaskil sa mga barangay hall ang  lahat ng mga pangalan ng mga aprubadong benepisaryo ng Social Amelioration Program. So sa araw po ng payout, kailangan po ipaskil bago mag-payout iyong mga pangalan sa barangay hall for transparency purposes.

Ano po ang dahilan nito? Dahil nga po para malaman, magkaalaman po sa barangay kung iyon nga ba talagang nabigyan ay tunay na karapat-dapat, dahil sabi nga po ng Pangulo natin ay ito ay poorest of the poor. Ngunit mayroon din pong sitwasyon na natatanggal ang pangalan ng isang benepisyaryo dahil pagdating po sa DSWD when they cross match the data, kung  minsan po pala ito ay 4Ps beneficiary na. Kapag 4Ps beneficiary na po iyan or tumanggap na ng tulong mula sa TUPAD, DOLE or iba pang programa, hindi na po qualified iyan. Maliban na lang po kung may butal na tinatawag. So kapag ganyan po ang mangyayari, matatanggal po sa listahan.

So nagkakaroon po ng haka-haka na ‘ako ay nag-fill up ng form, ngunit hindi ako nakatanggap ng payout, baka kinuha ni kapitan iyong pera’. So para rin po sa proteksyon na rin ng ating kapitan, mayroon pong direktiba ang Secretary Año na ilagay at ipaskil ang mga pangalan  ng lahat ng approved beneficiaries na galing sa DSWD para po for transparency purposes sa lahat ng barangay sa buong bansa.

BENDIJO:   Mula po sa PBS, mainit na isyu rin itong unauthorized relief operations ng Anakpawis. Usec., any update about this?

USEC. MALAYA:   Iyan po kasing nangyari sa Norzagaray, Bulacan ay ito po ay violation ng ating quarantine. Kasi nga po paulit-ulit nating sinasabi   na ito pong virus ay hindi  naman po iyan naglalakad on its own dahil wala naman po iyang paa, ang naglalakad po  ang tao. So noong ginawa po ito ng Anakpawis na nagsagawa po sila ng propaganda work doon sa Norzagaray, they essentially placed the people of Norzagaray at risk dahil hindi naman po sila essential persons. At sana po huwag po tayong pasaway kasi nga po habang nagiging pasaway po tayo ay mas tumatagal itong ating quarantine at hindi natin masasawata ng tuluyan ang pagkalat nitong sakit.

So, sana po maintindihan ng ating mga kababayan at ng mga kasamahan natin sa Anakpawis na huwag na po sana tayo maging pasaway sa mga panawagan ng ating pamahalaan. Una, sinasabi po nila na ito daw ay relief operation. Kung ito po ay relief operation na tunay, bakit po walang koordinasyon sa LGU, walang kordinasyon sa IATF or sa national task force? Pangalawa po, bakit po mas marami pa iyong dala nilang propaganda materials kaysa sa relief goods? So, noong nakita po ng ating kapulisan na mas marami silang propaganda material, doon po lumabas sa imbestigasyon na ang kanila palang pakay  ay gumawa ng mass gathering sa Barangay Bigte, Norzagaray, Bulacan – at ito po ay very clearly a violation of ECQ policies po of the government.

Ngayon, sinasabi po nila na mayroon daw silang food pass. Ito pong food pass na ginamit nila ay unauthorized din dahil ang food pass po  ang dahilan po bakit may food pass, ginagamit po iyan for the movement of goods from the farm to the market. Hindi naman po sila nagta-transport ng goods from the farm to the market so bakit po sila gumagamit ng food pass? Again, illegal and unauthorized use of the food pass.

Ngayon po, dahil nga po tayo po ay nasa ECQ at ang dami pong pasaway, I assure the members of Anakpawis that they will have their day on court. The DILG respects due process. So sila po ay mai-inquest ngayong araw at doon na lang po sila sa korte o sa piskal magpaliwanag.

MR. BENDIJO: Okay. USec., mayroon tayong natanggap na text from DZBB: Dapat sampolan ng DILG ang pagpapakalat talaga ng fake news. Arestuhin iyong gumawa ng recording na iyong boses ay babae para matigil iyong fake news. Reaksyon ninyo po diyan, USec.

