Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Arnold Clavio, Connie Sison and Susan Enriquez – Unang Hirit/GMA7

CLAVIO:  Bago ako magtanong sa iyo – Go, Uste! Ayan.  Teka, batay sa anunsiyo kagabi ni Pangulong Duterte, status quo.

SEC. ROQUE:  Maroons kami. 

CLAVIO:  Yes, status quo ang ECQ sa Cebu City at GCQ sa Metro Manila at karamihan nga ay nasa Modified General Community Quarantine. May mga hindi pa ba nabanggit kagabi, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, tinitingnan ko iyong notes ko, nabanggit naman lahat. Ang pinakaimportante, sinimulan ni Pangulo iyong pagpupulong by saying na talagang nalulungkot siya doon sa nangyari na misencounter diyan sa Sulu ano at inorderan nga niya ang NBI na pabilisin ang imbestigasyon. Without revealing kung kailan at saan mangyayari ang pagpupulong ay hiningi ni Presidente kay Secretary Año na gusto niyang makausap iyong mga pulis, iyong siyam na pulis na diumano ay nagpaputok doon sa apat na Army personnel, kasama ang isang Major.

Lungkot na lungkot siya. Ang ginamit nga niyang salita ay siya ay nanlambot, extremely sad at gusto niya na pumunta mismo doon sa lugar kung saan nangyari, kung pupuwede, dahil gusto niyang ma-lift ang morale ng kasundaluhan dahil talagang parang mababa ang morale ng ating mga kasundaluhan. Hindi daw dapat nagpapatayan, nag-i-engkuwentro ang parehong ideolohiya. At sabi niya, sana ito na ang huling misencounter sa kaniyang termino.

At kahapon kasi, 30th of June, ang pang-apat na anibersaryo ni Presidente bilang isang Presidente.

CLAVIO: Oo nga pala. Teka, balikan ko lang iyong pandemic. Eh sabi noong publiko sa reaksiyon doon sa press briefing mo kahapon ay akala nila ang kalaban ay COVID-19, iyon pala ay UP ang binanggit mo. Iyan, ipaliwanag mo na iyon, bakit ganoon ang reaksiyon mo?

SEC. ROQUE:  Medyo slow sila to gets. Hindi po talaga UP ang kalaban. Ako po ay buong buhay ko sa UP nag-aral at labinlimang taon po akong nagturo ng fulltime diyan sa UP. Hindi po UP ang kaaway; ang kaaway po natin ay COVID-19.  Kaya nga lang po ginagamit po ng UP ang mathematical models para mag-forecast kung ilan sa atin ang magkakaroon ng COVID-19.

At ang sa akin, bago pa kahapon, ang sabi ko bagama’t iyan po ay isang mathematical formula, mayroon naman tayong sandata para labanan iyan. Ano po iyong sandatang ito? Pagsusuot ng mask, ito po can reduce iyong probability na pagkuha ng sakit by 85%; social distancing, it can reduce iyong likelihood na magkaka-COVID tayo by 80%; at saka siyempre po iyong paghuhugas ng kamay, paggamit ng disinfectant at pananatiling malusog.

So giyera po ito, at ang ating sandata habang wala pang bakuna, wala pang gamot, iyong sinasabi nga nating mga minimum hygiene standards. So gamitin po natin ito at huwag nating tanggapin na ganitong karami ang magkakasakit sa atin. Lumaban po tayo sa pamamagitan ng social distancing, mask at good hygiene. Kaya po natin ito.

Kaya nga lang po kapag panahon ng GCQ at panahon ng ECQ ‘no ay magsi-sinulog pa tayo, eh talagang matatalo tayo sa giyerang ito ‘no.

Ngayon po, kahapon po ang tema talaga, ito nga pala iyong bago na hindi pa siguro nabibigyan ng attention, ang tema talaga bagama’t sa simula, ang importante ay isalba ang mga buhay. Ngayon po malinaw na bagama’t iyan ay isang aim pa rin ng gobyerno, importante na rin na buksan ang ekonomiya para magkaroon naman po ng hanapbuhay—

CLAVIO:  Secretary, isa na lang po ako bago ipasa kina Susan at Connie ha. Pero may bagong projection ang UP, iyong OCTA Research, 60 to 70,000 by the end of July ang magiging COVID-19 cases natin?

SEC. ROQUE: Kaya naman hihimukin ko na naman ang ating mga kababayan, kaya po natin ito, huwag nating paabutin ng 60 to 70,000. Gamitin po natin ang mga sandata natin, huwag nating payagan ang 60,000 dahil kapag naging 60-70,000 po iyan, tapos iyong R0 rate na tinatawag natin is mahigit sa one, ibig sabihin, pagkatapos na naman ng isang buwan, doble na naman iyan.

