Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Thogs Naniong (Radyo Pilipinas – Agenda ng Bayan)

NANIONG: Secretary, linawin nga po natin: Iyong proclamation na ipinalabas ng ating Pangulo, dinideklara ang NPA bilang terorista, ang CPP-NPA, pero hindi po kasama rito ang NDF?

SEC. ROQUE: Hindi po kasama ang NDF; CPP-NPA lang po.

NANIONG: Okay. Dahil ito po ay naipahayag na sa proclamation, ano po ang magiging proseso rito? Idadaan pa po ito sa korte, sa RTC?

SEC. ROQUE: Idadaan pa po iyan sa korte, iyan po ay nakasaad sa Human Security Act. Pero iyong proklamasyon, may bisa na. Unang-una, wala na po talagang negosasyon dahil hindi tayo nakikipag-usap sa mga terorista ‘no. Pangalawa po, mayroon na po tayong batas na umiiral na ipinagbabawal iyong pagbibigay ng pondo sa mga teroristang grupo, so sakop na po iyan sa ng proklamasyon. Lahat po na mapapatunayan na nagbibigay ng tulong at financial support sa CPP-NPA ay pupuwede nang maparusahan.

Pero iyong pagkakaroon talaga ng bisa na sila ay terrorist group sang-ayon sa our Human Security Act, iyan po ay dadaan sa proseso, iyan po ay pagdedesisyunan ng isang hukuman.

NANIONG: And so, linawin po natin, kapag sinabi na ng hukuman na, ‘Okay, terorista kayo alinsunod sa tinatadhana ng Human Security Act,’ iyon po iyong panahon na talagang categorized na bilang terorista ang NPA-CPP?

SEC. ROQUE: Tama po iyan, tama po.

NANIONG: Okay. Sa ngayon, hindi pa po sila talagang nadideklara?

SEC. ROQUE: Hindi po, sang-ayon sa batas.

NANIONG: Okay, okay.

SEC. ROQUE: Pero ang Presidente naman po ay may kapangyarihan bilang isang presidente na mag-classify din na ang isang grupo ay terorista. As far as ang Executive is concerned eh sila po ay terorista kaya nga wala ng usaping kapayapaan ‘no. Pero as far as the Human Security Act na nagmamandato na kinakailangan dumaan muna sa hukuman, eh hindi pa po sila terorista ‘no dahil dadaan pa nga ito sa proseso.

NANIONG: Sir, linawin nga po natin: Dahil sila ay naideklara na terorista, iyon bang mga sumusuporta sa kanila ay kabilang din doon sa … saklaw din ba ito doon sa tinatawag na term na terorista din?

SEC. ROQUE: Alam mo po, iyan po ay issue ng hukuman. Pero ang aking personal na tingin, diyan dahil ako naman ay hindi hukuman, ako ay kaparte ng Ehekutibo, eh mayroon po talagang mga conspiracy, mayroon tayong tinatawag na conspiracy. So kapag ang NPA po, CPP-NPA bilang isang terrorist group ay naakusa na gumagawa ng aktong terorismo na pinapatawan ng parusa sang-ayon sa ating Human Security Act, lahat po ng acting in conspiracy with them ay pupuwede pong mapanagot.

NANIONG: Kung bakit ko po ito tinatanong, dahil marami naman po tayong nalalaman na mga tinatawag na left-leaning groups. Kung ang mga ito ay nagpapahayag ng suporta dito sa grupo ng CPP-NPA, sila ho ba ay maka-classify din as terrorists?

SEC ROQUE: Well, ngayon po ang nadeklara ay CPP-NPA. Pero dahil ang aking sinabi po ‘no, iyang tinatanong ninyo po sa akin ay isang legal issue, at sa ating bansa po mayroong accessory, mayroong conspiracy doon sa crime ng terorismo.

NANIONG: Ang NDF, hindi po naisama—pero bago po iyan, itatanong ko po: Magiging iligal na ang pagiging komunista?

SEC. ROQUE: Hindi po. Ang pagiging komunista ay hindi po iligal. Ang magiging iligal ay iyong rebelyon, iyong pag-aaklas sa gobyerno na may elemento na para magkakalat po ng takot sa taumbayan.

NANIONG: Ibig sabihin, kahit na ikaw ay komunista, sa iyong paniniwala it’s idelohiya, pero hindi ka gumagawa ng hakbang ng pag-aaklas laban sa gobyerno, hindi ka naghahasik ng lagim, hindi ka puwedeng hulihin? Ikaw ay walang nagagawang kasalanan, ganoon ba iyon?

SEC. ROQUE: Tama po iyan, tama po iyan.

NANIONG: Okay. Iyon pong NDF, bakit po hindi naisama rito, Secretary?

SEC. ROQUE: Ay hindi ko po alam. Pero sa tingin ko po, iyong NDF kasi ay maraming mga tao na hindi naman humahawak ng baril ‘no, na ayaw namang ma-classify ng ating Presidente na terorista. So iyong mga kasapi lang sa actual na rebelyon at sa krimen ng terorismo ang kinalasify (classified) bilang terorista.

NANIONG: Oho. Ibig sabihin po, lalawig pa po ang coverage at ang totoong depinisyon po nito kapag lumabas na ang magiging desisyon ng korte, ganoon ho ba iyon?

SEC. ROQUE: Tama po iyan. Kasi nga po malalaman natin kung mayroong mga tao na madadawit on the basis na they are acting in conspiracy with the terrorist group kapag iyan ay dumaan na sa proseso.

NANIONG: At ang ibig din po nitong sabihin, dahil nga sa na ito proklamasyon, Secretary, na declared as terrorist ang NPA ay talagang wala ng usaping pangkapayapaan dahil hindi tayo makikipag-deal sa mga terorista?

SEC. ROQUE: Opo at sigurado na po iyan. Sa ngayon po, habang hindi nali-lift ang kanilang classification as terrorist, wala na pong usaping pangkapayapaan.

NANIONG: Secretary Harry, maraming salamat sa oras na ibinigay mo sa bayan.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)

Resource