Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Ted Failon – Failon Ngayon, DZMM

Event Radio Interview

TED FAILON:    Magandang umaga po sa inyo and sorry to disturb your holiday, Attorney. Good morning po sir.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga, Manong Ted at sa iyong mga nakikinig at nanonood, magandang umaga po.

FAILON:  Opo sorry po. Baka nagpapahinga ho kayo, holiday ngayon eh—

SEC. ROQUE:  Ay naku, ang natutunan ko po, walang pahinga dito sa trabahong ito. [laughs]

FAILON:  Opo, sige sir—Sec., ano ho eh ano—atin pong pilit na inu-unawa nga ang ating Pangulo doon sa kaniyang sinasambit sa VACC Summit na kailangang magpalit ng ating Saligang Batas para masugpo ang korapsyon. Hindi ko ano eh—hindi ko makuha iyong lalim noon. Ano ho ba ang problema sa ating Saligang Batas kung ang pinag-uusapan po natin ay korapsyon?

SEC. ROQUE: Well, Manong Ted unang una, hindi lang korapsyon ang tinutukoy ni Presidente para kadahilanan na magkaroon ng revision sa ating Saligang Batas ‘no. Siyempre nandiyan na rin iyong kaniyang pangunahing agenda na pagpapalit ng isang federal form of government dahil hindi siya naniniwala na habang ang kapangyarihan ay nakatutok dito sa Maynila na magkakaroon ng pag-uunlad iyong ating mga probinsiya ‘no. So nakapaloob na rin iyang kaniyang proposal revision ng Constitution iyong federalism.

Ngayon iyong korapsyon naman talaga ang binabanggit ni Presidente eh umisip tayo ng mga pamamaraan para talagang magkaroon ng mga safeguards para mabawasan iyong korapsyon na iyan. Kung kinakailangan ang sabi niya, bawasan ninyo pa nga ang kapangyarihan ng Presidente kung iyon ang kinakailangan ‘no. Pero ang nais niya iyong instrument—iyong ating Saligang Batas eh maging instrumento para sa pag-unlad at para sa mas maliliit na pamamahala ng ating gobyerno.

FAILON:  Kasi po ngayon mayroon po naman tayong mga batas na ‘no para sa pagsugpo po sa korapsyon – itong Anti-Graft and Corrupt Practices Act ‘no. Mayroon din pong mga batas din po tungkol sa plunder ‘no and iyon nga po, hindi ko talaga ma-ano eh, maarok ‘no, iyong… iyon nga iyong lalim noon kung anong pinaghuhugutan po ng ating Presidente specific sa ating Saligang Batas para masugpo ang korapsyon, Attorney. I hope you don’t mind medyo ako ho ay makulit sa isyung ito eh. Ano ho kaya?

SEC. ROQUE:  Well, pagdating po sa specific provision talaga ng Saligang Batas para mapatindi iyong laban niya sa korapsyon ay iniiwan naman po niya iyan ‘no sa Kongreso at sa taong bayan ‘no. Pero ang sinasabi lang niya is expression of political will na gawin ang lahat ng dapat na gawin, “kung kinakailangan amendahan ang Saligang Batas, paninindigan ko iyan at ang pangako ko naman kung talagang magkakaroon tayo ng isang Saligang Batas sa pagbibigay solusyon sa ating mga problema, ako ay aalis na sa puwesto.” Dahil iyan na iyong kaniyang gagawin na kumbaga legacy ‘no.

So kung ano man iyong mga detalye, pag-usapan po natin, dati po eh mayroong sinangguni na magkakaroon ng komisyon para sa isang malawakang rebisyon ng Saligang Batas. Ngayon po iyang katungkulang iyan ay ginagampanan na ng Kamara de Representantes ‘no, dahil ang Kamara po ngayon ay nag-divide na sila ng task ‘no, depende sa artikulo eh nagkaroon na mga miyembro ng mga kongresista na bumabalangkas at nagkakaroon ng mga suwestiyon.

