Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by PCOO Secretary Martin Andanar and Undersecretary Rocky Ignacio

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network (PTV), Quezon City

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas.

Isang makasaysayang araw po ang pagsasaluhan natin ngayong ika-4 na Lunes ng Hulyo, July 26, 2021, dahil mamayang hapon ay gaganaping ang ika-6 at panghuling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nakatutok po ang buong puwersa ng PTV para sa pinakahuling update kaugnay sa gaganaping SONA ng Pangulo sa Batasan Complex. Bukod diyan ay ilang mahahalagang usapin din ang ating tatalakayin maya-maya lang po. Ako po si Usec. Rocky Ignacio, simulan na po natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Samantala, nakapagtala kahapon ang Department of Health ng 5,479 na karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa kabuuan ay pumalo na ang total cases sa 1,548,755, samantalang mayroon namang naitalang 5,573 na gumaling at 93 na pumanaw. Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 94.7% o 1,467,269 na po ang naka-recover at 1.76% o 27,224 naman ang mga namatay, 3.5% o 54,262 naman po dito ang active cases.

Muli ring nakapagtala ng dagdag na 55 cases na Delta variant ang Department of Health at ang Philippine Genome Center kaya naman sa kabuuan ay mayroon ng 115 total cases ng ika nga ay mas nakakahawa at mas delikadong variant sa Pilipinas. Tatlumpu’t pito rito ang local cases, labimpito (17) ang Returning Overseas Filipinos at isa ang bini-verify pa hanggang ngayon.

Sa 37 local cases, karamihan ay na-detect sa CALABARZON, sumunod sa Northern Mindanao, Metro Manila, Central Luzon, Davao Region at Ilocos Region. Ayon naman sa DOH, naka-recover na ang limampu’t apat na … sa 55 na bagong na-detect habang isa ang nasawi.

Bantay-sarado po ng Philippine National Police ang ilang lugar malapit sa Batasan Pambansa para tiyakin ang peace and order ilang oras bago magsimula ang SONA ng Pangulo. Kaugnay niyan ay makakausap po natin dito sa studio si PNP Chief General Guillermo Eleazar. Good morning po, General.

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR: Yes, magandang umaga sa’yo, Usec. Rocky. At magandang umaga rin sa lahat ng mga nakikinig at nanunood sa ating programa.

USEC. IGNACIO: Opo. General, saan-saang main points naka-deploy ang nasa 15,000 police personnel ngayong araw para sa SONA ng Pangulo? At so far po ay good naman po ba?

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR:  Yes, Usec. Rocky. Actually, ito po ay 15,000 kasama na iyong mga force multiplier natin; around 11,800 iyong ating mga pulis mainly from NCRPO. Ito ay all over the Metro Manila, pero ang bulk dito siyempre ay iyong malapit sa Batasan Complex partikular sa Commonwealth Avenue. Iyon ay mga dati na nating mga pinagdi-deploy-an ng ating mga template, at still iyon pa rin ang ating binabantayan.

Pero napakaganda naman at nagkaroon ng pag-uusap itong LGU natin na through our Mayor Joy Belmonte, kasama na rin ang QCPD at pati na rin iyong mga grupo, mga leaders ng mga grupo na magsasagawa ng mga kilos-programa, at nagkaroon ng kasunduan kung saan sila dapat magsagawa ng kanilang mga programa at pati kung saan hangganan, hanggang doon lang sila.

So ito ngayon ay binabalanse natin, itong pandemya na ating dinaranas ngayon at pati na rin siyempre itong kanilang karapatan naman na makapagdaos ng kanilang mga programa.

USEC. IGNACIO: Pero, General, sinasabi ninyo nga na maximum tolerance ang ipatutupad, pero ang Delta variant po ang isa sa mga talagang nakakatakot. So paano po masisiguro na ito pong magsasagawa ng kanilang … hindi naman protesta o kung anuman po ang gagawin nila sa nais ipahayag ay papaano po matitiyak na ito po ay nakakasunod po dito sa sinasabi nating physical distancing, iyong health protocols po?

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR:  Usec. Rocky, mismo itong mga grupo na magkikilos-protesta ang nagbigay ng kondisyon nila sa ating LGU kung kaya’t sila ay pinayagan. At kasama doon, iyon nga, iyong siguradong pagmi-maintain ng mga physical distancing, pagsusuot ng facemask and face shield. And hindi rin puwede ang mga bata at kung mayroon mang matanda ay bakunado na.

So all of these things na kanilang inihatag ngayon, iyon ang naging basehan ng ating LGU para payagan o bigyan sila ng permit. Pinaiksi rin iyong mga programa na iyon. At una nga, wala na, hindi na sa Commonwealth magsasagawa ng programa. Parang ang programa is ongoing ngayon doon partikular sa UP kung saan inuobserbahan pa rin nila iyong kanilang mga health protocol; iyon naman ang kanilang commitment. At kung sila ay magmartsa dito sa northbound ng Commonwealth, hanggang doon lang sila bago mag-Tandang Sora, doon po sa lugar kung saan malapit ito doon sa St. Peter’s Memorial Chapel.

At ang mga pulis natin ay nakabantay naman para mag-obserba kung susunod ba sila doon sa mga kundisyones na sila mismo ang naghatag para naman sa consent o permit na ibinigay ng ating local government unit.

USEC. IGNACIO: Opo. General, ihabol ko lang itong tanong po ni Miguel Aguana ng GMA News Desk. Ito po nagtanong niya: Reaksiyon po sana dahil nagku-cause na raw po ng traffic sa NLEX ang PNP checkpoint sa Libis, Baesa. Umaabot na raw po sa 15 kilometers ang haba.

