Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Johnson Manabat (DZMM Teleradyo – Kabayan)

JOHNSON: Secretary Roque magandang umaga. Si Johnson po sa programa ni Kabayan.

SEC. ROQUE: Johnson, magandang umaga sa iyo. At sa iyong tagapakinig at tagapanuod, magandang umaga po.

JOHNSON: Secretary, papano ho naman ipapaliwag ngayon iyong Palasyo iyon pong puna ng CHR in particular na mukha ho yatang may special treatment ang Duterte administration sa dalawang Russian na involved sa drug trafficking?

SEC. ROQUE: Well, alam n’yo po kapangyarihan ng Presidente na maging Chief Architect ng foreign policy at iyan po ay binanggit ng ating Pangulo sa kanyang kapasidad na arkitekto nga ng ating panlabas na relasyon. So sa akin po, iyan ay nasa kapangyarihan ng Presidente, iyan po ang legal at wala pong basehan iyong pula ng special treatment dito. Ito po ay isang binitawang salita upang mapalapit po ang ating relasyon sa bansang Russia.

JOHNSON: So hindi po ito dapat kuwestyunin or bigyang kulay pa ng CHR o ng mga kritiko ng administrasyon?

SEC. ROQUE: Hindi naman po ‘no, dahil alam naman natin na nasa loob iyan ng kapangyarihan ng Presidente at meron pong dahilan kung bakit sinabi iyan ng Presidente. At saka iyong tinatawag na special treatment eh nakikita naman natin, si Leila De Lima may sarili siyang kulungan, wala siya sa City Jail ng Muntinlupa ‘no; iyong Pemberton eh meron siyang sariling kulungan doon sa Aguinaldo.

So ang sinasabi ko lang po, may mga kadahilanan kung bakit sasabihin pa assistance, eh iba iba ang kondisyon ng mga nakakulong habang sila po ay nililitis.

JOHNSON: Ang sabi ho kasi ng CHR ay dapat na rin sa regular pa ring kulungan mag-stay iyong dalawang Russian. Ngayon ho ay nasa Pasay jail pala. So ililipat po sila sa isang mas kumportableng bahay.

SEC. ROQUE: Well, alam n’yo po dapat maging patas din ang CHR. Dahil kung iyon lang ang sasabihin nila na dapat ordinaryong city jail habang dinidinig ang kaso sa drug trafficking, eh that’s equally applicable to someone like Leila De Lima ‘no.

So sa atin, hayaan na lang muna natin iyong mga dahilan ng Presidente, lalung-lalo na ito nagkaroon ng bilateral talks between the President and iyong isang napakataas na namumuno ng Russia. Eh hayaan na nating isulong ng Presidente iyong ating panlabas na relasyon.

JOHNSON: Secretary, doon ho sa ibang isyu naman sa naging bilateral talks ng Pangulo with Justine Trudeau ng Canada. Sa usapin po ng basura meron na ho bang possible date kung kailan talaga maiaalis ng Pilipinas iyang basura.

SEC. ROQUE: Gaya nung nabanggit ko doon sa isang briefing ‘no, napaka-ikli ng usapan ng Prime Minister Trudeau at ni President Duterte ‘no; ito ay bago magsimula iyong usapan ng ASEAN at ng Canada at wala pa sigurong dalawang seconds or three seconds iyong pag-uusap nila ‘no at nabanggit lang na parang handa na ang Canada para kunin muli iyong kanilang mga basura na napadala dito at nasa Tarlac ngayon.

JOHNSON: Iyon ho bang kung sino ang magbabayad sa pagbabalik niyan sa Canada eh klaro na ho ba, Secretary?

SEC. ROQUE: Wala pa pong detalyeng ganyan. Basta ang sinabi lang ni Prime Minister Trudeau – at ito po ay hindi ko narinig, dahil ito po ay pribadong usapan. Ito po ay kinailangan pa hong linawin kay Presidente – ay baka pupuwede nang maibalik iyong mga basura na iyan sa Canada.

JOHNSON: Balik lang ako Secretary doon sa kanina. Tutal eh nabanggit din ho naman ninyo iyong kaso po ni Pemberton na nakakulong nga sa Camp Aguinaldo.

Maaalala ho ninyo, kayo po ay isang kilalang human rights lawyer, pumasok sa administrasyon bilang tagapagsalita ng Pangulo. Papano daw ninyo ipapaliwanag iyong inyong naging aksyon dati na pinasampa pa sa fence ng Camp Aguinaldo iyong German boyfriend ni Laude, eh ngayon ho ay dumedepensa kayo parang nasa kabilang side naman.

SEC. ROQUE: Lilinawin ko po, hindi ko po pinasampa kahit sino ‘no. Iyon po ay desisyon nung kasintahan ni Jennifer Laude. Pero wala po akong dapat i-explain ngayon, dahil ang sinasabi ko lang naman, may mga pagkakataon sa ating panlabas na usapin na nagkakaroon ng kasunduan.

Meron tayong kasunduan sa Estados Unidos, may mga sundalo sila eh kapag naano dito dahil sa Visiting Forces Agreement ay naakusa sa isang krimen ay maikukulong sa isang pinagkasunduang lugar ano. Kaya merong kulungan si Pemberton sa Camp Aguinaldo. At ganundin naman itong pag-uusap dito naman sa Russian na ito. Bagama’t ito ay hindi pa nakasulat, ito ay pag-uusap pa rin at respetuhin natin na lahat po iyan ay nasa kapangyarihan ng ating Presidente.

JOHNSON: Oo, pero iyon hong sa kaso ng dalawang Russian, Secretary, tukoy na po kung saan sila ililipat?

SEC. ROQUE: Wala pa pong napagkasunduan ‘no. Ito naman ay kumbaga ay statement of willingness na ilagay sa ibang kulungan itong dalawang Russian na preso.

JOHNSON: Opo, tapos panghuli na lamang ho, Secretary bago namin kayo bitawan. Bakit daw ho si Vice President Leni Robredo hindi ho na-involve doon sa ASEAN bagama’t meron siyang isang appearance doon sa grupo ng mga negosyante. Eh bakit daw ho ang dating Pangulo Arroyo napagbigyan ng malaking role sa ASEAN?

SEC. ROQUE: Wala naman pong ibang dahilan diyan kung hindi ang Vice President po, bagama’t siya ang pangalawang pinakamataas na opisyal eh hindi po siya miyembro ng Gabinete.

Ang naintindihan ko, kaya po ang mga sumalubong sa mga head of state ay mga members ng Cabinet ay para bagang…sang ayon daw ata sa protocol ‘no, ang dapat na sumasalubong ay representante ng Pangulo. At ang mga Gabinete ay kinokonsiderang alter ego ng ating Presidente.

So, iyon lang po iyon, kinikilala po siyang pangalawang pinakamataas na opisyales ng bayan pero hindi po siya miyembro ng Gabinete si Vice President Leni ‘no. So ang sumalubong ay mga representante ni Presidente.

JOHNSON: So hindi po talaga invited ang Vice President.

SEC. ROQUE: Well, hindi na po siya naatasan na sumalubong. Pero itong pagsasalubong naman po is really ministerial task naman po; nandoon po sa opening si Vice President at nag-keynote pa nga po siya nung isang pagpupulong para sa mga negosyante.

JOHNSON: All right. Secretary Harry Roque, magandang umaga po at salamat po sa pagsagot ninyo sa maagang tawag. Thank you.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po.

##

Resource