So huwag po tayong pumayag diyan. Social distancing, pagsusuot ng mask – alam po ninyo, napakalaking bagay ng pagsusuot ng mask at saka social distancing. Mantakin ninyo, 85% and 80% hindi mo makukuha ang sakit. So epektibong mga bala po natin iyan, sandata po natin iyan laban sa COVID-19, gamitin po natin. At ngayon pa lang mag-aim tayo kung ang forecast ay 60 to 70,000, huwag po nating paabutin ng 50,000 kung kakayanin dahil mga nasa 37,000 lang naman po tayo. Kaya nga lang po mayroong mga lugar gaya ng Cebu ngayon na mataas talaga ang pagkalat ng sakit. Pero mga kapwa Cebuano, kung tayo naman po ay susunod sa ECQ, iyan po ang pinakamabuting paraan para mapabagal ang pagkalat. Sumunod lang po tayo at makikita po ninyo talaga babagsak po iyong mga bagong kaso ng COVID-19 kung tayo po ang mananatili sa bahay.

 ENRIQUEZ:  Isa sa pinagtutuunan ng pansin ng Pangulo iyong mga LSI. Ano po iyong magiging proseso sa pagsasaayos sa lagay ng mga locally stranded individual? May paglalagyan na ba sa kanilang mas maayos na lugar ngayon, Secretary Roque?

 SEC. ROQUE:  Well, ang sabi po ng Pangulo talaga, hindi po niya maaatim na makita iyong ating mga kababayan na nasa ilalim ng tulay diyan sa harap ng airport. Kinakailangan bigyan sila talaga ng disenteng matutuluyan habang nag-aantay ng kanilang mga flights at kinakailangan pakainin; at ang sabi, ibigay ninyo sa akin ang bill at ako ang magbabayad.

Ang sabi naman po ni Secretary Año at ni Secretary Galvez ay binibigyan naman po sila ng temporary shelter doon po sa loob ng Villamor Air Base, iyong isa sa isang elementary school      at iyong isa naman ay sa isang facility mismo ng Air Force.

 SISON:  Sabi po ni DOH Usec. Vergeire, nagkakaroon daw tayo ng funding issue kaya hindi daw makapagtuluy-tuloy doon sa paghahanap ng mga contact tracers. Pero on the other hand, ‘di ba nitong nakalipas na mga araw, nabalitaan din natin na sunud-sunod naman iyong loans natin na naaprubahan. So puwede pong malaman kung iyong mga loans ba na ito ay gagamitin particularly doon sa … of course, kasama na ba iyong sa contact tracers? Ano pa po iyong mga paglalaanan niyan?

SEC. ROQUE:  Well, tama po iyan ‘no. Mayroon po tayong bagong nakuhang loans na ni-report din po kahapon ni Secretary Dominguez. Ito po ay isang 500-million-dollar loan from Japan na ang interest is 1 over 100 of 1%, halos libre. At ang sabi nga ni Secretary Dominguez, dapat siguro ay personal na pasalamatan ng ating Pangulo si Prime minister Abe ‘no.

Now, sa presentasyon din po Secretary Dominguez – hindi ko lang alam kung napakita na dahil mahaba iyong pagpupulong kahapon – ay naglaan po tayo ng kung hindi ako nagkakamali mga 17 billion para sa contact tracers at ito po ay for 50,000 contact tracers. Kaya lang iyong budget po nito, kasi maski mayroon tayong loans, kinakailangan pa rin natin ang batas para gastusin ito dahil iyan naman po ay pumapasok pa rin sa kaban sa taumbayan. At ito po ay isasama doon sa Bayanihan II Package. At sa kauna-unahang pagkakataon, sasabihin ko na po ngayon na halos tapos na po ang negosasyon sa panig ng Ehekutibo at ng Kongreso, at maisusulong na po ang Bayanihan II. At ibig sabihin po dahil halos tapos  na ang kanilang kasunduan, hindi na po magtatagal ay hihingi na po ang special session ang Ehekutibo para maisabatas itong Bayanihan II Package.

CLAVIO:  Okay. Naku, Secretary, sino ba ang bagong Justice Secretary, kasi mapupunta sa Supreme Court si Secretary Guevarra di ho ba?

SEC. ROQUE:  May the best man be appointed to the DOJ.

CLAVIO:  Mayroon na bang napisil na?

SEC. ROQUE:  Wala pa po.

CLAVIO:  Maraming salamat po, Presidential Spokesperson Harry Roque. Ingat po kayo.

SEC. ROQUE: Salamat po.

 

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)