Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Jaymark Dagala and Jonathan Dela Cruz / Karambola / DWIZ

Q: Kasi ang inaasahan natin ay talagang matindi ang pagdating ng bago ng taon para sa ating bayan sa pamamagitan ng mga prayoridad na proyekto ng administrasyon Duterte.

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo naman po nagtapos ang 2017, bagama’t marami pong aberya ay napakadami rin ang nagawa ng ating Presidente. Unang-una, napakita niya na sa pamamagitan ng tamang political will ay masusugpo iyong mga banta sa ating seguridad, iyong mga terorista na nanira ng siyudad ng Marawi. Pero ngayon po ay simula na pong napapabangon natin ang Marawi.

Kahapon lang po ay nag-turn over ang Presidente natin ng 800 temporary shelters, ito po ay wala pang dalawang buwan matapos ang tigil-putukan diyan sa Marawi. At inaasahan po natin na sa susunod na buwan ay mayroon na namang mga susunod na at least 300 houses. Ang ating target po ay 6,700 houses, at ngayon po ay nandoon na tayo sa 800 mark. So mga 15% na po ang ating naitatayo sa ating mga pangakong mga temporary shelters, wala pa pong dalawang buwan matapos ang putukan.

Q: At hindi basta-basta temporary shelters iyan ha, matitibay iyan.

SEC. ROQUE: Actually po, hindi ko nga po maintindihan bakit temporary ang tawag nila. Pero kasi po siguro kaya temporary, karamihan po doon ay umaasang bumalik pa rin doon sa most affected area, iyong tinatawag na ground zero, matapos po magkaroon ng re-development doon. Dahil ang gagawin po ng ating gobyerno ay ide-develop po natin iyan bilang isang showcase city ‘no – isang modernong Islamic city, four-lane highways, mayroong world class promenade.

At ngayon po ay namimili na ang ating Task Force Marawi kung sino sa napakadambuhalang developer ang magde-develop ng ground zero muli.

Q: At saka ang balita nga po namin ay maliban pa dito sa gagawing napakatinding pagbabalik ng Marawi City ay iyong mga kaakibat, iyong malalapit na mga bahagi ng Lanao Norte, Lanao Sur ay talagang aayusin din.

SEC. ROQUE: Opo, dahil nasalanta rin po iyan ng Bagyong Vinta. At kahapon po, bagama’t hindi na nakarating si Presidente sa Marawi dahil hindi po naka-landing ang chopper niya sa Marawi, siya naman po ay nagpunta sa Tubod, Lanao Del Norte – isa sa pinakanadali ng… nasalanta ng Bagyong Vinta. At nangako po siya ng mabilis na katugunan doon sa mga nasira ng Bagyong Vinta.

Q: Nagtataka nga ho ang ating ibang mga kababayan sapagka’t bagama’t napakatindi ang mga pagbatikos ng mga kritiko ni Presidente – EJK, etc., lahat at ito ngang dinaanan natin na mga bagyo nitong mga nakaraang araw – ay patuloy pa rin ang pagdagsa ng investments sa Pilipinas. Bakit ho kaya ganoon, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, naniniwala po ako riyan dahil, unang-una, doon sa political will na pinapakita ni Presidente, kampante ang mga investors na hindi mamimiligro iyong kanilang mga pinuhunan dito sa bayan.

Number two, dahil siya po ay isang abugado, nag-aano rin siya ng investment climate na mayroong predictability ‘no. Ang mga negosyante kasi, ang gusto nila, palaging mayroon silang response sa mga puwedeng mangyari sa kanilang mga pinuhunan. At dahil po diyan, nagkakaroon tayo ng stable na climate para sa mga foreign investments.

Q: Pagdating po ng bagong taon, tatlong araw na lang ho, ano po ba ang inaasahan ng ating mga kababayan sa mga prayoridad ng Pangulong Duterte? Kasi mayroon pong nagbabanggit – well maliban sa ekonomiya at saka siyempre pag-ayos dito sa mga nasalanta – ay aayusin na raw po iyong tungkol sa federalism, tungkol po sa BBL at iba pang mga political activities ng Pangulong Duterte.

