Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Ricky Rosales and Dexter Ganibe (DZMM – Failon Ngayon)

Q: Secretary magandang umaga po, Ricky Rosales at Dexter Ganibe.

SEC. ROQUE: Hi Dexter at Ricky, magandang umaga po sa inyo at magandang umaga sa mga nanunuod at nakikinig sa atin.

Q: Nasa mga balita na parang hindi magkakaroon ng truce ngayong December, iyong naka-gawiang SOMO, suspension of military operations sa mga rebelde na mag-a-anniversary iyang mga iyan sa December eh. Ito ho ba ay hindi na mababago, Sec?

SEC. ROQUE: Well ang sa akin po, wag nating pangunahan ang Presidente ‘no, wala pa namang pong ina-anunsyo ang ating Presidente kung ano ang desisyon niya. Eh tanging Presidente lang naman po ang pupuwedeng magdesisyon kung magkakaroon ng SOMO.

So, ako po, antayin po natin kung ano ang sasabihin ni Presidente.

Q: Pero, Sec, nanggaling na po sa inyo iyong pahayag na ang NPA ay traydor. So papano n’yo po…

SEC. ROQUE: Ay talaga naman po. Alam n’yo po talagang masama ang loob ng Presidente na kinailangang itigil na itong proseso ng usaping kapayapaan.

Alam mo ang mga taga-Mindanao, alam na alam nila na ang Presidente talaga ay naniniwala naman na nagmamahal din sa bayan ang mga naniniwala sa CPP-NPA at meron namang mga dahilan kung bakit sila ay nag-a-alsa laban sa bayan.

Pero sa kanya talaga ginawa niya ang lahat para makipag-usap ng tapat, pero ang iginanti po ng NPA ay habang nakikipag-usap sa kapayapan ay walang tigil iyong pag-atake hindi lang sa mga kasundaluhan kung hindi sa mga inosenteng civilian. Iyong isa sa napatay nga kailan lamang ay isang sanggol ‘no, hindi maintindihan ng Presidente kung bakit pati sanggol ay kinakailangang birahin ng NPA. Eh meron naman tayong batas na umiiral pag dating sa labanan at talaga namang malinaw diyan na iyong mga non-combatants na tinatawag na hindi kasali sa labanan, eh dapat hindi tina-target ng mga naglalaban ‘no.

So, talagang masama po ang loob ng Presidente, nalulungkot siya pero kinailangan naman na itigil na iyan dahil kinakailangan magpakita muna ng sinseridad ang hanay ng CPP-NPA kung ipagpapatuloy muli itong peacetalks na ito.

Q: So with that line, Secretary, mukhang hindi magkakaroon nga ng SOMO dahil hindi na nagtitiwala ang Pangulo. Baka mamaya magdeklara ng SOMO eh tatraydurin din ang pamahalaan.

SEC. ROQUE: Well, alam n’yo po iisa lang ang Presidente ng Republika, siya lang po ang makakapagdesisyon sa bagay na iyan.

Q: Iyong feeling lang ninyo, Sec, at saka sa pakikipag-usap ho ninyo sa Pangulo. Kasi alam din naman natin na he has been saying this sa mga pahayag na ayaw niyang dumadanak ang dugo at nagkakapatayan po ang mga Filipino sa kapwa Filipino at dito sa nangyayari pong ito apparently, talagang may mamamatay at mamamatay kung ganito po iyong sitwasyon. So, talaga pong kanina pinag-uusapan namin ni Dexter, wala ho talagang tiyansa kahit sa mga susunod na araw iyong peacetalks?

SEC. ROQUE: Well, gaya ng sinabi ko ‘no, ang CPP-NPA ang kinakailangang magpakita ng sinseridad.

Ano pang kailangan ng CPP-NPA sa kanya. Unang-una, wala namang masamang tinapay sa panig ni Presidente kay Joma Sison, nagsama pa sila sa Lyceum ‘no, naging professor ni Presidente si Joma Sison, nakakapag-usap silang diretso.

