Press Briefing by PCOO Sec. Sonny Coloma
Press Briefing Room, New Executive Building, Malacañang
10 May 2016

OPENING STATEMENT

Our people have spoken and their verdict is accepted and respected.

The path of good governance or Daang Matuwid is already established as all presidential candidates spoke out against corruption, and in favor of continuing and expanding present pro-poor programs, and pursuing more initiatives to sustain the strong economy and achieve inclusive growth.

Daang Matuwid may be called different names, but its purpose and spirit will have lasting impact, and continue to shape the consciousness of our people and those that serve them in accordance with the principles of good governance and responsible citizenship. 

QUESTIONS AND ANSWERS

Katrina Son (GMA-7): Sir, was the Palace consulted already by the Duterte camp regarding transition?

SEC. COLOMA: I have no information. But if you would want some elaboration, I think, yesterday and on previous occasions, I have indicated our readiness and willingness to work with the incoming administration

I also pointed out that because of good governance, we have done our part in improving the systems, procedures and processes and making this more customer or citizen friendly; and our successors will find a strengthened bureaucracy that is steeped in the principles of good management as well as open and transparent and accountable transactions with the general public.

Benjie Liwanag (DZBB): Sir, good afternoon. Are you ready for the smooth transition?

SEC. COLOMA: Yes, as I said, we are ready to cooperate and to work with the incoming administration and all that we have done in the last six years to strengthen our government structure to empower and to capacitate our government employees have all been geared towards bequeathing or  transferring to the next administration government workforce and a government that is more capable, that is more responsive and that will be more effective in delivering essential services to our people.

Mr. Liwanag: Sir, there are reports na 80 percent na raw ‘nung budget for 2016 nagastos na raw po ng administration especially sa kampanya? Is it true, sir? What’s your reaction?

SEC. COLOMA: Walang katotohanan at walang batayan. Linawin natin ang mga batayang prinsipyo ng ating Pambansang Budget, Benjie. 

Meron tayong dokumento na pwedeng tunghayan ng ating mga mamamayan, ito ang General Appropriations Act for 2016. Ang General Appropriations Act ay binubuo ng iba’t ibang bahagi para sa bawat ahensiya o tanggapan ng pamahalaan. Mayroong PS o personal salaries, meron ding MOOE o miscellaneous and other operating expenses, at merong capital outlay.

Sa bagong mga sistema na bahagi ng budget reform, itinakda ng DBM (Department of Budget and Management) iyong patakarang “the approved budget itself as the release document.” Ibig sabihin, kapag ito ay effective na at pansinin natin na sa bawat isa sa nakaraang anim na taon effective ito on the first day of the year for which the budget is intended. Kapag ito ay effective na, pwede ng ma-release ang mga pondo. Ang ibig sabihin ng pwedeng ma-release, dapat ay sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan primarily DBM at saka Commission on Audit.

Halimbawa, ‘yung pasweldo ay dapat ibinibigay ‘yan sa napapanahong paraan doon sa mga scheduled payroll dates ng ating pamahalaan. Kapag ang tinutukoy naman ay miscellaneous and other operating expenses, meron ding legal basis para sa pagre-release ng mga pondo na ‘yan. 

Kapag capital outlay naman, kinakailangan ay magsumite ng isang work and financial plan kung paano gagamitin ‘yung capital outlay na ‘yon at kapag inapprove ng DBM saka lang  ibibigay ‘yung authority para magamit ‘yung pondo.

Samakatuwid, lahat ng mga ito ay nasa — naaayon sa batas, principally the General Appropriations Act at medyo reckless at iresponsable ‘yung mga paratang na ginamit ito sa kampanya dahil talaga namang walang katotohanan at walang batayan at makikita ito ng ating mga mamamayan dahil doon sa ating patakaran ng open, transparent and accountable government, lahat ng mga ahensiya ay meron na ngayong website na kung saan required sila na ibunyag o ilahad o isapubliko ang lahat ng mga importanteng disbursements ng kanilang tanggapan.

At sa kahulihulihan, lahat ng mga financial transactions ay subject sa financial audit ng Commission on Audit.

Mr. Liwanag: Sir, follow up. Iyon pong budget natin ngayon like bottom up budgeting sinabi naman ng DBM ibibigay. Ngayon pong hindi nanalo iyon pong ipinu-push ng administration or the administration candidate na si Secretart Mar Roxas, tuloy po ba or mapipigil na ‘yung pagpapalabas natin ng pondo at proyekto especially sa mga kaalyado ninyo dahil hindi sila nagpakita nga ng kumbaga ng boto para sa administrasyon?

SEC. COLOMA: Merong mga partikular na pamantayan para diyan na nakasaad din sa General Appropriations Act kung paano pwede makapag-avail, kung paano ma-a-allocate at kung paano ma-di-disburse ang pondo sa bottom up budgeting. Colorblind ang mga patakaran na ito, Benjie. Tinutukoy nito ang mga maaaring ipanukala na proyekto ng mga local government units regardless of the party affiliation of the local government executives.

Ipapairal lang ang batas at lahat naman ng mga transaksyon na ito ay sakop ng ating patakaran ng open, transparent and accountable government.

