Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Willie Delgado and Jorge Bandola (DZXL – Straight to the Point)

Q: Magandang umaga po, Secretary Harry.

SEC. ROQUE: Magandang umaga po at kasama n’yo ho ba si Lourdes?

Q: Ako muna si Jorge Bandola at Willie Delgado Jr.

SEC. ROQUE: Ay Jorge at Willy magandang umaga po sa inyo.

Q: Sec. Roque nag ikot po kayo kasama ang Pangulo kahapon sa mga sinalanta ng Urduja, ano po ang nakita ninyo at gaano karami ang mga tinataya ninyong… gaano kalala ang epekto ng bagyo?

SEC. ROQUE: Well, alam n’yo bagama’t ito ay signal number 2 lamang, ang nangyari iyong ulan na bumuhos diyan sa Biliran lalung-lalo na ‘no eh katumbas ng dalawang buwang ulan. Kaya naman po—

Papunta po doon kami ay nag-chopper mula Tacloban hanggang Biliran, pero pabalik po hindi na namin nagawa iyon dahil masyadong gabi na, eh nakita po talaga namin napakadaming landslide po ‘no sa iba’t-ibang parte ng Biliran. At dahil nga dito sa mga landslide na ito eh medyo marami po ang mga nasawi. Kahapon po habang ako ay nagbigay ng press briefing ay 31 na ang nasawi at mahigit 40, 44 kung hindi ako nagkakamali ang mga nawawala pa.

So medyo malungkot po talaga ang naging kapalaran ng Biliran at meron din na ilan pong nasawi dito sa mga karatig probinsya dito sa Western Visayas.

Q: Ano po ang pangunahing dahilan nung mga nawawala, Secretary?

SEC. ROQUE: Ay ito nga po ay dahil sa mga landslide, kasi talagang napakadaming ulan ang bumuhos na talagang gumuho iyong lupa. At marami rin, karamihan nung mga nasawi rin ay bukod doon sa mga naging biktima ng landslide ay mga nahulugan ano, iyong mga tinatawag na trauma at may pailan-ilang mga reports na mga nalunod din dahil biglang lalaki iyong tubig ng mga ilog at karagatan natin.

Q: Kahapon po, may narinig akong isang panayam sa ilang mga local government diyan sa bahagi ng Biliran at Ormoc, Secretary Roque. Ang isa pong mga reklamo nila ay iyong sobra daw na pagkakalbo na nung bundok at iyong tila hindi maayos-ayos na mga water ways sa Biliran.

Bukod po sa agarang tulong na ipingako ng Presidente, meron po ba siyang pangmatagalang solusyon kahit papano para maiwasan iyong mga ganito kalalang epekto ng bagyo?

SEC. ROQUE: Well, sinabi po ni Presidente siguro kinakailangan magpalit na rin ng pinapalaking mga pananim, dahil ang Biliran ngayon ay bigas pa rin, palay at saka coconut. So ang sabi niya parang kinakailangang tignan na natin iyong cacao na kasama ng coconut, Dahil ang cacao po ay mas kumakapit sa lupa at umiiwas nga po siya doon sa tinatawag na soil erosion.

Q: Doon po sa infrastructure na sinira ng bagyo ano po ang agarang solusyon diyan ni Presidente, Sec?

SEC. ROQUE: Well, doon po sa dalawang tulay na nasira sa Naval, ang sabi ng Presidente, bagama’t ang sabi ni Secretary Villar, well isang buwan ang kinakailangan, ang sabi niya kung pupuwedeng maayos doon sa mas kaunting panahon kaysa sa isang buwan.

Q: Oo, kasi kausap namin kahapon si Governor Espina, isolated iyong lugar nila, dahil maraming infrastructures iyong nasira especially iyong mga tulay na siyang nagdudugtong doon sa kanilang mga isla.

SEC. ROQUE: Hindi naman po talaga isolated, dahil meron pong circumferential road. Kaya nga lang po, imbes na 30 minuto papuntang Biliran magiging apat na oras. At iyong kalye naman po galing sa Tacloban papuntang Biliran iyan naman po ay nadadaanan at iyan po ang dinaanan namin kagabi.

Q: Oo, kasi kahapon eh, ang means lang yata para makarating iyong tulong sa kanila is through sa dagat dahil nga sa mga damage po.

SEC. ROQUE: Opo, talaga po iyong galing po sa Cebu iyong food packs, iyong nanggaling po sa Cebu ay kinakailangan talagang makaraan po sa pamamagitan po ng dagat.

Q: Papano po iyong naging atas ng Pangulo, dahil para maging mas mabilis iyong pagdadala ng mga relief goods doon lalo na sa Biliran?

SEC. ROQUE: Well, alam n’yo po sabi niya, kung kinakailangan ay oorderan po niya ang ating Air Force para mag-airlift ng mga food packs dahil talagang ang sabi po ng Mayor ng Biliran na si Grace Casil ay isang araw na lang po ang itatagal at mauubusan na talaga ng pagkain iyong munisipyo ng Biliran.

Q: Wala bang inilabas na pondo ang Pangulo para at least ay maka—

SEC. ROQUE: Ay marami pong inilabas, sa panig po ng DPWH, sa panig ng DSWD, sa panig po ng DOH. Dahil marami na pong areas dito nag-ano na rin, nagdeklara na rin ng state ng national calamity, eh lahat po sila ay na-access na rin nila iyong kanilang mga pondo, iyong quick reaction fund na tinatawag.

Q: Sec, bago po namin kayo bitawan, eh medyo nangangati lang po iyong dila ko. Meron po ba o walang nilabag na batas iyong photo shoot ni Isabel sa Malacañang?

SEC. ROQUE: Dati naman po iyong mga pamilya ng dumaang presidente doon pa tumitira sa Palasyo, lahat po ng kanilang kinakain at ginagastos sagot ng taumbayan. Ito namang pamilyang Duterte hindi nila ginawa iyon. So hayaan na natin kung gusto niyang mag-picture-picture, apo naman po iyan. Iyan naman po ay apo na minsan lang namang magde-debut; eh siguro po talagang suwerte na lang siya at siya ay apo ng Presidente at dahil diyan ay nakaka-picture…pre debut picture diyan sa Malacañang.

Q: So ano po ang reaction natin doon sa nagkalat sa social media at actually ang mainstream pinapatulan na rin iyan eh.

SEC. ROQUE: Eh, wala naman po tayong magagawa diyan, may karapatan magsalita ang ating mga kababayan.

Q: Itatanong ko sana Secretary, huling tanong ko na lang, bago namin kayo bitawan. Magkano raw iyong pa-reserve diyan sa event center ng Malacañang? [Laughs]

SEC. ROQUE: [Laughs] Well, kinakailangan magka-lolo ka ng Presidente.

Q: [Laughs] Nakita ko kasi sa social media iyong ano… Malacañang Events Center and Catering.

Iyong logo ng Malacanang, ito ang gusto kong bigyan ng attention, Secretary. Iyong logo ng Malacañang hindi ba iyan ay official logo di ba?

SEC. ROQUE: Hindi ko po narinig, ano po ang tanong ninyo?

Q: Iyon pong logo ng Malacanang, iyong Malacañang Palace, di ba iyan ay considered official logo ng Malacañang iyan, pinaglalagyan ng mga logo eh. Nilagyan ng kung anu-anong dekorasyon.

SEC. ROQUE: Siya naman po ay apo ng Presidente na…hindi naman po puwedeng pagbawalan din na siya ay mag-picture diyan sa Malacañang. Okay po. Maraming salamat po.

##

 

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)

Resource