Pangalawa, nakita naman nila kung paano tratuhin ‘no. Nung nagsimula ang gobyerno ni Presidente Duterte, kumuha pa ng mga nominado galing sa National Democratic Front ang Presidente para bigyan ng napakatataas na mga katungkulan sa gobyerno. Yun na nga ‘no, I don’t think na makakahanap sila doon sa ibang presidente na talagang hindi talaga sila tinuring mula’t simula bilang kaaway ‘no, naiintindihan ang problema at sinabi nga gawan natin ng solusyon iyong mga problema ‘no; at kasama pa nga ng Presidente iyong kanilang mga representative nung unang taon ng kanyang panunungkulan. Ang ayaw lang niya talaga eh iyon na mga, ay parang wala ring peace talks na nangyayari dahil tuluy-tuloy pa rin ang putukan. Ang nais niya kung talagang magkakaroon tayo ng kapayapaan, simulan na habang nakikipag-usap ng kapayapaan.

Q: Sec, meron nang bagong Kalihim ang DAR po ano?

SEC. ROQUE: Opo, opo may natalaga na po ang Presidente.

Q: How about iyong ibang departamento, sir, na OIC pa lang ang nakatalaga?

SEC. ROQUE: Well, nasa proseso pa po sigurong nagpo-process ang Presidential Management Staff diyan, pero lahat po naman iyan ay mapupunuan.

Q: Ito, sir Acting Secretary si John Roano Castriciones. Di ba Usec siya ng DILG, papano po iyon?

SEC. ROQUE: Well, kaya naman po acting iyan, kasi Congress is in session. So, alam n’yo naman sa Saligang Batas kapag Congress is in session at kapag ikaw ay na-appoint sa isang posisyon na subject to confirmation, you are not Secretary until such time na ikaw ma-confirm ng Commission on Appointment.

Q: So papano po iyong kanyang appointment, sir sa DILG?

SEC. ROQUE: Well, siyempre po lilipat siya ‘no kasi nandiyan na po siya, pero hindi ko po alam kung nanumpa na itong si acting Secretary…kasi magkakaroon po kami ng sumpaan, hindi po ako nagkakamali po sa a-singko ng buwan na ito.

Q: Bukas.

SEC. ROQUE: A-singko ba iyon, o a-sais? Pero itong lingo pong ito magkakaroon po ng mass oath taking.

Q: Atty, isa pang napakahalagang usapin, itong magiging desisyon kung ipagpapatuloy iyong martial law sa Mindanao. Ang isang,–well palagi naman ito, kahit noon pa lumulutang…ang panawagan ho nung iba, sana ay hindi lang po iyong recommendation ng military ang sundin po ng Pangulo kung hindi iyon pong ibang stake holder, kagaya po ng ng mga residente mismo sa Mindanao. Ano ho ang latest dito, Sec?

SEC. ROQUE: Well, inaantay na po kung hindi pa naibibigay ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines. Kasi meron naman po tayong parang deadline at ang deadline na iyan ay iyong Christmas recess ng ating Kongreso. Alam naman na in extension kinakailangan bigyan din ng basbas ang ating mga mambabatas. At kung i-extend nga iyan, dahil ito ay mapapaso sa December 31, eh kinakailangan bago mag-December 31 ay magkaroon ng pagkonsinti ang ating Kongreso at siguro ayaw naman nating magkaroon ng special session sa Bagong Taon na Enero a-uno.

Q: Pero paano po tine-take, Sec, ng Pangulo iyong ganoon pong criticism and at the same time suggestion na sana naman ay hindi iyong recommendation lang po ng militar iyong sundin ng Pangulo. Paano niya tine-take iyong ganoon, Sec?

SEC. ROQUE: Well unang-una po, ang Presidente ay taga-Mindanao naman eh. So alam niya ang pulso ng Mindanao.

Pangalawa po, ako po ay hindi taga-Mindanao pero napapadalas po tayo sa Mindanao ngayon ‘no. Ang napapansin ko ay wala naman akong naririnig na mga taong mga taga-Mindanao na tumututol diyan sa martial law na iyan at lalung-lalo na doon sa Marawi. Nanggaling po ako sa Marawi noong isang linggo at ang sentimyento roon ay kinakailangan ng martial law para nga bumangon ang Marawi dahil sinong contractor ang papasok para gawing muli ang Marawi kung merong banta ang seguridad. So iyan po iyong mga naririnig ko ring sentimyento na galing sa Mindanao.

