Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Anthony Taberna (DZMM – Dos por Dos)

ANTHONY TABERNA: Secretary Roque, Happy Holidays po sa inyo Secretary.

SEC. ROQUE: Hi, Happy Holidays. Merry Christmas Anthony, at Merry Christmas din sa lahat ng nanonood at nakikinig sa atin.

ANTHONY: Opo. Pakiklaro ninyo nga po iyong declaration po ng Malacañang tungkol bukas, December 26 at January 2, 2018?

SEC. ROQUE: Opo. Ito po’y iyong walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno lamang, sa Ehekutibo ‘no. At ang mga pribadong sektor naman po ay hinahayaan na ng Palasyo kung ano ang magiging desisyon ng mga kumpanya at iba pang mga employer.

ANTHONY: Opo. So kung—

SEC. ROQUE: Pero sa Ehekutibo po wala pong pasok.

ANTHONY: Ah, Ehekutibo. Pero iyon pong… iyong iba pa, halimbawa iyong sa Judiciary at saka po sa Lehislatura, bahala na rin sila, ganoon po ba?

SEC. ROQUE: Opo. Bahala po iyan basta lahat po ng sakop ng Ehekutibo, wala pong pasok bukas a-bente sais at saka sa a-dos.

ANTHONY: Covered po ba niyan iyong mga local government employees?

SEC. ROQUE: Ay, kasama po iyan ‘no. Ang hindi lang po covered ay iyong mga independiyenteng sangay ng gobyerno na dapat naman pong sila po ang magdesisyon diyan, Lehislatura at saka iyong Hudikatura.

ANTHONY: Opo. Isa pa po, Secretary. Papaano po iyong mga empleyado na papasok bukas—ng pribadong sektor po ang tinutukoy ko. Hindi po sila puwedeng humirit ng plus 30% ganoon?

SEC. ROQUE: Ah hindi po, kasi hindi po talaga public holiday bukas.

ANTHONY: Hindi po—public holiday, okay. Isa na lang po. Mayroon pong—nag-resign po si Vice President Paolo Duterte. Hindi po namin—no comment daw po ang Malacañang doon—

SEC. ROQUE: [Laughs].

ANTHONY: Pero doon po sa—

SEC. ROQUE: Opo.

ANTHONY: Unahan ko na kayo, pero baka naman mayroon na kayong update. Mayroon na po ba o wala pa? No comment pa rin?

SEC. ROQUE: Wala pa po kasi, Anthony ‘no… actually tumawag ako sa Davao kanina, kasi maraming nagtatanong sa akin. Ang nasabi po sa akin eh, mag-uusap pa raw po iyong mag-ama ‘no. So hayaan po muna natin silang magkaroon ng pagkakataon na makapag-usap at pagkatapos naman po ng kanilang pag-uusap, eh sigurado po eh bibigyan ako ng mandato ng Presidente para magpahayag ng kaniyang mensahe.

ANTHONY: Ah, hindi po ba irrevocable ang resignation?

SEC. ROQUE: Sa ngayon po hindi ko po nakita talaga iyong kaniyang resignation, dahil siya po ay nag-deliver lang ng privilege speech. So, iyong dokumento po mismo ay hindi ko pa nakikita.

ANTHONY: Opo. Wala po… procedural—procedurally ano po ba ang proseso kapag ang isang local chief executive ay nagbitiw po sa puwesto? May kailangan pa po bang tumanggap ng resignation para po magkabisa ito?

SEC. ROQUE: Well, lahat po naman ng resignation sa tingin ko dapat tinatanggap ‘no. Pero sa pagkakataon po ang hinihingi ng Palasyo, ay iyong pagkakataon lang po na magkaroon ng ugnayan ang Presidente sa kaniyang anak na si Vice Mayor Pulong.

ANTHONY: So, kailangan pa po ba ng ‘go signal’ ng Presidente para po mag-take effect iyong resignation?

SEC. ROQUE: Well siguro po, ang nais nating malaman ay kung tutuloy nga iyong resignation ‘no kasi verbal daw po ang kaniyang ginawang resignation ‘no. So, hindi ko po alam kung mayroon ng written resignation iyan.

ANTHONY: Okay. Ang dami na hong pumupuri sa ginawa po niyang resignation kanina, dahil pambihira nga sa government officials na out of delicadeza ay nagre-resign. Pero may posibilidad po pala na hindi pa po ito matuloy o bawiin po ito, Secretary?

SEC. ROQUE: Hindi naman po siguro ganoon, kung hindi ang mandato ng Presidente sa akin siguro as of mga 2 hours ago ‘no, eh huwag munang magkomento dahil mag-uusap pa iyong mag-ama.

ANTHONY: Okay. Secretary Harry Roque, sir, maraming salamat at muli po Happy Holidays po sa inyo.

SEC. ROQUE: Ay, Happy Holidays po at magandang gabi po.

ANTHONY: Magandang gabi po. Si Secretary Harry Roque, ang Tagapagsalita ng Pangulo.

###

Source: PCOO – News Information Bureau (NIB)

Resource