Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo (Erwin Tulfo Live – Radyo Pilipinas)

ERWIN: Magandang hapon po, Secretary Roque.

SEC. ROQUE: Magandang hapon kasamang Erwin, at sa lahat ng nakikinig, magandang hapon ho.

ERWIN: Opo. Sir, live po tayo sa Radyo Pilipinas and live po tayo sa Facebook, Secretary. Tell me Secretary, kasi maraming mga kababayan tayo, well they hear ASEAN dahil iyong mga plugs sa TV, sa radio… 31st ASEAN. Pero what po did we gain from this meeting—or ito na lang question ko Secretary, iyong ordinaryong mamamayan ba, may nahita rito o may mahihita ba? Sabihin natin si Mariana, nagtitinda diyan sa Divisoria, o si Toto na driver ng pampasaherong jeep, may mahihita ba siya diyan? Mararamdaman niya ba iyong epekto niyan o iyong ‘ika nga, bunsod ng meeting na katatapos lamang, Sec.?

SEC. ROQUE: Napakalapit po sa tiyan ng ASEAN ‘no, sa katunayan ‘yan po talaga ang tagumpay ng ASEAN, iyong pagpapalawak ng ating kalakalan ‘no, hindi lang dito sa loob ng ASEAN, kundi sa parte ng mga bansa na mga miyembro ng ASEAN at iba’t ibang mga trading partners gaya ng Estados Unidos, Tsina, Russia, Australia at New Zealand. Sa katunayan, sampung taon na ang nakakalipas, ang ating kalakalan ay nasa 600 million dollars lamang. Pero ngayon po, ito’y halos umaabot na ng tatlong trilyong dolyares ‘no – ibig sabihin po trabaho, pagkain ng mga mamamayang Pilipino ‘yan.

ERWIN: Ah… So—pero, when do you think sir na mararamdaman ito? Eh will it take what, a year or two more bago natin maramdaman iyong mga promises po? May mga pledge po eh, correct me if I’m wrong ha, iyong mga sinasabi po ng Russia, iyong Japan, mga subway ng ‘ika nga Russia, ganoon din…Kailan ho kaya natin mararamdaman ho ito, Sec.?

SEC. ROQUE: Well Erwin, nararamdaman na natin ‘yan ‘no, kasi nga iyong pigura na sinabi ko, ‘yan iyong pigura ng sampung taon nang nakakalipas, nagkaroon na ng 300% increase pagdating doon sa kalakalan, at napakadaming trabaho na ang nabuo dahil diyan sa ASEAN ‘no. Sa katunayan, dahil nagkakaisa ang ASEAN, tayo po ngayon ay ika-anim na pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo, at inaasahan na susunod na taon ‘no, from number 6, magiging number 4 largest economy tayo. We will be one of the top 5 largest economy sa buong daigdig – ‘yan po ibig sabihin trabaho at oportunidad sa lahat ng mga Pilipino, kasama ‘yan sa benta sa Divisoria, kasama na ang mga driver, lahat po ng mga mamamayang Pilipino.

ERWIN: So, fastest growing po tayo, pang-anim po tayo ngayon…

SEC. ROQUE: Opo, sa buong mundo at magiging pang-apat pa ‘no sa mga darating na taon.

ERWIN: Alright. Sec., isa pa hong katanungan. Si… tanging—lumabas po sa pahayagan ngayon sa Inquirer, na tanging si Canadian Prime Minister Justin Trudeau lamang noong mag-usap sila ng Pangulo ang nabanggit tungkol po iyon sa extra-judicial killing. Ano po nangyari po doon?

SEC. ROQUE: Hindi ko po narinig ‘yan, kasi pribadong conversation po nila ni Presidente ‘yan. Sa mga pampublikong pagpupulong, wala pong kahit anong sinabi si Prime Minister Trudeau tungkol sa karapatang pantao. Tinanong ko po si Presidente, ang sabi niya, “Oo, binanggit ni Prime Minister Trudeau na committed ang Canada doon sa human rights.” Pero hindi sa akin nabanggit ni Presidente na mayroong nabanggit na extra-judicial killing ‘no. kasi sa tingin ko ‘pag mayroong binanggit na extra-judicial killings ‘yan, magpapanting ang tainga ni Presidente ‘no. So tingin ko, ang nilabas lang is iyong commitment ng Canada to human rights, ito’y napakasandali lamang at ang description nga ni Presidente, “it was said in passing” ‘no, in between the formal hearing po—formal meeting.