Ang mga tumututol po, sabi nga—nung ano lang, nung araw ng Sabado nasa Zamboanga ko. Sabi ng media doon sa Zamboanga, ang mga tumututol sa martial law ay lahat mga taga-Luzon at dito naman sa Mindanao ay mukhang naniniwala talaga sila at nagtitiwala sa deklarasyon ng Presidente. Ibang klase kasi ang usapin ngayon, sapagkat ang Presidente taga-Mindanao, sino ba ang nakaka-alam kung ano ang mabuti sa Mindanao kung hindi isang taga-Mindanao.

Q: But, Sec how do you react doon po sa mga—well nababasa n’yo rin sa mga report na may ilan pong mga monitoring groups na nagtatala, based on their research doon po sa ground na mga human rights violations ng militar at sinasabi nila na hindi lang ito masyadong reported. Papano n’yo po tine-take itong mga ganitong konsiderasyon?

SEC. ROQUE: Ang problema po dapat isampa ang mga reklamo kung meron, kasi kung hindi nagsasampa ng reklamo iyong ating legal system hindi po gagana iyan. Ang nagsisimula po ng proseso natin ay pagsasampa ng ganyang reklamo, eh kung puro sa media lang tayo magrereklamo, hindi tayo naghahain ng complaint affidavit ay wala po talagang mangyayari diyan.

Ang punto po ng gobyerno, hindi naman kinokonsinti ang paglabag sa karapatang-pantao kinakailangan lamang simulan ang proseso sa pagsusumite ng kanilang mga reklamo.

Q: Sir, pahayag n’yo lang iyong Karapatan nagsampa ng reklamo sa UN?

SEC. ROQUE: Alam n’yo po, sinabi ko nga na iyan ay isang proxy war lang, bakit? Ano naman ang magagawa ng special rapporteur sa reklamo. Unang-una, ang special rapporteur wala iyang kapangyarihan para magsampa ng kaso dito sa Pilipinas. Kung talagang merong karapatang nalabag, ang gawin mo: unang-una, magsampa ka ng reklamo sa pulis. Pangalawa, magsampa ka ng reklamo sa piskalya.

Kasi ang magpaparusa naman sa gumagawa ng karapatang pantao ay ang estado rin; hindi si Agnes Callamard. Wala iyang magagawa para i-preso iyong mga lumalabag sa karapatang-pantao. Ang kanyang gagawin lang kapag hindi gumalaw ang gobyerno para imbestigahan at parusahan iyong mga lumalabag sa karapatang mabuhay. Pero paano naman mag-i-imbestiga at magpaparusa ang gobyerno kung ang complaint ay hindi isinasampa sa tamang forum. Dalhin nila iyan sa piskalya na magkaroon ng preliminary investigation at meron talagang ebidensiya maisasampa naman iyan.

Tingnan mo iyong nangyari kay Kian, iyong kaso ni Kian dahil meron namang ebidensiya naisampa sa Korte. Ang problema at ang duda ko, kaya sila nagpupunta diyan kay Agnes Callamard ay baka kulang-kulang ang kanilang ebidensiya, alam nila na hindi iyan tatayo dito sa ating mga piskalya, eh wala tayong magagawa diyan. Dahil tayo naman ay meron tayong rule of law na sinusunod – meron tayong law of evidence na kinakailangang pruwebahan ng isang nagrereklamo na merong probable cause sa level ng piskal; at pagdating naman sa hukuman kinakailangan guilt beyond reasonable doubt. At kahit si Agnes Callamard, kahit saang bansa sa mundong ito ay talagang may mga ebidensiya na hinihingi bago maparusahan ang mga nagkakasala.

Q: Sige. Sec, maraming salamat for your time, sir. Good morning po.

SEC. ROQUE: Dexter, baka ka ma-late ha 11:00 o’clock. [laughs]

Q: [laughs] May baon ka na bang, Sec, good news, pang good news Monday?

SEC. ROQUE: Ay marami tayong good news siyempre. Pero mamaya ay meron tayong guest sa ating press briefing, ang Spokesperson po ng Department of Health.

###

Resource