Interview

Interview of Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque by Johnson Manabat and Dexter Ganibe (DZMM – Failon Ngayon)

SEC. ROQUE: Johnson and Dexter, magandang umaga sa inyo. Sa inyong mga tagapakinig, tagapanood, magandang umaga po.

Q: Unang-una ho, Secretary, iyon ho bang hinihintay na proclamation from the President ay mayroon na kaya, na regarding doon sa pagdedeklarang terorista sa NPA?

SEC. ROQUE: Iyan po ay nasabi ni Presidente sa Davao, at iyan naman po ay hindi bagong balita dahil napakadami na pong mga bansa na nagdeklara na ang NPA ay terrorist group ‘no. Una pong nag-classify sa NPA na ganyan ay ang Amerika dahil po doon sa PATRIOT Act. At kung hindi po ako nagkakamali, sa Europa, sila rin po ay na-classify na as terrorist group.

Q: So sa atin, sir, susunod na ba?

SEC. ROQUE: Well, iyan po ang sabi ng Presidente. At siguro po ay magkakaroon ng ganiyang deklarasyon na, pero kung kailan po, wala po tayong impormasyon pa.

Q: Opo, tapos dito naman ho sa isyu, Secretary, ng posibleng pagbabalik sa PNP ng war on drugs, mayroon na ho bang latest from the President?

SEC. ROQUE: Wala pa rin po ‘no. Iyan po ay pinag-aaralan pa ng Presidente. At ang sabi naman niya ay magmamasid siya at titingnan kung talagang kinakailangan nang ibalik sa PNP. Pero ang nakukuha naman po namin mga report, epektibo naman po ang PDEA. At ang huling report po na nakarating sa aking tanggapan ay mayroon daw record na pangalap ng pinagbabawal na gamot ang ating PDEA.
Q: Medyo tumaas nga daw iyong kanilang resulta ng kanilang naging operasyon. Pero, sir, may hint ka na kung sino itong mga isusunod ng Pangulo under sa Office of the President o kaya under the Executive branch na masisibak?

SEC. ROQUE: Wala po. Pero mamaya pong alas onse, sa press briefing, ay mayroon po tayong isisiwalat.

Q: May kaugnayan po ba ito doon sa mga nagdya-junket daw na opisyal ng gobyerno?

SEC. ROQUE: Isa po iyan sa ipinasisiwalat sa akin mamayang alas onse.

Q: Secretary, papangalanan ho ba? Hindi naman?

SEC. ROQUE: Opo, magbibigay po ako ng pangalan.

Q: So, sir, itong ganito, habang wala pa iyong binabanggit ng Pangulo na pagsibak sa kanila, isa ba itong panawagan para sila ay magbitiw na lang bago pa man mailabas iyong mga order na sila ay tatanggalin sa puwesto?

SEC. ROQUE: Isang oras at kalahati na lang naman po, antayin na lang natin ang alas onse.

Q: Hindi talaga makalusot.

Q: Malay ninyo naman ay madulas kayo, Secretary. Pero para lang ho magka-idea ang ating mga tagapakinig, iyan po ba ay marami? Gaano ho ba sila karami? More than one or two?

SEC. ROQUE: Isang oras at kalahati na lang po.

Q: Pero, sir, konting ano na lang, parang blind item. Pero, sir, saan department kaya sila?

SEC. ROQUE: Seryoso po ang pamahalaan, ang ating Presidente laban dito sa mga sobra-sobrang pagbibiyahe. Mamaya po ay isisiwalat po natin.

Q: Pero ito ho, Secretary, sila ho ay sinibak ba or pinag-resign or papaano po ba?

SEC. ROQUE: 9:28 na po so one hour and ….

Q: Baka naman ho magalit sa atin iyong mga taga-Malacañang at mauna pa dito. Pero sige ho, aabangan ho namin iyan mamaya.

Dito po, Secretary, sa naging announcement ng PDP over the weekend, iyon hong inyong pagtakbo ay tuloy na tuloy na sa 2019?

SEC. ROQUE: Well, sinagot ko na po iyan ‘no. Ako po ngayon ay naka-focus dito sa ating bagong katungkulan bilang Spokesperson. Ako po ay nagpapasalamat kay Speaker Alvarez sa kaniyang tiwala. Pero ngayon po, wala po tayong ibang iniisip kung hindi gampanan itong bagong katungkulan natin. At gagawin po natin ang pinakakaya nating gawin para tayo po ay maging matagumpay sa pagiging spokesperson ng ating Pangulo.

Q: Eh iyon daw hong kay Mocha?

SEC. ROQUE: Ang alam ko po ang sabi niya, kung gustuhin po iyan ng Presidente, siya po ay tutugon ‘no. Pero pakitanong na lang po si Mocha tungkol diyan.

Q: Oo. Pero nagsalita ang Pangulo ‘di ba, Sec., nitong weekend. Ang binanggit niya ay ang taumbayan na ang magdedesisyon tungkol diyan.

SEC. ROQUE: Iyon po talaga ang sinabi ni Presidente, hayaan ang taumbayan na magdesisyon.

Q: Sir, on a lighter side. May tanggapan na kayo diyan sa Malacañang?

SEC. ROQUE: Ako pa naman po ay nagtatrabaho diyan sa New Executive Building, at nandiyan po iyong briefing room ng ating Palasyo.

Q: Pero, I mean, iyong opisina ho ninyo na talagang inyo?

SEC. ROQUE: Inaayos pa po. Inaayos pa po dahil bago po ang ating tanggapan. Dati po ay nasa ilalim tayo ng PCOO, pero noong tinalaga po tayo ay itinalaga po tayong Secretary at inaayos pa po ngayon iyong Executive Order na bumubuo ng ating departamento.

Q: Sec., maraming mga bakante pa na mga tanggapan ano. I mean, iyong mga walang kalihim. May mga appointees pa na kailangan ilagay ang Pangulo. May mga balita na po ba kayo, tulad ng Comelec?

SEC. ROQUE: Wala pa pong mga balita. Pero marami pong mga appointments na isisiwalat din natin lalung-lalo na sa Hudikatura. So siguro po kung hindi mamaya, bukas din ay isa-isahin natin iyong mga bagong appointees.

Q: Sige ho, abangan na lang ho namin ang inyong press briefing sa Malacañang mamaya ano po, Secretary?

SEC. ROQUE: Okay. Maraming salamat po. Magandang umaga po.

###

Resource