USEC. MALAYA: Yes, kung anu-ano na lang po ang kumakalat na fake news ‘no kaya po ang aking abiso sa ating mga kababayan: Huwag po tayong kumukuha ng ating balita sa social media dahil hindi po reliable ang social media as a source of news. Manood po tayo sa Channel 4, manood tayo sa private media networks. Kasi iyan po ang kailangan ng ating source of news, ang mga media networks kasi sila po ay bound by the Journalism Code of Ethics at mayroon silang mga sources na ini-interview na ipinapakita sa atin.

Ngayon—at punta po sila doon sa website natin, www.covid19.gov.ph kasi nandoon po lahat ang mga datos at impormasyon na kailangan nilang makuha tungkol dito sa ating ginagawa.

At tungkol naman po diyan sa mga nagpapakalat na iyan, nandiyan na po, nag-iimbestiga na po ang ating National Bureau of Investigation kasama po ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group para nga po mahuli na itong mga ito once and for all.

USEC. IGNACIO: USec., isa na lang pong tanong mula sa aming kasama diyan sa PTV. Ano daw po ito, iyong order ng DILG doon sa i-discontinue iyong narrow window hours sa mga palengke, groceries and supermarkets?

USEC. MALAYA: Opo, mayroon nga pong advisory kami diyan. Advisory lang po ito, hindi po ito memorandum. At noong lumabas po ito ay na-misinterpret ng ibang tao na ito na daw iyong extreme Enhanced Community Quarantine. Hindi po. Iyon pong advisory ni Secretary Eduardo Año ay mayroon lamang kinalaman sa mga window hours sa mga palengke kasi nga po iyong paglalagay po ng window hours ay nakakadulot ng mga kumpul-kumpulan sa ating mga palengke.

So, ito ay advisory lamang sa mga LGUs, of course, this is subject to adjustment on the ground. But nakikita po ni Secretary na the more na mayroon tayong window hours, mas dumarami po ang mga tao nagkukumpul-kumpulan.

So, kasama rin po doon sa advisory namin na sana ay magkaroon ng mga mobile palengke ang ating mga local government units para po hindi na kailangan pumunta pa doon sa public market at maiwasan po natin iyong mass gathering na tinatawag or iyong pahirapan sa social distancing.

So sana po iyong mga LGUs natin na nanunood ngayon, ma-organisa na ninyo po kaagad-agad ang inyong mga mobile markets para po maiwasan na po iyong pagpunta ng ating mga kababayan doon sa mga malalaking public markets that cause problems in so far as mass gathering is concerned.

MR. BENDIJO: USec., may pahabol na tanong from Henry Uri from Secretary Martin Andanar. From Henry Uri, DZRH: USec., maaari po bang hatiin ng mayor o ng barangay chairman sa dalawang pamilya ang halagang matatanggap under SAP?

Halimbawa: Si Pamilya A dapat makakatanggap ng eight thousand, pero para daw mapagbigyan ang lahat, hinati-hati na ng ilang LGU ang hawak na pondo mula sa DSWD. Puwede ba itong gawin nila?

USEC. MALAYA: Okay. Natanggap din po namin iyong mga ganiyang ulat mula sa regions, nagtatanong din nga po sa amin sila kasi nga po … kasama nga po ang DILG doon sa nagbalangkas ng guidelines na iyan, of course, under the leadership of the DSWD.  Ang sagot po namin diyan ay hindi po puwede. Hindi pupuwedeng hatiin ang benepisyong iyan. Alam ko po iyong hirap ng ating mga LGUs or iyong mga barangay kapitan kung papaano nila ibibigay iyong apportionment ng SAC forms because according to them, kulang nga daw iyong SAC forms na ibinigay nila … ibinigay sa kanila kumpara doon sa actual number ng mga low income families who in their opinion are qualified for this project.

