Press Briefing

Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque by Weng Dela Peña (Radyo Pilipinas – Tutok Erwin Tulfo)

WENG: Secretary, magandang umaga po sa inyo sir.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga Weng, sa lahat ng nakikinig magandang umaga po.

WENG:  Opo. Salamat po ng marami sa inyong time, alam ko…

Mukhang ang Kuwait government ay medyo nagmamadali na ho Secretary dala ho ng nakita ho siguro nila talaga yung sinseridad ng Pangulo na talagang hindi niya papayagan yung mga OFWs natin hangga’t hindi maayos yung magiging kondisyon nila sa Kuwait, Secretary.

SEC. ROQUE:  Well, alam ko po nakipagpulong na si Secretary Alan sa kanilang embahador kahapon at inaantay ko na lang po ang anunsiyo na nanggagaling sa Department of Foreign Affairs, kung ano ang napagkasunduan. Dahil malinaw na malinaw naman po ang Presidente, wala pong halaga ang kapakanan ng ating mga mamamayang mangalap ng trabaho sa Kuwait at sa iba’t ibang parte ng daigdig, kinakailangan po tratuhin sila ng makatao, dahil ang mga Filipino po hindi naman dapat apihin kahit saan-saan sila naroron.

WENG:  Secretary, ano ho ba iyong sa tingin ho ninyo ang mga gustong mangyari ng Pangulo na magiging kapakanan ng ating mga domestic helpers, lalo na karamihan nanandoon ay mga DH sa Kuwait. Ano iyong gusto niyang siguro kondisyones para lang ho hindi niya… para hayaan niya ulit na makapag-trabaho yung mga Filipino o mga Filipina ho doon?

SEC. ROQUE: Well unang-una po, may obligasyon ang bansang Kuwait na tratuhin ang mga Filipino sa kaparehong pamamaraan ng pagtrato niya sa kanyang mga sariling mga national. Kung ang national niya ay nabibiktima ng karumal-dumal na krimen, dapat bigyan ng katarungan. At lahat ng Filipino na naging biktima ng mga mapang-aping mga amo nila ay dapat mabigyan din ng katarungan.

Pangalawa po, mayroon tayong matagal nang ninanais na mapirmahan ng gobyerno ng Kuwait, iyong bilateral agreement po nagbibigay proteksiyon sa ating mga manggagawa doon, anim na taon na pong nakabinbin iyan panahon na po para mapirmahan iyan.

WENG:  Wala po bang plano, Secretary, ang Pangulo na siguro iyong—eto naman, iyong mga opisyales ng OWWA or kung sino man na mga tumitingin po doon ay talagang magkaroon na ho ng overhaul o kaya sibakan na ho dahil biro ninyo 2016 pa lang, Secretary, 82 na iyong mga deaths ho ng mga Filipina sa bansang Kuwait, hindi ba? Dumadami pa ho iyon, ngayon meron na namang isa na humihingi ng tulong.

SEC. ROQUE:  Well, ang alam ko ho ay ang ating Secretary of Labor meron nga ni-recall na isang nagta-trabaho diyan dahil sa hindi yata magandang performance. So tayo naman po ay nakatutok din dahil ang ating panglabas na relasyon ngayon ay nakatutok doon sa kapakanan ng ating mga OFWs.

WENG:  Secretary, ito pong inyong sinasabing bilateral o trade relation ba ng Kuwait sa ginawang deployment ban ng Pangulo. Ano ba ang tingin ninyo, makaka-apekto ho ba ito sa relasyon Pilipinas at Kuwait on other aspects?

SEC. ROQUE:  Siyempre po umaasa tayong hindi. Pero kung ito man ay maapektuhan si Presidente na po ang nagsabi ‘hindi na po tayo bale na magutom, hindi na natin papayagan na ma-api ang ating mga kababayan.’

WENG:  Secretary, lastly lang. Iyong sinabi po Pangulo na talagang he will sell his soul to the devil para lang ho matulungan ang ating mga kababayan, ano-ano ho ba iyong plano ng Pangulo na maipa-abot ho na tulong dito sa ating na-repatriate na mga OFWs sa bansa natin ulit?

SEC. ROQUE:  Alam mo ang kagustuhan talaga ng Presidente ay magkaroon na ng sapat na trabaho dito sa Pilipinas nang sa ganoon ay hindi nangingibang bayan ang ating mga kababayan at nahihiwalay pa sa kanilang mahal sa buhay. So tayo naman po, lahat ginagawa para mapa-unlad pa ang ating ekonomiya.

Sa isang taon na nakalipas, isa po tayo sa pinakamabilis sa paglago ng ekonomiya at kung masusunod-sunod naman po natin ito sa natitirang taon pa ng ating Presidente, matapos po ang kanyang termino, isa na rin po tayong developed country. So huwag naman ho tayong mawalan ng pag-asa, patungo na po tayo roon. Mabuti po nagkaroon ng experience ang ating mga kababayan sa iba’t ibang daigdig, pero darating na po ang panahon, sa liderato po ni Presidente Duterte, dito na po tayo lahat maghahanapbuhay malapit sa ating mga mahal sa buhay.

WENG:  Okay. Secretary Harry Roque sir, salamat po ng marami sa inyong naibigay na oras sa isyung iyan ngayong umaga dito po Tutok Erwin Tulfo sa Radyo Pilipinas.

# # # # # #

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource