Interview

Interview with Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar (By Erwin Tulfo, Erwin Tulfo Live, Radyo Pilipinas)

TULFO:                                               Magandang hapon po, Secretary Andanar sir…

SEC. ANDANAR:                            Magandang hapon Erwin, at sa lahat ng mga nakikinig ng programa mo, magandang hapon.

TULFO:                                               Sir, dalawang bagay po, iyong kautusan ni Manong Digong na alisin iyong kaniyang litrato sa mga government agencies, ayaw na niyang makita, palitan daw ng mga litrato ng bayani, bakit po? I mean eh, parang nakaugalian na po ito, panahon pa ni Aguinaldo, maglalagay… kung sinong presidente, iyon ang mukhang ilalagay doon sa dingding.  Eh pero ang Manong Digong ayaw niya raw. What’s happening, sir?

SEC. ANDANAR:                            Alam naman natin na ang ating Pangulo ay isang napaka-humble na tao, at ang gusto lang ng ating Pangulo ay iyong lumabas iyong ating pagka-patriotic, makabayan in each Filipino. Sapagka’t sa nakikita natin na… sabi nga ni Presidente, na halos pati si Lapu-Lapu eh walang nakakakilala as a national hero, dahil iyong pangalan ni Lapu-Lapu ay inihambing lamang sa isang isda. Kaya ang gusto ni Presidente ay tignan natin at tingalain natin iyong mga dating mga bayani na nagpatakbo ng ating bansa; iyong mga bayani na sila mismo iyong nagbigay inspirasyon sa mga ninuno natin para matamo natin iyong tinatamasa nating kasarinlang ngayon, Partner.

TULFO:                                               Pero sir, eh gustuhin ko man, eh kagaya ng plano ko rito ay maglagay ng litrato ni Lapu-Lapu sa booth ng Radyo Pilipinas, eh wala akong makitang litrato ni Lapu-Lapu sir. Eh ang tanging ‘pag Ginoogle ko Lapu-Lapu, isda iyong lumalabas Sec.

SEC. ANDANAR:                            Ah ‘yan eh, escabeche, ‘di ba? (laughs). Escabeche, Lapu-Lapu (laughs)…

TULFO:                                               But kidding aside sir, kidding aside… Eh hindi ba puwedeng isama na rin ni Manong Digong sa executive order niya na tanggalin na iyong mga pangalan ng mga opisyal, ng mga pulitiko diyan, mga ‘through the effort-effort’ na ganoon sa mga proyekto, mga school building, mga tulay. Eh hindi naman pera ng mga hinayupak na mga pulitiko ‘yan; pera ng taumbayan. Kung hindi po ‘yan pera ng national government na kasama sa national budget, eh pera po, buwis ng mga ordinaryong mamamayan sa mga lalawigan, sa mga lungsod, Secretary. Pupuwede ba, kaya ba ng Pangulo ‘yan?

SEC. ANDANAR:                            Oo dapat lang naman, hindi naman kailangan ilagay ang pangalan ng ating mga leader, mga pulitiko sa kada proyekto na kanilang binuksan o naipatupad na proyekto. Eh ‘di ba mayroon ngang bill dito dati, iyong ikinasa sa Senado… iyong anti-epal ba iyon?

TULFO:                                               Oo. Ano nangyari pala doon, sir?

SEC. ANDANAR:                            Anti Epal bill. Hindi ko na maalala, pero nagkaroon nga ng epal campaign ‘di ba? Iyong mga epal…

TULFO:                                               Mukhang hindi yata pumasa, sir. Maraming congressman ang hindi pumayag.

SEC. ANDANAR:                            Eh baka hindi nga pero ganun pa man, going back to the speech of the President, na sabi niya gagawin niya ngang executive order. Alam mo kasi the President is a very simple man, at hindi naman siya iyong para ipagmayabang iyong sarili niya at—na siya’y presidente. Hindi naman malaki ang ego ng Presidente, siya ay isang public servant and that’s how he pictures himself – a public servant first before ano…before anything else. Kaya hindi importante sa kaniya iyong litrato niya ay nandoon sa entablado, nakalagay sa streamer. ‘Di ba sa Davao ganoon din, ayaw niyang ilagay iyong mukha niya sa mga proyekto. Kaya it really only shows that we have a President na hindi iniisip ang sarili, kundi iniisip lang ang bayan.

TULFO:                                               Actually hindi ito ang pinakaunang action niya sir na medyo nakakagulat. Kung naalala po natin, sir, aba’y sinasabi niya Sec. na ayaw niyang i-address siya ng ‘Your Excellency’ ha, mukhang ayaw niya rin yata iyon. I think after a few months ng pag-upo niya, pinaalis niya iyong ‘Excellency’ na address sa kaniya.

SEC. ANDANAR:                            Oo, iyong ‘Excellency,’ ayaw niya ring ‘Your Honor’ sa amin. Ayaw niya ng ganoon. Dapat ano lang, Secretary… tapos ayaw nga niyang patawaging Presidente, gusto niya mayor… mayor ‘di ba? So diyan mo makikita kung gaano ka-down-to-earth si President Duterte.

TULFO:                                               Okay. Sec., panghuli na lamang. May naulinigan ako na plano raw magtayo ng gobyerno, ng administrasyon na ito through your office ng isang Muslim TV, iyong Salaam TV. Is this true? Naulinigan ko lang eh doon sa janitor diyan na nagwawalis sa labas ng opisina mo. Narinig ka raw nagsasabi dito na plano yata, gusto ni Manong Digong na maglagay ng Salaam TV para sa mga kapatid nating Muslim. Is this correct?

SEC. ANDANAR:                            Actually Partner, nagte-test broadcast na tayo sa digital television 29/30 sa ABS-CBN Plus, iyong Salaam TV. So test broadcast, actually 6th test broadcasting na ‘yan. Ngayon hinihintay na lang natin, of course, iyong full complement noong mga taong tutulong sa atin pag-produce ng programa. Actually what is important is nasimulan na natin itong Salaam TV para sa mga kapatid nating Muslim, marginalized at lalong-lalo na para sa mga kapatid nating Kristiyano, para maintindihan nating lahat ang kultura ng mga Muslim natin na kapatid sa Mindanao, para matigil na rin itong diskriminasyon na nangyayari sa mga kapwa nating Pilipinong Muslim. Iyon talaga ang dahilan kaya may Salaam TV.

And Partner ha, just to tell you that iyong procurement noong television station sa Jolo, Sulu ay kasalukuyang isinasagawa ng Department of National Defense, and then sila rin iyong sponsor ng Salaam Television free to air doon sa Jolo, Sulu. At tapos soon, nagsisimula na iyong sa Marawi… pati Marawi lalagyan nila ng Salaam TV.

TULFO:                                               Pero Sec. ha, how will you do this? Is this… iyong native tongue ba o Arabic ba? Kasi, eh ‘pag sinabi mong mostly para sa mga kababayan nating Muslim, marami po tayong klaseng Muslim – may Tausug, iba po iyong salita doon, iba rin salita ng Maranao, iba rin salita ng Badjao, Yakan… so iba-iba. Papaano ito, Sec.?

SEC. ANDANAR:                            Oo, gagawin natin iyan sa salitang Pilipino.

TULFO:                                               Ah, okay.

SEC. ANDANAR:                            Sapagka’t iyong merkado nito ay kasama pati iyong Kristiyano, para maintindihan nating lahat iyong kultura ng mga kapatid nating Muslim. So mahalaga na ito’y nai-ano natin sa Pilipino, gamitin natin iyong salitang Pilipino at English para maintindihan ng lahat iyong ano natin.

TULFO:                                               Alright Secretary Martin Andanar, PCOO, maraming salamat sir. Magandang hapon, mabuhay po kayo Sec.

SEC. ANDANAR:                            Mabuhay po kayo Partner; at mabuhay po ang Radyo Pilipinas. Salamat.

###

Resource