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR:  Alam ninyo po, iyong checkpoint operation natin is bahagi iyan ng ating pinaigting na pagpapatupad nitong ating mga health protocol. Hindi po ba nagkaroon nga tayo ng Delta variant, kaya nga iyong ating interzonal movement ay talagang nagkaroon ng restriction kaya’t nandoon ang checkpoint natin.

So nagkataon naman na mayroong SONA, at sinasabi nga po natin na sa ating mga kababayan na kung hindi naman po kayo kasama doon sa mga APOR ay mas maganda na hindi na po kayo lumabas ng bahay. So hihingi po kami nang kaunting paumanhin dahil po sa trapiko na idinudulot ng ating mga checkpoint pero ito naman po ay ating ginagawa pa rin po sa kaligtasan ng lahat at para na rin po doon sa ating pagpapatupad ng mga pinaigting na guidelines ng ating IATF sa ating pandemya.

Pero rest assured po na risonable naman iyong ating ginagawa. At nagkaroon na rin tayo ng guidance sa kanila na i-assess nang maigi para hindi po … kumbaga, ma-lessen itong impact ng traffic na dinadanas ngayon doon sa iba’t ibang lugar outside of Metro Manila.

USEC. IGNACIO: Opo. Sa pagbabantay na ito ng mga pulis ay nakasuot daw po ba sila ng body cameras, General? Itong kabuuang 15,000 police ay mayroon po bang suot na body cams?

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR:  Ang may body camera lamang po ay iyong naisyuhan ng body-worn camera. So bawat isang police station na binigyan natin ng body camera ay labing-anim lang po iyon. And here in Metro Manila, ito pong mga police station natin, aside from the different city police stations, pati police station naman ay mayroon din sila kaya nga po iyon ang kanilang gagamitin pero hindi natin kayang bigyan lahat itong 15,000 or 11,000 na ito.

But just the same, kanina nga po bago ako umalis kanina doon sa lugar sa may Batasan Complex ay na-meet ko po at nakausap itong mga kinatawan ng ating Commission on Human Rights na kung saan ay iimbitahan po sila ng ating kapulisan para po maging bahagi ng pag-oobserba noong ating ginaganap na pagbabantay dito po sa ating deployment sa SONA.

USEC. IGNACIO: Mag-a-update lang, General, tungkol daw po sa mga magra-rally. Kaninang umaga pa lang may mga nakapuwesto na para magkilos-protesta. May balita po ba kayo kung sila ay nabigyan talaga ng permit ng Quezon City LGU? Ang sabi po kasi ng ilang progressive groups ay until the last minute ay susubukan daw nilang makipag-coordinate sa LGU.

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR:  Kagaya po ng aking nabanggit kanina, last Saturday po ay nagkaroon ng pag-uusap nga at ito ay pinangunahan ng ating alkalde ng Quezon City na si Mayor Joy Belmonte at base na rin sa mga kondisyon or inihatag na mga protocols mismo ng mga magsasagawa ng kilos-programa ay pinayagan sila.

Pero, kagaya nang sinabi nga natin, sila po ay nag-ipun-ipon lang sa tatlong lugar – doon po sa may UP compound, sa may Commission on Human Rights compound at pati na rin sa National Housing Authority, and then doon sila magsasagawa ng programa. And after the program, around 11 or 11:15, saka po sila magma-march off pero in observance pa rin ng ating minimum health protocol doon sa northbound lane. Pero hindi nila io-occupy lahat iyon, hanggang doon bago dumating sa may Tandang Sora. So iyon po ang napag-usapan at wala nang programang magaganap pa. So hindi rin po sila kakain din doon, at saka pati babalik na rin sila pagkatapos po ng marating nila itong lugar kung saan iyon naman ang napagkasunduan.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, General, sa bahagi ninyo, wala naman daw po bang hulihan magaganap kahit na may mga magra-rally na walang permit lalo’t posibleng maging super spreader event ito lalo ngayong may local transmission na ng Delta variant?

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR:  Well, unang-una, binigyan na po ng permit iyan ng ating lokal na pamahalaan pero subject to the conditions na napag-usapan. At wala po tayong hulihan kung susunod sila doon sa patakaran na sila mismo ang nag-offer o naghatag. Ngayon, kung sakali hindi sila susunod, ang bilin ng ating Secretary ng DILG, Secretary Año, ay iyon ang reason po para ipatigil ang kanilang programa. At maaari na magkaroon po ng pag-warning o pag-caution or kung talagang sila ay mag-i-insist na gawin iyong hindi napagkasunduan, doon na po tayo papasok para po sa dispersal. Pero iyong arrest naman po sana, last resort natin iyon kung talagang hindi sila susunod sa mga pinag-usapan.

Pero alam mo, Usec. Rocky, ang naging experience kasi natin mula noong una pa man, mula noong 2016, iyong apat na SONA na ako mismo ay nandoon ay nagkaroon ng pag-uusap at base sa pag-uusap nagkaroon ng kasunduan; at base sa kasunduan eh iyon po ang naging basehan natin – kung tutupdin nila iyon, wala tayong magiging problema. Kung hindi nila susundin iyon, that’s the time po na magsasagawa tayo nang appropriate action – at iyon ang reason natin para po kami gumawa ng police action.

USEC. IGNACIO: Opo. May pahabol na tanong po si Vergil Parba ng SMNI News: Ano po ang estado ng seguridad natin ngayon? Kayo po ba ay mayroong natanggap na intelligence report na may banta sa ating seguridad ngayon pong SONA?