So, given that situation, hindi pupuwedeng hatiin sa dalawa o tatlong pamilya ang SAC form or ang benepisyong iyan. Ang puwede nilang gawin ay, una, ilista po iyong mga hindi nakatanggap at isama po doon sa apela na ipapadala nila sa DSWD dahil nagbigay na po sa amin ng assurance si Secretary Rolly Bautista na hahanapan niya ng pondo itong mga na-left out na pamilyang ito; at pangalawa, sana po i-prioritize ng LGUs sa pagbibigay ng food packs itong mga pamilya na allegedly na left out dahil since left out po sila, kailangan po unahin sila doon sa pamimigay ng food packs na puwede pong i-charge ng LGU doon sa mga pondo na ibinaba ng national government under the Bayanihan Act.

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, USec. Jonathan Malaya ng DILG.

USEC. MALAYA: Maraming salamat, USec. At maraming salamat, Aljo.

USEC. IGNACIO: Ngayon naman po ay magtungo tayo kay Brigadier General Bernard Banac, ang tagapagsalita po ng Philippine National Police. Magandang umaga po, General Banac.

BGEN BANAC: Magandang umaga po, USec. Rocky at Aljo. Magandang umaga po sa mga tagasubaybay.

USEC. IGNACIO: General, nakakalungkot pong isipin na may 71 na po ang ating mga PNP personnel ang nagpositibo sa COVID-19. Kumusta na po iyong lagay nila?

BGEN BANAC: Yes, tama iyon, USec. Rocky. Ang atin pong PNP frontliners ay hindi rin exempted sa pagkakasakit ng COVID-19 kaya po patuloy ang atin pong pakiusap at panawagan sa publiko na manatili po sa ating mga kabahayan at sundin po ang ating Enhanced Community Quarantine dahil ito po ang ating magiging contribution na hindi na po dumami pa ang bilang ng magkakasakit lalo na ang mga kasama nating mga kapulisan at maging mga health workers.

At dito sa ating 71 nga na kumpirmadong positibo sa COVID-19 ay sampu na po ang naka-recover. Ten PNP personnel ang naka-recover na at magandang balita po ito. Subalit sa nakaraang tatlong linggo, mayroon din po tayong tatlo na binawian ng buhay.

At dito naman sa ating probable patients, mayroon tayong mino-monitor ngayon na 59, USec. Rocky at Aljo, at may kabuuang bilang din na 604 na suspected patients. So, ibig sabihin nito, talagang may mga PNP frontliners natin na nagkakasakit at ayaw na po natin na ito ay dumami pa kaya tuluy-tuloy ang ating ipinatutupad na mga preventive measures para po hindi na ito dumami pa, USec. Rocky at Aljo.

MR. BENDIJO: General Banac, ano po ang mga ginagawa nating mga hakbang diyan po sa pamunuan ng Philippine National Police para hindi na ito madagdagan?

BGEN BANAC: Ang ginagawa natin ay patuloy na pagpapagamit ng mga issued items, personnel protective equipment at iyong pagsasagawa natin ng istrikto na physical distancing even among ourselves. Sa ating mga magkakasama diyan sa quarantine control points ay ginagawa din namin na hindi kami magkakadikit-dikit para mapigilan natin ang pagkalat nitong COVID-19.

At ang ginagawa natin, tuluy-tuloy din ang mga disinfection ng mga opisina natin at lahat ng ating mga facilities, mga kampo, ay may ginagawa tayong mandatory disinfection ng mga vehicles, Aljo.

USEC. IGNACIO: General Banac, hindi po kasi maiiwasan na iyong ating mga personnel na naka-expose din talaga sa risk dahil nandoon sila sa labas talaga. Pero kailangan ninyo po bang mag-hire pa ng mga additional personnel para po tumulong sa inyo para dito? Ano po ang aksyon ng PNP dito sakali nga kasing magkulang na iyong ating mga kapulisan sa gitna po ng umiiral na health crisis?

BGEN BANAC: Yes, USec. Rocky. Wala pong dapat ipangamba, ang paglilingkod sa ating mga mamamayan ay isang karangalan sa panahong ito ng krisis. May sapat naman tayo na bilang para punan ang pangangailangan natin sa frontlines at dinagdagan pa nga natin ang bilang ng lahat ng ating mga patrollers para po siguraduhin na ang mga mamamayan natin ay manatili sa kani-kanilang mga bahay.

Patuloy din ang ating ginagawang mga mobile checkpoints para po paalalahanan at hulihin iyong talagang nagpupumilit na mga motorist na lumalabas sa mga lansangan na hindi awtorisado. At umabot na nga po ng mahigit isandaan ang mga nahuli at nabigyan na ng citation ticket ng Highway Patrol Group dito sa mga unauthorized persons outside of residence. At ang kanila pong mga driver’s license ay nakumpiska at maaari na lamang itong kuhanin matapos ma-lift itong ating ECQ.

So muli paalala sa lahat, iyon pong mga unauthorized persons outside of residence na wala pong kaukulang permiso ay hindi po dapat lumalabas at hindi po nila dapat gamitin ang kanilang mga pribadong sasakyan, Usec. Rocky.

BENDIJO:  Thank you po, Brig. Gen. Bernard Banac ng Philippine National Police. Usec. Rocky, ngayon ay kumustahin natin ang isa nating kababayan na nasa Sengkang, Singapore – si Joshua Misola. Magandang umaga sa iyon diyan, Joshua. Good morning, Joshua? Kumusta ang sitwasyon ng mga Pilipino diyan sa Singapore? Okay sige, wala pa. Walang audio si Joshua, balikan na lang natin maya-maya.

Okay, so stay at home tayo ha, ang pakiusap ng ating pamahalaan. Iyon lang muna habang naghihintay pa tayo ng desisyon mula po sa Palasyo ng Malacañan kung magkakaroon talaga ng extended enhanced community quarantine, ili-lift or magkakaroon ng modified na quarantine.

All right, Usec., iyon na nga ang pakiusap natin sa lahat, na stay at home muna tayo ngayon.

USEC. IGNACIO: Ang lagi nating pinapaalala sa ating mga kababayan, huwag naman kayong gumawa na ng mga fake news kasi hindi naman nakakabuti ito dahil sinasabi nga natin, basta sama-sama, laging handa. Huwag naman po sana na kayo pa iyong gagawa ng panibagong problema. Imbes na tumutulong po tayo at nagkakaisa tayo para sa laban dito sa COVID-19, huwag na kayong manakot pa kasi hindi po talaga nakakabuti ang mga ganiyang klase ng ginagawa ninyo.

Ngayon po ay tumungo na tayo kay Ambassador Eduardo Jose De Vega ng Embassy of the Republic of the Philippines sa bansang Belgium. Magandang araw po, Ambassador.

AMBASSADOR DE VEGA: Magandang umaga po. Good morning.

USEC. IGNACIO: Opo, good morning po. As of 9:30 po kasi ngayong Lunes, sa data po ng Johns Hopkins University and Medicine, nasa ikalabindalawang puwesto po ang Belgium na may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong mundo. Kumusta na po iyong ating mga kababayan diyan, Ambassador?

AMBASSADOR DE VEGA: Magandang umaga po ano. Okay sabihin ko muna, dahil hindi malaking bansa ang Belgium sa population, ang population ng Belgium po ay 11 million or 11.5 million – hindi rin ganoon kadami ang mga kababayan dito. Of course ang problema nga, paano umabot ng—minsan top 10 pa nga iyong Belgium, eh there’s almost 40,000 na may cases dito at saka medyo mataas per one million population iyong affected ‘no. Including deaths, 5,000 na iyong deaths.

Sa mga Pilipino rito, wala pang sampung libo siguro kasi iyong statistics namin pati iyong Belgium, there are about six to seven thousand Filipino citizens pa; mga three thousand Belgium citizen na ‘no. So sa mga Pilipinong iyon, we can tell you wala pang lima or anim ang known na nagkaroon ng infection and they’re all recovering. Iyong isa nga po na-interview diyan sa Pilipinas noon, si Miss Flor Panes na health worker. Pero karamihan ng mga Pilipino rito are not health workers, they are sa bahay or married sa Belgians ‘no or nagtatrabaho sa embassy, mga driver, mga assistant.

So right now, awa ng Diyos, wala pa kaming balita about Filipinos na napinsala or much less na, well, na dumadami ‘no. Ang problema lang, ito po ‘no hindi natin natitiyak po iyan kasi dito sa Belgium at saka pati sa Luxemburg which is under our jurisdiction also, may mga—sa Europe ‘no—strict data privacy law kaya baka ayaw lang nila i-reveal. Pero wala pa naman nagsasabi sa akin na [garbled] a few na balita namin na nagkasakit.