Siguro po ang importante is iparating ng taong bayan, ano pa iyong mga tingin nila, nandoon po tayo sa proseso ng konsultasyon. Ang mensahe lang ng Presidente eh gagamitin ko na po iyong napakita kong political will para magkaroon ng mga pagbabago diyan sa ating Saligang Batas dahil ang Saligang Batas hindi lang po papel iyan, dapat po iyan ay isang buhay na instrumento para sa pagbabago.

FAILON: Opo sige po. So doon po sa ano ‘no, doon po sa agenda nga na magpalit po ng porma ng atin pong Saligang Batas. Kumusta ho ba iyong in-appoint ng Presidente na mag-aaral po sa mga probisyon ng atin pong Saligang Batas and then ito po ay irerekomenda sa Kongreso para nga masimulan na po ang proseso?

SEC. ROQUE: Well gaya ng sinabi ko po, ang Kongreso na ‘no, bago pa ako umalis ng Kongreso alam ko po eh nagkaroon na kami ng division of task ‘no. At hindi na po hihintayin ang Kongreso kung ano pa ang input dahil urgent po iyong nais na pagbabago sa Saligang Batas ng ating Pangulo ‘no. At pangunahin na talaga diyan iyong porma gobyerno dahil talagang naniniwala siya na hindi na dapat na lahat ng kapangyarihan, lahat ng resources ay nakatutok lamang sa Metropolitan Manila ‘no.

At iyan naman po ay pangako ni Presidente doon pa sa kampanya at tingin ko naman po ay hindi na magtatagal eh umuusad na talaga ang proseso. Dahil ang alam ko po talaga mabilis ang proseso ngayon sa Kamara de Representantes at magkakaroon na po ng road show kumbaga para ipresinta sa taong bayan ‘no.

Bukod pa po ito sa initiatives ng PDP Laban dahil mayroon po silang Institute for Federalism na wala naman pong tigil ang kanilang ikot.

FAILON:  Uhum. O sige po, maganda rin aming makausap si Speaker Alvarez ‘no para ho malaman iyong time table po naman dito ng Kongreso. Meantime siguro po, Secretary, kung mamarapatin po ninyo baka ho habang ang lahat ng ito ay pinagpaplanuhan at gagawin pa lamang po, baka po pupuwede pong makarating sa Presidente kung mayroon siyang panahon, malaman din po niya iyon pong mga gawi sa mga lokal na pamahalaan. Kasi siguro alam naman din po ho ninyo, Secretary Roque, iyon pong kung papaano po magwaldas ng pera ng bayan ang ilan pong mga LGUs.

Obvious ho naman kung inyo hong nakikita, kung kayo po ay taga Quezon City, baka ho… Hala, you know what I’m saying. Iyon pong mga proyekto po na walang kapararakan, eh ‘di ho ba sabi ni Presidente, galit na galit siya dito sa pagwawaldas. Sabi niya, iyong pera ng bayan dapat para sa bayan. Eh hindi ko ho alam kung—

‘Di ba sa Davao kapag pumunta ka doon, ako kapag napupunta ako doon, ako ay tumitingin sa paligid ko, wala akong makitang mga wala sa lugar na plant boxes eh. Wala akong makitang mga… ‘di ba mga proyekto na—‘di ba kung—na alam mo namang walang silbi, Secretary?

SEC. ROQUE:  Opo, well alam ninyo naman po si Presidente talagang apat na pung taong naging Mayor iyan ‘no. So sa kaniya alam niya ang dapat na ginagawa ng mga LGUs at hindi naman po nakakalampas sa kaniyang atensiyon itong mga nangyayari ‘no. Kaya nga po noong kailan lang eh nakipagpulong siya doon sa League of Cities ‘no at sinabi nga niya na iyong kampanya sa korapsyon ay hindi lang pang-national na gobyerno kung hindi sa mga lokal na pamahalaan din ‘no.