SEC. ROQUE: Well, kasama po talaga iyan sa prayoridad ng Pangulo. Iyong BBL po, talagang pinangako iyan ng Presidente sa ating mga kapatid na Muslim bilang isang pamamaraan para makamit ang mas matagalang kapayapaan sa Mindanao. Dahil kung wala namang kapayapaan, hindi naman lalago ang ekonomiya ng Mindanao, at sayang naman dahil napakadami nating tanging-yaman diyan sa Mindanao.

Pero bukod diyan, pangako talaga ng Presidente, tuluy-tuloy po ang ating pag-unlad dahil importante sa kaniya na magkaroon nang mas kumportableng kabuhayan ang lahat ng ating mga kababayan.

Q: Oho. Ang iniisip nga ho ng iba, magkakaroon ng BBL eh, mayroon namang martial law. Ito na nga, mayroon na ngang mga kritiko ni Presidente Duterte na nagpapasaklolo na sa Korte Suprema.

SEC. ROQUE: Bayaan ninyo po siya para mayroon namang sapat na trabaho din ang Korte Suprema dahil alam naman natin na ibabasura din iyan kahit anong gawin nila. Ang kapangyarihan po ng martial law ay talagang kapangyarihan ng Presidente. Nagkaroon lang po tayo ng safeguards at ang Kongreso naman po, bilang isang political branch of government, ay binigyan na ng basbas ang extension ng martial law. Kaya nga po hindi ko maisip kung paano mababago ng ganiyang mandato at ng Supreme Court iyong extension ng martial law.

Q: Nabanggit ninyo ang federalism, matanong ko lang din kay Secretary. Secretary, tama ho ba iyong pagkakaintindi namin na ang gusto ng Pangulong Duterte sana, dahil nga dapat maging sure ball itong federalism, eh kung saka-sakaling papalarin, sa 2019 ay maisasagawa iyong referendum, kasabay ng midterm elections?

SEC. ROQUE: Well, ang Presidente po ay talagang pinanindigan ang federalism, pero naiintindihan po niya na ang proseso ay nakasalalay ngayon sa Kongreso. Siya naman, hindi po siya nanghihimasok sa gawain ng isang indipendyenteng sangay ng gobyerno. Umaasa lang siya na dahil mayroon siyang mga kaalyado sa Mababa at sa Mataas na Kapulungan na magkakaisa ang lahat para itaguyod nga iyong kaniyang pinaniniwalaan na solusyon para magkaroon ng pantay-pantay na pag-unlad ang lahat ng mga rehiyon ng ating bayan.

Q: So kung kailan gagawin iyong mga activities at kung paano, halimbawa itong referendum na ito, ay nasa kamay na ho ito ng Kongreso?

SEC. ROQUE: Opo, nasa kamay po iyan ng Kongreso. Bagama’t ang pakiusap ng Presidente, kung pupuwede sanang mapabilisan.

Q: Ayun. Ito nga ho eh, siyempre ang pinapangarap din ng ating mga kababayan na mapabilis itong mga build, build, build projects ni Pangulong Duterte. Ano po ba ang mangyayari sa 2018 pagdating po dito sa infrastructure program ni Presidente?

SEC. ROQUE: Well, asahan ninyo pong babantayan ni Presidente ang paggastos sa mga pondong iyan dahil importante na mapatupad iyong mga build, build, build na iyan dahil iyong patuloy nga po na paglago ng ating ekonomiya ay nakasalalay po sa pag-iimplementa ng budget na isinabatas na ng Kongreso, at ang corner stone nga po nito ay iyong build, build, build bilang isang stimulus ‘no sa ating ekonomiya.

Q: Secretary, maihabol ko lang din ho. As of this moment, as we speak right now, may information na po ba kayo kung nakarating na ho sa Malacañang iyong resignation letter ni Vice Mayor Pulong Duterte?