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR: Usec. Rocky, wala po tayong natatanggap na anumang banta sa seguridad. Pero ang ating police po kasi ay talagang naghahanda sa lahat ng sitwasyon – iba’t ibang eventualities ay mayroon po tayong mga protocol diyan. Kaya’t asahan ninyo po na kaya nga po tayo naghihigpit, may mga pulis tayo na dineploy kung saang lugar, nagku-conduct ng checkpoint – ito po ay para na rin sa ating magandang pagbabantay, na ang layunin naman natin is mairaos nang matahimik ito pong SONA natin sa araw na ito.

USEC. IGNACIO: Opo. Medyo malihis lang tayo nang kaunti, General. Ngayon pong panghuling SONA ng Pangulo, anu-ano po ang masasabi ninyong nabago o naging legacy ng Duterte administration pagdating sa pamumuhay at integridad ng ating mga pulis?

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR: Alam mo, Usec. Rocky, during the administration eh talagang dito naman po nadoble ang suweldo ng ating mga kapulisan pati rin ibang members ng security sector natin at pati na rin po iyong mga kagamitan dahil nga nag-invest ang ating Pangulo, ang ating pamahalaan sa security forces knowing na ito ay makaka-contribute sa peace and order and, eventually economic development. Kaya nga po kami ay talagang dapat na umaksiyon nang nararapat sa expectation ng ating mga tao.

Ang nakita naman po natin sa loob ng limang taong ito ay bumaba po ang index crime natin ng 63% compared doon sa first five years of previous administration at lahat naman po ay dama natin, itong kaligtasan, compared five years ago. At iyon lang po ang puwede naming masabi na concrete evidence. Well, that is crime prevention. Iyon po kasi ang isang main function ng ating kapulisan.

Pangalawa, iyon pong solusyon ng crime. While it is true na maraming krimen na hindi pa nasu-solve pero kung ikukumpara natin po iyong ating crime clearance efficiency – ito po iyong na-find out natin kung sino ang mga suspect dito at na-file-an ng kaso ay tumaas po ng 81% base na rin doon sa limang taon na ito. At doon sa crime solution efficiency, meaning to say mayroong naaresto kahit isa man lang doon sa na-file-an ng kaso ay tumaas nang 86%.

Of course, may room for improvement pa rin siya at kagaya ng sinabi nga natin may mga krisis na talagang natututukan natin at na-sensationalize, pero overall iyan po naman ang nagawa ng ating PNP sa pagtulong po sa ating peace and order situation.

USEC. IGNACIO: Opo. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at nabisita ninyo rin kami dito sa studio. Kayo po ba ay magsasagawa pa rin ng mga inspection, General?

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR: Yes. Pagkatapos nito ay balik ulit ho tayo doon. Kanina nga ay nagsagawa na tayo ng inspection pero dahil nga po sa ating appointment eh umabot tayo sa ating programa. Pero muli ay babalik tayo doon para muling ikutan po iyong ating mga security sub-task group na naka-deploy along Commonwealth na malapit po sa Batasan.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, PNP Chief General Guillermo Eleazar. Maraming salamat.

PNP CHIEF GEN. ELEAZAR: Maraming salamat din. Magandang umaga po sa ating lahat.

USEC. IGNACIO: Salamat po. Kaugnay niyan ay makibalita tayo kay Allan Francisco sa galaw ng militanteng grupo na nakatakdang magprotesta ngayong araw ng SONA. Allan?

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat sa iyong ulat, Allan Francisco.

Samantala, nakatakda ring magbukas ang third regular session ng 18th Congress ngayong araw. Puntahan naman natin ang mga pangyayari sa Senado sa report ni Eunice Samonte. Eunice, natuloy ba ang bali-balitang umano ay pagpapalit ng liderato diyan sa Mataas na Kapulungan?

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Eunice Samonte.

Samantala, bukod sa giyera sa droga, kriminalidad at korapsyon, isa rin sa itinuturing na pamana ng pagbabago ng Administrasyong Duterte ay ang Build Build Build Program. Narating nga ba natin ang umano’y golden age ng infrastructure gaya ng naging pangako noon ng Pangulo? Para pag-usapan iyan, makakausap po natin si DPWH Secretary Mark Villar.

Good morning po, Secretary!

SEC. VILLAR: Magandang umaga po!

USEC. IGNACIO: Secretary, puwede ninyo po ba kami bigyan ng rundown kung ilang infrastructure projects na po ang natapos ng Administrasyong Duterte under po ng Build Build Build Program?

SEC. VILLAR: Marami po. Actually, kung iko-compute natin iyong spending, iyong accomplishments natin in terms of peso value, halos times three iyong natapos na projects sa ilalim ng administrasyon ni President Duterte; ito ang pinakamarami sa kasaysayan ng ating bansa.

Mahigit 26,000 kilometers of road, more than 5,500 bridges; mahigit sampung libong infrastructures at sunod-sunod po iyong mga inauguration natin ngayon na mga flagship infrastructure projects. This week, iyong Estrella-Pantaleon, Kalayaan Bridge; last two weeks ago, na-inaugurate iyong CLLEX.

Kaya marami po tayong mga flagship infrastructure projects na ide-deliver bago matapos po ang term ni President Duterte.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, mayroon pa bang expected na matatapos din bago bumaba sa puwesto ang Pangulo by next year?

SEC. VILLAR: Marami po, marami po. In the next month, magbubukas na iyong bagong section ng CALAx; pati sa Marawi, iyong road network, iyong first phase ng road network natin sa Marawi; sa Samar Pacific Coastal Road; iyong Bacolod Economic Highway, iyong connector; iyong Binondo-Intramuros Bridge at marami pa po. Ongoing na rin iyong Pangil Bay Bridge, iyong pinakamahabang bridge sa ating bansa.