At siyempre po dahil suportado niya ang federalism eh kinakailangan din na palakasin ang hanay ng LGUs, dahil kung magkakaroon po tayo ng federalism talagang ang mga resources ng gobyerno at iyong mga tradisyunal na kapangyarihan ay ginagampanan ng national na government ay ililipat doon sa mga lokal na pamahalaan dahilan para dapat maging mas malinis at mas maging efficient ang mga LGUs.

FAILON:  Opo, opo, opo. Sige po, well iyon lang po sa akin ano ho, kung maaari lang po—hindi ko ho alam kung—papaano kaya makakarating kay Presidente iyon ano na, ‘Sir, baka puwede ninyong pansinin iyong mga LGUs doon po medyo talamak po ang ano eh, talamak ang pagwawaldas sa pera ng bayan. Eh’—

SEC. ROQUE:   Well, Manong Ted, ang masasabi ko lang mukhang pinapanood ka ni Presidente, kasi noong huli tayong nag-usap na nagrereklamo kayo sa telcom eh araw lang ang binilang eh pinapasok na niya iyong third carrier ‘no, nagdeklara na siya na papapasukin na niya iyong third carrier at in-offer nga niya ito sa Tsina ‘no.

So mukhang pinapanood ka naman niya at siguradong narinig niya iyong mga sinasabi ninyo tungkol sa mga lokal na pamahalaan.

FAILON:  Opo iyon lang po sa atin ano po, because we truly support ito hong kampanya po ni Presidente laban po sa korapsyon at saka iyong mas mabilis nga po na paglilingkod sa bayan at ayaw niya hong nahihirapan po ang atin mga kababayan sa ilan pong mga—matagal na pong gawi talaga ng—‘di ba iyong—kagaya nga ho ngayon iyong kagandahan na—kagabi po sa TV Patrol iyong report namin na mayroon na pong memorandum ‘no na pabilisin iyong building permit at saka occupancy permit ‘no. Kinakailangan pa ng ganoon sa mga panahong ito, Secretary ano, talagang nakaligtaan ng mga unang panahon. Ngayon lang po ito umuusad dahil nga po dito sa kampanya ng atin pong Pangulo, Secretary. Opo.

SEC. ROQUE:  Opo, well dalawang bagay po ‘no na umusad na po sa Kongreso iyong Anti Red Tape Bill natin na talagang nagtatakda ng mga fixed timeframes para sa mga LGUs para sa mga ganiyang bagay na lokal na mga permit ‘no.

At pangalawa po, bago tayo magtapos po ng ating usapin eh November 30 na po ngayon ‘no, ‘pag natapos po ang araw na ito at walang revolutionary government, sana po matigil na iyong usaping revolutionary government ‘no.

FAILON:   [laughs]

SEC. ROQUE:  At nakikita naman po natin lahat ng tao pro or against, binibigyan ang kanilang karapatan ng malayang pananalita. Pero uulitin ko lang po eh talagang ang Presidente po, malinaw ang sinabi sa revolutionary government na iyan, kapag naghihingalo na ang Republika eh saka lang niya iisipin iyan. Pero wala pong mga kondisyon para sa revolutionary government.

Ang usapin iyan na baguhin, amendahan ang Saligang Batas ay patunay na hindi siya naniniwala sa revolutionary government at gagawin pa rin niya ang pagbabago sa pamamagitan ng pag-amenda ng ating Saligang Batas.

FAILON:   Opo. Salamat ng marami po, Secretary, at muli po ha, muli po paumanhin po sa ‘pag-istorbo namin sa inyo [laughs]

SEC. ROQUE:   Ay walang ano man po iyon.

FAILON:   Opo, opo.

SEC. ROQUE: Tuloy-tuloy po ang trabaho ngayon, wala na pong Sabado, wala ng Linggo.

FAILON:  Opo. Salamat, Sec., mabuhay po. Thank you so much.

SEC. ROQUE:  Salamat po, magandang umaga po.

####

Resource