ERWIN: At saka… if I’m not mistaken sir, iyong sa… nasa Japan kayo yata—sa Vietnam with the other world leaders, nabanggit na ng Pangulo at sinasabi niya na inaanyayahan niya lahat na pag-usapan itong human rights. At siya mismo nagsabi na, “Ako, ako magho-host nito kung gusto na nating pag-usapan lahat,” about human rights. Tama po ba? At nangyari po ba—may mangyayari po bang ganoon? Pumayag ba iyong ibang mga world leaders?

SEC. ROQUE: Sa Vietnam po niya sinabi ‘yan ‘no, sa press briefing para sa Malacañang Press Corps. Ang sinabi po niya ay, siguro panahon na para tumawag ng isang human rights summit para lahat naman ng biktima ng paglabag ng karapatang pantao ay madinig. Ang sabi niya, ginugusto niya na kung mga abogado ang magpapatawag ng summit na ito at hindi United Nations – kasi mga abogado, naintindihan nila kung ano ang batas.

ERWIN: Are you happy Secretary that everything went well? Mukhang mga kababayan natin natutuwa din po, at sabi ninyo po earlier, I heard na Malacañang is very grateful doon sa mga kababayan natin, sa mga manggagawa na medyo naapektuhan iyong kita nila, nabawasan… iyong mga estudyante, iyong mga magulang na walang pasok ang mga bata. And Malacañang is very pleased and happy, and would like to extend its gratitude to everyone for their cooperation, Secretary…

SEC. ROQUE: Tama po ‘yan, napakatagumpay po na nangyari, wala pong aberya. Napakaimportante ng mga naging kasunduan natin pagdating sa paglaban ng buong rehiyon sa terorismo, doon sa mapayapang resolusyon ng South China Sea, at iyong banta ng nuclear holocaust diyan sa North Korea ‘no. Inuulit ko po ang pasalamat ng ating Pangulo sa lahat ng mga Pilipino, lalong-lalo na iyong mga naabala ‘no dahil dito sa traffic rerouting. Pero napakita po natin na ang Pilipino eh napakatindi ng kakayanan at napakita rin po natin na talagang tayong mga Pilipino ay hospitable, tayo po ay nagmamahal sa ating mga karatig-bansa. At talaga namang dahil sa pagkakataong ito, nagkaroon ng pagkakataon ang Pangulo na ipakita na siya’y hindi lang namumuno ng Pilipinas, hindi lang namumuno for Asia, kundi isa talagang respetadong namumuno sa buong daigdig.

ERWIN: Pati raw ang oposisyon, iyong mga Liberal, si Senador Trillanes, mukhang tahimik ho ‘yata (laughs), dapat din ba pasalamatan ang mga ‘yon at hindi nagngangangawa? Halimbawa iyong mga militante as expected, pero iyong mga kalaban ni Pangulo, the usual… iyong mga ‘dilawan’, sina Senador Trillanes… ‘yan mga tahimik ho yata, mga nag-obserba lamang o nakisama na rin kaya? Anong tingin ho ninyo, Sec.?

SEC. ROQUE: Eh wala po talaga silang mapupula, iyong hosting po talaga natin world-class. Iyong ating entertainment napahanga ang lahat! Ang aking inaasahan lang, sana po ang PTV4 at sa Radyo Pilipinas, ipakita iyong mga naging entertainment… sa gala, sa opening and sa closing at talaga namang tataba ang puso natin, tayo po’y magiging very proud na tayo’y Pilipino at napakita natin – at tunay na world-class ang Pilipinas.

ERWIN: Alright. Maraming salamat po Secretary Harry Roque, sir…

SEC. ROQUE: Maraming salamat Erwin, at magandang hapon.

ERWIN: Si Secretary Harry Roque po, ang Presidential Spokesperson…

###

 

Resource