Kaya makikita talaga natin na masigla po ang ating Build Build Build at napakalaking accomplishments lalo na’t considering iyong environment ngayon na mayroon tayong pandemya. So, sa gitna ng pandemya na-accomplish pa rin iyong mga commitments ni President Duterte sa ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary Villar, makakasama rin po natin ngayong umaga si Secretary Martin Andanar. Good morning, Secretary!

SEC. ANDANAR: Good morning, Rocky! At magandang umaga sa iyo, Secretary Mark Villar.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, bukod daw po sa mga flagship projects na ito, Secretary, ay naging malaki rin ang papel ng ninyong ahensiya sa COVID-19 at disaster response ng pamahalaan. Ilan daw pong mga classroom, evacuation centers at isolation facilities na rin ang naitayo ng DPWH sa nagdaang limang taon?

SEC. VILLAR: Una po, sa mga evacuation centers almost 180 evacuation centers nationwide ang natapos sa term ni President Duterte at pati sa pandemic response nakapagpatayo ng almost mahigit 25,000 bed capacity. Mayroon pa tayong naitayong mga modular hospitals and in fact first week of August magiging open na iyong latest natin na 110-bed modular hospital sa Lung Center.

SEC. ANDANAR: Secretary Villar, kung ikukumpara ang bilang ng mga nasimulan at mga natapos na proyekto ng Build Build Build kaysa mga naunang Administrasyon, Secretary, masasabi bang natupad ang ipinangako noon ng Pangulo na ang pamumuno niya ang magiging “Golden Age of Infrastructure” ng Pilipinas?

SEC. VILLAR: Malayung-malayo, napakalaki ng accomplishments ng Build Build Build sa term ni President. Una, pag-usapan natin ang job generation. From 2016 to 2020, nakapag-generate ng 6.5 million jobs ang Build Build Build kaya ito po ay isang programa na napakalawak at ito po ay accomplishment ng hindi lang po ng Duterte Administration pero accomplishment ng 6.5 million Filipinos na nagtatrabaho para sa ating kaunlaran.

Kaya kung titingnan ninyo po, makikita ninyo naman, mararamdaman ninyo naman po ang effects ng Build Build Build. Isang example po iyong na-implement iyong EDSA decongestion halos dumoble po ang bilis ng takbo sa EDSA. Makikita ninyo po sa Boracay, iyong dating cesspool ng Boracay ngayon maganda na iyong infrastructure doon, ngayon malinis na po. Marami talaga, malawak ang effects ng Build Build Build ni President, short term at long term effects.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary may tanong lang po si Chino Gaston ng GMA News: Marami daw pong lubak ngayon sa mga kalsada matapos iyong mga pag-ulan. Is this a testament daw po na quality of construction of our roads; what are we doing now since these potholes are now impeding traffic and posing danger to our motorists?

SEC. VILLAR: Tuloy-tuloy naman ang ating pagri-repair kung mayroon mang mga potholes. Kasama na po sa budget namin ang pagri-repair ng mga damages sa ating mga kalsada. Pero overall, maganda ang condition ng ating mga kalsada, makakapal iyong road thickness, so pang-heavy duty ang ating mga kalsada. Pero kung mayroon mang mga damages sa mga local or national roads, aayusin din namin sa lalong madaling panahon.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, may pahabol lang pong tanong si Cresilyn Catarong ng SMNI: Personal ho ba kayong dadalo sa SONA ng Pangulo mamaya at ano po ang inaasahan nating maririnig kay Pangulong Duterte lalo na sa infrastructure projects?

SEC. VILLAR: Pupunta po ako mamaya. Ako, excited din ako at gusto kong marinig ang SONA ni President Duterte. Of course, it’s the President’s—wala naman akong idea kung ano iyong magiging exact flow ng kaniyang speech but definitely I’m sure babanggitin niya lahat ng accomplishments at marami talaga siyang accomplishments na babanggitin sa SONA. Kaya ako, excited ako for the final SONA of our President

SEC. ANDANAR: Maraming salamat sa pagsama sa amin ngayong umaga, DPWH Secretary Mark Villar. See you mamaya sa SONA ng Pangulo. Stay safe po kayo.

SEC. VILLAR: Maraming salamat po. Stay safe.

USEC. IGNACIO: Samantala, malasakit para sa kapwa Pilipino ang isa sa naging prayoridad ng Administrasyong Duterte dahilan para maisabatas ang Malasakit Center Act of 2019. At ngayong umaga po, isang kababayan natin ang humihingi ng tulong para sa ikagagaling ng kaniyang anak na may brain tumor.

Makakausap natin virtually sina Riley Amber Alvaro at ang nanay niya na si Hajie Alvaro. Good morning po sa inyo! Good morning po, ma’am Hajie. Nanay Hajie?

MS. ALVARO: Hello po.

USEC. IGNACIO: Opo. Nanay Hajie, sa ngayon kumusta na po ang kondisyon ni Riley?

MS. ALVARO: Okay naman po siya, ma’am.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero ano raw po iyong kailangang gawin para magamot si Rileyl puwede daw po ba siyang maoperahan?

MS. ALVARO: Puwede po siya maoperahan kaso po hindi po kami pumayag magpaopera kasi po five years-old pa lang po siya. Hindi ko naman po isusugal iyong 50% na ano niya—isapalaran ko po iyong 50% sa operasyon niyan kasi sabi ko po bata pa naman po siya. Kung puwede po, mag-second opinion po kami sa isang doktor po para po kung puwede pong maidaan siya sa medicine po.