Anyway, protected naman dahil karamihan sa kanila ay legal, protected naman sila by Belgium law eh. At saka ang hospital dito essentially are free ‘no.

USEC. IGNACIO: So sakali lang po ‘no na magkaroon—mabuti naman po, natutuwa kami sa balita na walang masyadong apektado sa Filipino community natin ng COVID-19. Pero in case lang po, gaano po kahanda iyong ating embahada diyan na tulungan sila at kumusta po iyong healthcare system para sa kanila diyan laban pa rin po sa COVID-19?

AMBASSADOR DE VEGA: Okay, unahin ko po iyong healthcare system ‘no. Belgium maraming kaso, pero hindi ganoon kadami comparatively speaking iyong nasa hospital. In other words, maraming nagkakaroon ng kaso na nati-test positive pero puro sa bahay ‘no, hindi malubha iyong conditions. So hindi—walang ano rito, hindi pa nagsa-saturate iyong mga emergency room, iyong mga hospital ‘no, so libre ang healthcare dito.

Pati sa undocumented, sinabi sa amin ng Belgian government na gagawin nila lahat para pati iyong mga iyon babayaran, iyong mga undocumented. Kaso lang mayroon namang ano, tawag doon, [garbled] kasi kapag undocumented ka, babayaran nga iyong medical treatment mo pero kapag tapos na itong COVID, papauwiin ka naman. So iyon [garbled].

As po iyong magagawa namin sa embahada, actually po kasi we are still in touch with them through Facebook, through iyong regular discussions with their leaders ‘no. Ang concern namin ngayon iyong mga gustong kumuha ng financial assistance dahil nawalan ng trabaho, dahil nga walang businesses. Kaya ginagawa namin, iyong mga recorded sa POEA bibigyan na automatic iyan eh ng ating labor attaché, iyong ating POLO officer pala, [unclear] ‘no, siya iyong nagha-handle ng kaso doon pati sa Belgium, sa Luxemburg.

Pero kailangan lang namin iyong mga wala noon, puwede pang mahabol na maging OWWA members din po sila o maging OWWA members. So iyon ang ginagawa naming paraan, naghahanap kami ng paraan na maka-register sila. So sarado obviously ang embassy pero kung may emergency, bubuksan namin.

May isa pang problema ‘no. Mayroon kaming at least one na alam o isa… baka mayroon pang ibang mga kasong ganoon na turista nang dumating dito, ngayon na-stranded tapos wala nang kuwarta kaya naghahanap kami ng funding para sa kanila habang may lockdown pa ‘no. So handa kami po kasi nga, awa ng Diyos, hindi ganoon kadami ang kaso.

BENDIJO:  Okay. Maraming salamat po, Ambassador Eduardo Jose De Vega ng Embassy of the Republic of the Philippines diyan sa bansang Belgium. Alamin naman natin ang sitwasyon ng Davao, live na magbabalita si Regine Lanuza. Regine, maayong buntag. Kumusta ang (unclear) sa Davao?

[NEWS REPORTING BY REGINE LANUZA]

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat sa’yo, Regine Lanuza. Kumustahin naman natin ang kababayan natin na nasa Sengkang, Singapore na si Joshua Misola. Magandang araw sa’yo, Joshua.

JOSHUA MISOLA: Good morning po. Good morning po, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Kasama rin natin si Aljo. Kumusta na iyong sitwasyon ninyong mga Pilipino diyan sa Singapore? Tumaas na po ang kaso ng COVID-19. Kumusta na po kayo diyan?

JOSHUA MISOLA: So far, okay naman po kami. Nag-ano po ang government ng Singapore ng ‘Stay Home’ notice sa mga kababayan po natin dito, lalo na po iyong mga OFW na nasa construction po. Gayundin po iyong mga mamamayan dito, iyong mga lokal, mandatory po dito iyong pagsusuot ng facemask at bawal po ang lumabas. Puwede po siguro iyong iba na bumili lang ng mga groceries and mga essential medical kits na kailangan po nila within 10 kilometers lang po.

