Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Jorge Bandalo and Willie Delgado, Jr. – Straight to the Point/RMN

Q: Sec., mayroon kaming survey ngayon. Sabi ni Senator Imee Marcos kapag tumakbong vice president ang Pangulong Duterte, tapos ang boksing.

SEC. ROQUE: Well, ako po’y sang-ayon naman po doon ‘no. At talagang malinaw naman po na sa anim na buwan na nakita ko ang datos, hindi po bumaba sa 90-91 ang trust at satisfaction rating ng ating Presidente bagama’t napakaingay ng kaniyang mga kritiko ‘no. So wala naman pong isyu doon ‘no. Ang pag-uusapan nga lang po ngayon ay sino ang magiging running mate, kung tatakbong presidente. Pero hindi pa nga po nagdidesisyon ang Presidente; ang sabi naman po niya ay pag-iisipan pa po niya.

Q: Pero iyon nga po ang susunod na iniisip ng taumbayan eh, bakit bise presidente si Pangulong Duterte eh wala pang ulo. Sino bang napipisil ng Pangulo? Mayroon na ba?

SEC. ROQUE: Well, unang-una po ha, hindi pa po nagdidesisyon ang Presidente kung siya ay tatakbo ng vice president. So parang kapag tinanong natin na sino ba ang magiging ulo niya eh we are assuming na tatakbo na siya. So siguro po, antayin muna natin ang kaniyang desisyon kung siya ay tatakbo bago natin tanungin kung sino iyong magiging ulo niya.

Q: Eh hindi kasi, ‘di ba, Secretary, mayroon sinasabi na ‘kung saka-sakali.’ Hindi ba, iyong mga ganoong word. Kung saka-sakaling tatakbo, sino kaya ang kaniyang mapipiling ulo, parang ganoon ‘di ba?

SEC. ROQUE: Naku, my guess is as good as anyone’s guess po kasi kuru-kuro lang naman po iyan ‘no, kung baka sakali. Pero sa aking paningin po, aantayin ko muna ang kaniyang desisyon kung siya ay tatakbo ng bise presidente.

Q: Oo, kasi marami na pong nagpapalutang, may mga malalaking tarpaulin na nga, “Goterte”, “Go30 22”. Paano iyon, ‘di ba? Ibig sabihin eh… alam ko naman ang Pangulo ay nanunood naman ng mga viral videos eh, nagba-viral iyong mga litratong iyan eh. Ano ba ang sinasabi ninyo sa mga ganoon?

SEC. ROQUE: Well, matagal na po niya kasing tinutulak itong si Senator Bong Go na tumakbo ng presidente ‘no. At si Senator Bong Go naman, ang sinasabi ay tatakbo ako lamang kung ikaw ay tatakbo na vice president ‘no. So ngayong may nominasyon at mayroong desisyon, eh siyempre po dapat mag-antay muna tayo ng desisyon ng ating Presidente ‘no. Pero abangan na lang po natin dahil sa ayaw at sa gusto naman ng lahat ng mga kakandidato, pagdating ng Oktubre, kinakailangan sila ay magdesisyon na.

Q: Teka, sabi mo, ang sabi ni Senator Bong Go puwede siyang makumbinse kung tatakbong bise presidente ang Pangulong Duterte. Ngayon, sa panig naman ni Pangulong Duterte, “Bong, tumakbo ka.” Papaano iyon?

SEC. ROQUE: Oo.

Q: Secretary, hindi ka na makasagot. [Laughs]

Q: Teka, maiba na tayo nang konti. Secretary, gusto raw siyang makita ni President Biden si Pangulong Duterte. May petsa na ba o pupunta ba ang Pangulo o sino ang pupunta?

SEC. ROQUE: Well, ang huling sinabi po sa akin ni Ambassador Romualdez ‘no, noong in-interview ko po siya para sa press briefing, eh baka ang kauna-unahang face to face nila ay iyong ASEAN Summit na gagawin sa Brunei po.

Q: Kailan po iyan?

SEC. ROQUE: I’m sure it’s within the year po yata iyong ASEAN Summit.

Q: Usually, November iyan – October, November.

Q: Mga ganoon. Kasi ang problema, iyong situation natin pandemic. Huling tanong na lang, Secretary. Ano ba talaga ang nangyayari diyan sa loob ng PDP, sa mga pangunahing opisyal ng PDP? Kay Cusi, kay Senator Manny, ano ba talagang kuwento diyan?

SEC. ROQUE: Ako naman po’y pinag-utusan lamang na linawin na iyong tinawag na pagpupulong ay mayroon pong basbas ni Presidente bilang party chairman. So iyon lang po ang alam ko kasi ako mismo ay hindi ako po miyembro ng PDP Laban.

Q: Kaya nga, iyon nga iyong sinasabi ni [unclear] eh na—ano ba, talaga bang wala kang “K” para mag-anunsiyo dahil hindi ka nga party member, pero sa kabilang banda, tagapagsalita ka naman nung chairman ng partido.

SEC. ROQUE: Opo. Eh pabayaan ninyo po siyang magsalita dahil unang-una, hindi ko siya kakilala ‘no, sinuman siya; pangalawa, eh ‘di huwag niya akong pakinggan kung ayaw niya akong pakinggan dahil ako naman ay hindi ako nagsasalita bilang miyembro ng kahit anong partido kung hindi tagapagsalita lamang po ng Presidente.

Q: Okay. Sige po at sa susunod, Sec., makarinig ulit tayo. Ingat po kayo.

Q: Sa susunod eh baka makasama mo ako sa almusal mo, ha.

SEC. ROQUE: Okay, okay po.

Q: Maraming salamat, Secretary Harry Roque.

SEC. ROQUE: Sige po, maraming salamat po.

##


News and Information Bureau-Data Processing Center