USEC. IGNACIO: Opo. Nanay Hajie, may estimate rin bang ibinigay sa inyo ang ospital? Kung sakali po magkano ang kakailanganin para sa CT scan at iba pang tests at treatment ng bata?

MS. ALVARO: Iyong sa CT scan niya po, ma’am, bake po nasa 12,700 po. Iyong CT scan niya para po makita ulit doon sa CT scan kung nagbago ba iyong bukol niya, kung lumiit po siya or kung natunaw po siya ng mga medicine po na kaniya pong iniinom.

USEC. IGNACIO: Opo. Nanay Hajie at Riley, masuwerte kayo dahil napakinggan po mismo ng proponent ng Malasakit Center ang kalagayan ni Riley kaya naman po makakausap din natin ngayong umaga si Senator Christopher Bong Go. Magandang umaga po, Senator Bong!

SEN. GO: Magandang umaga, Usec. Rocky. Magandang umaga, Secretary Martin. At sa lahat ng mga kapatid nating Pilipinong nakikinig ngayon, magandang umaga. Kay Hajie, magandang umaga sa iyo at kay Riley, sa iyong anak.

HAJIE ALVARO: Magandang umaga rin po, Senator. 

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, bukod po sa ibinigay na medical assistance ng DSWD Region V, ano pa po kaya iyong tulong na maibibigay ng inyong opisina para po sa pagpapagamot ni Riley, para po marinig na rin ni Nanay Hajie?

SEN. GO: Nanay Hajie, kung ano pa iyong mga kailangan mo sa ngayon sa pagpapagamot ng iyong anak, pakisabi na lang po na kami na sasagot. Nasa desisyon po ninyo iyan kung papaoperahan po ninyo dahil sa napakabata ng anak ninyo, pero bilang magulang, alam kong desisyon ninyo [iyan]. Kapag decided ka na po na ipaopera ay handa po kaming tumulong. Huwag na po ninyong alalahanin iyong sa CT scan pati po iyong ibang gastusin, halimbawa pamasahe po ninyo papunta sa ospital or kung kakailanganin na dalhin dito sa mga espesyalista po sa Maynila. Mayroon po tayong Malasakit Center din po, may magagaling na doctor sa PGH.

Mayroon po tayong 130 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa inyo at may malapit rin po diyan sa lugar ninyo diyan sa Bicol. May dalawang Malasakit Center diyan sa may Bicol Medical Center, sa Naga at iyon pong Bicol Region General Hospital diyan po sa Cabusao. At mayroon din po sa Albay kung saka-sakaling kailangan po ninyo ng tulong. Huwag na po ninyong alalahanin iyong babayaran ninyo, importante po makasalba man lang tayo ng buhay ng ating mga kababayan. Iyan po ang layunin ng Malasakit Center, matulungan po iyong mga kababayan natin, iyong mga helpless, hopeless po na walang matakbuhan. Lapitan lang po ninyo ang Malasakit Center para po iyan sa mga poor and indigent patients at para po iyan sa Pilipino. Wala pong pinipiling pasyente ang Malasakit Center.

Anyway, Nanay, tutulong po kami sa inyo sa CT scan. Kung kailangan po ninyo ng livelihood, pangkabuhayan po para sa inyong mga pamilya ay tutulong rin po kami. Kaunting pinansiyal din po na panggastos ninyo habang nagdi-decide po kayo na paoperahan po ang inyong anak.

USEC. IGNACIO: Nanay Hajie, ano po ang masasabi ninyo?

HAJIE ALVARO: Kakausapin ko po muna, ma’am, iyong family ko po, tapos iyong asawa ko, tungkol po diyan po sa operation po ng anak ko bago po ako mag-decide. Kasi hindi naman po puwedeng ako lang ang magdesisyon, dapat po iyong asawa ko rin kausapin ko po, tapos iyong family po ng asawa ko, tapos family din po ng mama ko.

USEC. IGNACIO: Oo, pero Nanay Hajie, sinabi naman po ni Senator Bong Go na kahit ano pong mga paraan para po talagang matulungan si Riley ay gagawin po ng kaniyang tanggapan. So, baka kayo po ay may gusto pang sabihin kay Senator Bong Go, ito po iyong pagkakataon na makakausap na po ninyo siya.

HAJIE ALVARO: Iyong ano po talaga, iyong kailangan ko po talaga ngayon pantustos po talaga sa gamot ng anak ko, tapos po doon sa medicine po niya talaga, tapos sa CT scan po. Tapos iyong monthly pong pa-check-up tapos iyong mga vitamins pa po niya. Tapos doon po sa doktor po niyang pinag-aanuhan po namin ng gamot, medyo po kasi mahal po talaga iyong mga gamot niya. Hindi ko po kaya iyon, ma’am. Sa isang linggo po, inaabot lang po ng one week lang po iyong gamot niya. Hindi po sapat iyong sahod ng asawa ko para po matustusan iyong pangangailangan ng anak ko.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator Bong Go, ano po ang mensahe ninyo kay Hajie at sa kaniyang anak na si Riley at sa mga kababayan din po natin na nangangailangan ng medical assistance?

SEN. GO: Tutulong po kami, Nanay Hajie. Huwag ka na pong mag-alala sa abot ng aming makakaya, kami ni Pangulong Duterte ay tutulong po sa iyo. At sa mga kababayan nating nakikinig ngayon na may mga kailangan po kayong pagpapagamot, mayroon na po tayong mga 130 Malasakit Centers sa buong Pilipinas na handang tumulong sa inyo. At bukas po lagi ang aming tanggapan kung ano pa po ang puwede naming maitulong sa mga kababayan namin. Nandidito lang po kami ni Pangulong Duterte.