USEC. IGNACIO: Opo. So dahil sa pagtaas bigla na naman ng kaso ng COVID-19 sa Singapore, mas humigpit po ba iyong pagpapatupad diyan ng patakaran at kumusta naman po kayo dahil ngayon work from home po ulit ba kayo o dati pa?

JOSHUA MISOLA: Nag-implement po ang Singapore government sa mga mamamayan po na iyong puwede pong mag-stay at home at mag-work at home ay puwede naman po at may sahod pa rin po sila.

Iyon nga lang po, may mga iba po tayong OFWs dito na mga apektado like iyong mga nagwo-work po sa mga retail at restaurant ‘no work, no pay po’ sila. So iyon po iyong medyo nakakalungkot po ‘no sa mga iba po nating OFW dito na … magbabayad pa rin po kasi sila ng kanilang mga rent, then wala po silang sahod for the whole month of… circuit breaker po dito sa Singapore.

USEC. IGNACIO: Opo. Mensahe na lang po sa lahat ng mga Pilipino na kasama diyan sa Singapore at siyempre iyong mga mahal mo sa buhay dito sa Pilipinas, Joshua.

JOSHUA MISOLA: Sa mga ka-OFW ko po dito sa Singapore po, mabuhay po tayo at tiis lang po tayo, at sumunod po sa rules ng Singapore. At sana po ay matapos na po ito ‘no kasi lahat po tayo ay apektado, hindi lamang po ang mga OFW kung hindi rin po ang ating mga pamilya na nasa Pinas. At gayundin po sana iyong mga family po namin na nasa Pinas, sumunod din po kayo diyan sa mga rules po ng government, at sana po ay huwag po tayong pasaway at panatilihin po natin ang ating personal hygiene ‘no. Iyon lamang po, maraming salamat.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat sa’yo, Joshua Misola. Mag-ingat po kayo diyan sa Singapore.

BENDIJO: All right. Tatanggap muna tayo ng mga balita sa labas po ng Metro Manila, ganoon din dito sa Luzon na nakataas pa rin ang Enhanced Community Quarantine. Okay, so balik tayo dito sa Luzon. Makibalita tayo diyan sa Baguio City kasama ang ating PTV Cordillera correspondent na si Eddie Carta. Naimbag nga bigat kadakayo amin.

[NEWS REPORTING BY EDDIE CARTA]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa’yo, Eddie Carta. Makibalita naman tayo kay John Mogol mula diyan sa Philippine Broadcasting Service–Radyo Pilipinas.

[NEWS REPORTING BY JOHN MOGOL]

BENDIJO:  At maraming salamat po sa mga nakasama nating panauhin ngayong umaga na sina Usec. Jonathan Malaya, ang tagapagsalita ng Department of Interior and Local Government; Brigadier General Bernard Banac, ang tagapagsalita ng Philippine National Police; Ambassador Eduardo Jose De Vega ng Embassy of the Republic of the Philippines sa bansang Belgium; at si  Joshua Misola, isang OFW sa Sengkang, Singapore.

USEC. IGNACIO:  Nakasama rin natin ang Philippine Broadcasting Service, PTV Cordillera, PTV Davao, PTV Cebu at ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Bigyan din natin ng pagpupugay ang Pilipino Sign Language Access Team for COVID-19 para po sa walang sawang pagsuporta sa ating programa. Mabuhay po kayo.

BENDIJO:  At diyan po nagtatapos ang ating programa ngayong araw. Ugaliing maging updated sa mga balita hinggil sa COVID-19 sa bansa, gayundin sa mga hakbang ng ating pamahalaan upang masugpo ito.

Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako si Aljo Bendijo.

USEC. IGNACIO:  Higit sa lahat, huwag tayong basta-basta maniniwala sa ilang mga nababasa online; maging maingat po tayo sa pagharap sa suliraning ito. Mula po sa Presidential Communications Operations Office, ako naman po si USec. Rocky Ignacio.

Laging tandaan: Basta sama-sama at laging handa, kaya natin ito.

Hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing #Laging Handa Ph.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)