SEC. ROQUE: Well, ang alam ko po ay naipadala nga iyong written resignation. At ayon naman sa Local Government Code, mayroong 15 working days ang Pangulo para aktuhan iyan. At kapag hindi niya inaktuhan, that will be deemed accepted.

Q: Mayroon hong nagtetext sa amin ngayon, pakitanong lang daw po sa inyo: Ano daw po ba ang esensya nitong mga binito (vetoed) na items ni Presidente? Kasi pati daw po iyong tungkol sa Department of Education ba. Hindi ko pa ho nababasa iyon pero may mga … pati doon sa BPO daw ay … totoo ba iyon?

SEC. ROQUE: Menor lang naman po iyong mga binito (vetoed) ng Presidente. Unang-una, iyong dagdag suweldo ng mga taga-MTRCB, binito niya iyan; pangalawa, iyong probisyon na hindi pupuwedeng maningil ng para sa mga specific serbisyo na ginagawa ang DepEd ay binito rin ‘no. Tapos ano pa ba iyon…apat lang po iyan eh.

Pero ang pinakaimportanteng veto po doon na ginawa ni Presidente ay doon sa TRAIN, doon sa tax reform act, binito niya po ang pagbaba ng sin taxes sa mga tobacco and tobacco related products. So sinuguro lang niya at pinarinig niya iyong dapat bayaran na buwis sang-ayon po sa sin tax law.

Q: Oho. Eh nagtaka po sila sapagka’t ang inaasahan nilang ibi-veto ni Presidente iyong tungkol sa coal tax.

SEC. ROQUE: Well, wala naman po yatang ganoon kasi naniniwala naman po ang Presidente ngayon na iyong pork barrel na nadeklarang labag sa Saligang Batas ay wala na po talaga sa budget. May mga proyekto po diyan, pero iyon pong mga proyektong iyan ay na-identify na ng mga kongresista bago pa po maisabatas ang annual appropriations law.

Q: Pero iyon pong coal, iyong sa coal ho iyon ang kanilang inaasahan sana. Kasi ang sabi ng marami ay pampataas talaga ito ng presyo ng kuryente.

SEC. ROQUE: Well, naitaas po nang kaonti pero hindi po doon sa lebel na gusto ng Senado. At ito po ngayon ay ipapataw sa kaparehong lokal at saka sa imported na coal.

Q: Iyon ang mga kailangan nating maintindihan. At mabuti naman at napapaliwanagan nang mabuti itong mga kababayan natin sapagka’t alam po ninyo, siyempre kapag hindi nagkakaroon ng kapaliwanagan ay mas marami—pero ang maganda na inano ng Presidente, dito pala ay magkakaron na ng trust fund para sa mga Bureau of Immigration officers.

Iyong trust fund napaka-importante po noon kasi palagi tayong nawawalan ng Immigration agents, lalung-lalo na sa mga airports, sapagka’t ang sinasabi nila ay napakakulang ang kanilang mga tinatanggap.

SEC. ROQUE: Oo, anyway, kinakailangan ko na pong magpaalam at magsisimula na po sa aking pagpupulong.

Q: Bago po kayo magpunta doon, Secretary Roque, nasa inyong pagkakataon upang magbigay ng mensahe sa ating mga kababayan.

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po malungkot talaga na sunud-sunod na bagyo ang sumalanta sa ating bayan, mayroon pang trahedya ng sunog ng isang mall sa Davao. Pero iyong mga trahedyang ganyan po ay kabahagi talaga ng kasaysayan ng Pilipinas. Ang napapakita po natin pagkatapos ng trahedya, tayo po ay bumabangon, taas-noo. At sa pagdating ng bagong taon ay nagkakaroon po tayo ng mga bagong pag-asa. So Happy New Year sa buong Pilipino.

Q: Okay. Maraming, maraming salamat, Secretary.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)

Resource