USEC. IGNACIO: Salamat, Nanay Hajie. Mag-ingat po kayo palagi.

HAJIE ALVARO: Opo.

SEC. ANDANAR: Magandang umaga po sa inyo, Senator Bong Go. Senador, may ilang katanungan lang din po ako para sa inyo. Sa ngayon ay all set na po ba ang lahat sa gaganapin na SONA ng Pangulo mamaya? Kasama po niya kayo na nag-rehearse? Ano po ang ii-expect ng taumbayan na marinig mula mismo kay Pangulong Duterte sa kaniyang huling State of the Nation Address?

SEN. GO: Bagama’t ito na po iyong pinakahuling State of the Nation Address ng ating mahal na Pangulo, ayaw ko pong maging bias ‘no. Hayaan na lang po ang taumbayan ang humusga sa ating mahal na Pangulo kung natupad niya ang kaniyang mga pangako.

At tanungin na lang po ninyo ang inyong mga anak, ang inyong mga kamag-anak, kumpara po noong mga nakaraang taon sa buhay ninyo at sa panahon po ngayon, kung nakakalakad na ba ang inyong mga anak tuwing gabi? Mga OFWs, mayroon na ba kayong peace of mind na nakakauwi iyong mga anak ninyo na walang nambabastos, walang gumagalaw kumpara po noon?

At babanggitin ko na rin po sa mga militar at saka mga pulis, talagang naaasahan po ninyo ngayon iyong mga pulis natin. Kanina nakita ko si General Eleazar, ginagalang at nalalapitan po natin. Kumpara po noon na takot tayo, ngayon po nalalapitan na po ninyo ang mga pulis. Isa po iyan sa nagiging dahilan kaya successful po ang peace and order campaign ng ating Pangulo, dahil po iyan sa mga pulis at sa mga militar na talagang nagtatrabaho at ginagalang po.

Ngayon, noong umupo ang ating Pangulo, maalala ko 2016 po, noong nangangampanya siya, ang ipinangako po niya, mga tatlo o hanggang pitong mga promises po niya na sa palagay niya ay kaya po niyang gawin noong panahong iyon. Ito po ay kaniyang tinupad naman po. Iyong kampaniya laban sa korapsiyon sa gobyerno, bagama’t napakahirap pong i-eradicate talaga totally, pero ginawa po niya. Nilalabanan niya hanggang sa kakayanin niya po.

Kampaniya laban sa kriminalidad. Tanungin po ninyo iyong mga anak ninyo kung nakakalakad na sila sa gabi? Kampaniya laban sa illegal na droga, bagama’t alam natin na talagang talamak noong kakaupo niya, mayroon na pong mga pagbabago. Dahil po iyan sa strong leadership ng ating mahal na Pangulo. Kaya tanungin na lang po ninyo ang Pilipino, sila na po ang humusga sa ating mahal na Pangulo. Ngayon, tinupad niya po iyon sa nakaraang limang taon. Binigay po niya ang kaniyang lahat, the best na po mula sa kaniyang panunungkulan.

Ngayon, iyong ipinangako niyang infrastructure. Nabanggit na po ni Secretary Mark Villar kanina, madami na pong skyways, highways, mga tulay at bagama’t sinasabi nilang mayroon naman pong skyways noong unang panahon eh mahirap pong tapusin ito. Natatapos po sa panahon ni Pangulong Duterte because po of political will. Napakahirap pong tapusin ang mga skyways, ang dami pong mga injunction, ang daming kasong pinapataw dahil maraming maapektuhang mga properties. Because of political will ni Pangulong Duterte, noong nagsalita siya na ayaw ko itong mga hadlang dito na kinakasuhan. Ngayon tuluy-tuloy na po, nababawasan na po ang trapiko. Bagama’t napakahirap po noong unang panahon na tapusin ang trapiko sa Metro Manila, pero nababawasan na po ang trapiko sa Metro Manila. Ngayon, iyong pangako niyang free irrigation; iyong mga pangako po niya pong free tertiary education, iyong libre po sa mga state universities ay tinupad po niya dahil doon sa batas na free tertiary act. At ito pong sa Universal Health Care, iyong sa libreng gamot.

Iyon po iyong mga promises niya na tinupad po niya. Ang importante naman po ngayon going to his last year or 11 months, ito pong economic recovery natin at ito pong COVID response. Alam ninyo naman po binabalanse ng Pangulo ang lahat bagama’t hirap na hirap naman po ang lahat ng bansa, hindi lang naman po ang Pilipinas pero ginagawa niya po ang lahat at inuuna niya po ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino. Parati kong inuulit iyan, ang pera po’y kikitain natin subalit iyong buhay po ay hindi nabibili ng pera. So importante po buhay ng bawat Pilipino; a lost life is a lost life forever.

Maganda naman po ang takbo ng ating COVID response sa ngayon. Dumadating na po ang mga bakuna, tuluy-tuloy po ang pagbabakuna and in fact makikita ninyo naman po sa ngayon ang vaccination rate araw-araw, almost 500,000 [garbled] na po ang ginagawa sa ating mga Pilipino. Kaya pakiusap ko lang habang dumarating iyong bakuna ngayon, please grab the opportunity. Libre po itong bakuna, libre po ito para sa Pilipino. Magtiwala ho kayo sa bakuna. Huwag ho kayong matakot sa bakuna. Ang bakuna po ang solusyon o susi para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay.

Ang pakiusap ko lang po sa Pilipino, bagama’t bakuna na kayo, disiplina pa rin po ang kailangan sa ngayon dahil delikado po itong Delta variant na nakapasok na po, na mayroon nang local transmission. Huwag ho kayong maging kumpiyansa, iyan lang po ang pakiusap namin ni Pangulong Duterte.

Ngayon itong SONA naman po, napakaimportante po itong gagawing hakbang, kami naman bilang senador ay suportado ko po kung ano iyong makakabuti lalung-lalo na po sa ating recovery po ng ating ekonomiya. At sa pagtawid po natin dito, going back to—moving forward po dito sa ating new normal po na mangyayari.

Sana po ay makamtan na natin iyong population protection and herd immunity po sa susunod na taon para naman po bumalik na tayo sa ating inaasam na normal na buhay

SEC. ANDANAR: Totoo bang siya raw po mismo ang pumili ng mga babanggitin sa kaniyang huling SONA?

SENATOR GO: Opo, dahil hands on po si mahal na Pangulo lalung-lalo na po sa mga bagay na pinangako niya at natupad na niya. So talagang siya ang pumili ng mga binanggit niya, ano iyong mga nagawa niya at ano pa iyong mga planong gawin niya po towards economic recovery dahil nakatutok po ang ating bansa ngayon dito sa ating COVID response and economic recovery – diyan po nakataya ang lahat… doing last 11 months of his administration.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa walang sawa ninyong pagtulong at pagtugon sa ating mga kababayang nangangailangan, Senador Christopher ‘Bong’ Go. Mag-iingat po kayo, Senator, at mabuhay po kayo.

SENATOR GO: Sa mga kababayan ko, mag-ingat po tayong lahat at magdasal. Hindi naman po tayo pababayaan ng ating mahal na Panginoon, malalampasan rin natin ito bilang nagkakaisang mamamayang Pilipino. Maraming salamat po sa inyong lahat.

USEC. IGNACIO: Okay. Secretary Martin, kaugnay naman po sa SONA preparations, may tanong naman po sa inyo si Maricel Halili ng TV-5: Ano daw po ang estimate time or haba ng magiging SONA ng Pangulo later?

SEC. ANDANAR: Base doon sa huling ensayo or rehearsal, nasa mga 59 minutes kapag walang adlib. Eh pero ‘pag nilagyan mo ng adlib iyan siyempre hahaba kaya siguro ‘antayin na lang natin. Pero expect it ito be about 59 minutes to 1 hour.

USEC. IGNACIO: Pero sinu-sino daw po iyong mga expected family member ng Pangulo na darating?

SEC. ANDANAR: Mayroong mga miyembro ng pamilya na manunood through Zoom, hindi ko alam kung sino at hindi ko rin alam kung sino iyong magiging present doon; iyan ay aabangan nating lahat.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero balita natin, Secretary Martin, ay mahigpit iyong protocols ngayon sa Batasan.

SEC. ANDANAR: In fact, eh tinext ako ng aking executive assistant, sabi kailangan daw ay pumunta na ako doon dahil alas dose daw ay kailangan nandoon na lahat ng mga dadalo para magpa-antigen tapos magbibigay ka ng iyong card na patunay na ika’y nabakunahan na tapos iyong mga invitation at kung anu-ano pang mga dapat gawin na protocols.

USEC. IGNACIO: Opo. Kasama diyan iyong RT-PCR na alam ko naman siyempre nandito kayo so negative kayo, Secretary.

SEC. ANDANAR: Oo. Kaya, Usec. Rocky, pansamantala muna akong magpapaalam at tutukan ninyo po ang State of the Nation Address mamaya dito po sa PTV. Salamat, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Salamat, Secretary Martin. Magkita po tayo mamaya. Salamat po.

Samantala, tumungo naman tayo sa Batasang Pambansa kung saan abalang-abala na ang lahat para sa gaganaping SONA ng Pangulo. Ang update ihahatid sa atin ni Daniel Manalastas. Kumusta na diyan, Daniel?

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Daniel Manalastas.

Sa puntong ito, makakausap naman po natin si Leyte First District Representative at House Majority Floor Leader Congressman Martin Romualdez para pag-usapan po ang mga naisabatas na panukala at mga ihahabol din ng Mababang Kapulungan sa pagbubukas ng third and final session ngayong araw. Good morning po, Congressman Romualdez.

REP. ROMUALDEZ: Magandang umaga.

USEC. IGNACIO: Congressman, where will you be later daw po sa 2021 SONA ng Pangulo? Saan po kayo makikinig sa kaniyang talumpati?

REP. ROMUALDEZ: Nandito po tayo sa Batasang Pambansa, doon po kami sa floor. Limitado lang ang kapasidad ngayon po ng Batasan, siguro one-third lang iyong capacity/total. Lahat-lahat ang a-attend siguro mga 300 po per the IATF and the PSG guidelines na we agreed upon po. So nandito po ako sa Batasan at kanina lang po natapos lang iyong aking morning session to prepare for the reception of the President’s State of the Nation Address po.

USEC. IGNACIO: Opo. Congressman, kumusta po iyong naging pagbubukas ng third and final session? How would you show support daw po sa SONA ng Pangulo sa hapon?

REP. ROMUALDEZ: Well, nandito po kami lahat at sa totoo lang po karamihan po ng mga kongresista gusto talagang mag-attend dahil ito po ang huling SONA ng ating mahal na Pangulo. At siyempre naman limitado lang po kaya na dapat one-third lang po ang kapasidad ng plenaryo ang i-accommodate, iyong mga guests lang natin. So iyong mga fellow senators at saka iyong mga VIP guests galing sa ibang mga departamento at saka sa diplomatic corps po ay makaka-attend lang po. So nandito po lang kami para ipakita natin sa ating mahal na Presidente na nandito po, sumu-support po sa kaniya at nagpapasalamat din tayo sa kaniya sa limang taon na binigay niya sa ating bansa, sa pagsiserbisyo sa ating lahat.

USEC. IGNACIO: Congressman, tama po ba na ang 2022 budget na agad ang tatalakayin ng Kongreso? Confident po ba kayo na maipapasa ito sa Senado within 10 weeks bago po ang filing ang candidacy sa October?

REP. MARTIN ROMUALDEZ: Ma’am, iyon po ang target natin. At sa totoo lang po, nagawa na natin dati sa nakaraang dalawang budget hearings. Mataas ang kumpiyansa natin dito. So pagkatapos ng SONA, usually po, doon ang panahon kung kailan isusumite sa ating tanggapan dito sa House of Representatives iyong sinasabing net expenditure program for the 2022 budget. So handang-handa na kaming magtrabaho. At sanay na sanay na rin tayo na maski may COVID, lahat po ng mga chairmen ng mga committees, sila pa ang nagpi-preside at saka very active po lahat ng mga kongresistang nag-a-attend in person at via Zoom – iyong sinasabing blended or virtual po ang mga hearings natin – at saka tatapusin din natin dito sa plenaryo. At kakayanin naman natin at iyong balak talaga natin, tapusin natin bago sa deadline ng filing ng certificate of candidacy sa Oktubre.

USEC. IGNACIO: Opo. Congressman, bukod po sa national budget, ano pa raw po ang mga batas na posibleng ihahabol na maipasa sa huling taon ng Pangulong Duterte? Kabilang ba raw po dito iyong anti-endo bill na nauna na pong hiniling ni Secretary Bello kay Pangulo na i-certify as urgent?

REP. MARTIN ROMUALDEZ:  Yes po, basta na-certify po iyan as urgent. Karamihan po lahat ng mga priority bills or measures, napasa na dito sa House of Representatives. Kaya hinihintay na lang natin iyong mga kapuwa nating mga kongresista, sa Senado, na tapusin din nila iyong bersyon nila. At kapag mayroon silang bersyon, niri-reconcile natin iyong mga diperensiya sa sinasabing bicam o puwede rin nating i-adopt iyong version nila or i-concur sa kanilang versions. Sa totoo lang po, handang-handa na kami ipasa lahat ng mga priority measures po.

USEC. IGNACIO: Opo. May mga kritiko po na nagsasabi na among the 20 plus priority bills na sinabi ng Pangulong Duterte sa kaniyang 2020 SONA, apat lang daw po ang naipasa ng Kongreso – ang CREATE Act, ang FIST Act, Coconut Trust Fund Law at ang Bayanihan II at tila diumano’y mas naka-focus ang Kongreso na ipasa ang mga controversial bills kagaya raw po ng Anti-Terrorism Law, halimbawa. Ano ang masasabi ninyo dito?

REP. MARTIN ROMUALDEZ:  Bilang sa liderato dito sa House of Representatives, tapos po lahat. Natapos na natin lahat, at iyong lahat ng mga sinasabi, pinaakyat na natin sa Senado kaya kaunting pasensiya lang. Tatapusin din iyan ng mga senador, iyong mga priority measures na iyan.

Pero dito po sa House of Representatives, 100% na po accomplishment tayo. At maski may pinapahabol, tatapusin din natin iyong ibang mga priority measures such as the creation of the Center for Disease Control, iyong creation of medical [reserve] corps po. Lahat po na ihahabol, kakayanin nating matapos. Pero lahat ng mga sinasabi nilang mga priority measures po, natapos po natin kung hindi last year pa, earlier this year natapos na po. Kaya nagpi-pending lang po iyan sa Senado.

USEC. IGNACIO: Opo. Bilang panghuli po, ano po ang masasabi ninyong legacy ng Pangulong Duterte sa Kongreso at sa mga batas na na-prioritize niya at napirmahan?

REP. MARTIN ROMUALDEZ:  Well, marami talaga siyang mga ginawa na mga maganda, mga reporma dito sa mga anti-corruption, anti-drugs at saka anti-criminality. Talagang bagung-bago talaga ang ating lipunan; ito ay mas komportable na. Ang tao maski may COVID, ginagawang mas secure po ang kalusugan. At siyempre naman, dito sa challenges po ng ating ekonomiya post-COVID po, lahat po ng mga legislations po ay nakahanda diyan para sa economic recovery po. Kaya iyon talagang mga challenges dito, hindi naging hadlang sa pagtrabaho at pagsisikap ng ating Presidente dito at saka iyong administrasyon niya na magbigay ng magagandang kabuhayan sa lahat ng mga kapuwa nating Pilipino.   

USEC. IGNACIO: Opo. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon. Mabuhay po kayo, House Majority Leader at Leyte 1st District Representative, Martin Romualdez. Stay safe po.

REP. MARTIN ROMUALDEZ:   Maraming salamat din po.

USEC. IGNACIO: Samantala, alamin natin ang pinakahuling pangyayari sa Cordillera Region. Magbabalita si Debbie Gasingan.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: At dito na po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Maraming salamat po sa ating mga partner agencies para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.

Patuloy po kayong sumubaybay sa PTV para sa pinakabagong balita tungkol sa huling SONA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Makakasama ninyo po kami ni Erwin Tulfo mamayang alas-dos ng hapon para sa ating special coverage.

Ako po si Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO, at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)