Mr. Liwanag: Sir, on the transition, kung kukunin kayo ni Duterte na isa sa mga advisers o si Pangulong Noynoy Aquino, is this administration open dahil nagsasabi na po siya na kalimutan na natin ‘yung nakaraan, gusto natin na magsama-sama tayo? Are you open — are you still open for any possibility, adviser or something, sir?

SEC. COLOMA: Kung ako mismo ang iyong tinutukoy…

Mr. Liwanag: Kayo or si Pangulong Noynoy Aquino.

SEC. COLOMA: Hindi ko pa siya nakakausap tungkol doon. Sa mga nakaraang pagkakataon, kung aking maaalala nang wasto, sinabi naman niya na handa naman siyang magbigay ng kanyang inputs kung siya ay tatanungin, siya naman ay matagal ng public servant. 

Kung ako naman, ang aking personal na prayoridad ay pagukulan ng quality time ang aking pamilya at aasikasuhin ko din ‘yung aking personal health. Siguro ay tutukuyin ko muna ‘yung mga prayoridad na ‘yan.

At isa pa, Benjie, hindi naman karapat-dapat na pangunahan pa ‘yung papasok na administrasyon dahil nasa kanila naman ‘yung pagbubunyag ng kanilang mga plano hinggil diyan at hindi naman tama na magbo-broadcast pa ako sa if ako ay naglalagay ng isang “want ad”. Hindi na lang. Hindi karapat-dapat sa ngayon.

Aurea Calica (The Philippine Star): Sir, just a follow up on Benjie’s question, paano po ba ‘yung proseso, sir? All of you will submit your courtesy resignation or automatic na po ‘yon na you are all going to pack your bags?

SEC. COLOMA: Kung titingnan ‘yung aming mga appointment papers, pati oath of office, meron naman nakasaad doon na “co-terminus with the appointing authority”. So iyong mga presidential appointees ang aming paglilingkod ay kasabay doon sa paglilingkod ni Pangulong Aquino at batid natin na ito ay magwawakas sa ika-12 ng tangali sa ika-30 ng Hunyo, 2016.

Iyon namang mga kawani na ako ang nag-appoint, co-terminus din sa akin, so pareho din ‘yon, June 30, 2016 din ang expiry at malaya ng makakapaghirang o makakapili ng ibang mga tao ang papasok na administrasyon.

Ms. Calica: Sir, related to your opening statement. May mga nagsasabi na ‘yung boto raw po sa pagka-Pangulo ay protesta doon sa mga hindi nagawa ng administrasyon but at the same time, lumaban naman ‘yung kandidato ng administrasyon and si Represenative Leni Robredo is doing okay din naman po doon sa race niya and ‘yung ibang Cabinet secretaries ay okay din naman po doon sa senatorial race. So how do you explain the voting that came out vis-à-vis this analysis na pwedeng protest vote ‘yung sa presidential race?

SEC. COLOMA: Uulitin ko na lang…I will start by reiterating some of the relevant portions of the President’s Election Day message. Ito ano sinabi niya: “Bawat isa sa atin, anuman ang kalagayan sa buhay, ay may tag-iisang boto, upang direktang maghalal ng mga susunod nating pinuno. Ito ang bubuo ng ating kolektibong desisyon ukol sa kinabukasan ng ating bansa..” 

Tapos ay sinabi din niya: “Ipakita po natin sa buong mundo na gaano man kalalim ang ating mga damdamin at paninindigan para sa ating kandidato, ay kaya nating magsagawa ng isang eleksyong mapayapa, maayos, at tunay na sumasalamin sa diwa ng demokrasya.”

At panghuli sinabi niya: “Sa demokrasya, lahat ay nakakapagdesisyun. Sa huli, pagkatapos ng halalan, nawa’y matigil na ang bangayan. Igalang at unawain natin ang anumang pasyang bunga ng pagsasama ng tinig ng mas nakararami para sa ating lahat.”

Kaya kung uunawain natin ang kanyang sinabi, ang nais ng Pangulong sabihin ang bawat isang Pilipino ay mayroong tinig sa halalan. Mas importante kaysa iyong mag-generalize ay unawain ‘yung individual prerogative ng bawat Pilipino na maghayag ng kanyang pananaw at ng kanyang saloobin sa pamamagitan ng pagboto.

At kapag pinagsama-sama ‘yung mga indibidwal na mga pasya na ‘yon, ang patakaran lamang natin ay dapat ay magwagi ‘yung may pinakamaraming boto.

Sa aking personal na pananaw, hindi makatwiran na mag-characterize lang o mag-generalize dahil marami naman talagang dahilan at inoffer ko na ‘yung isang pananaw na kahit naman merong pagtuligsa, kung hahanapin natin ‘yung common ground na kung saan ay nagkahawig ang pananaw ng mga iba’t ibang kandidato, lahat sa kanila nagsabi ipagpapatuloy nila ‘yung 4Ps at CCT, which is the centerpiece program of the administration to lift from poverty ‘yung pinakamaralitang mga Pilipino at iyon din ang batayan ng programa for inclusive growth.

Iyong anti-corruption program, ito rin ay isang batayang programa ng Philippine Development Plan kaya nga’t ang paulit-ulit na tema ng administrasyong kasalukuyan ay ‘yung pagtahak sa daang matuwid which is all about good governance and instituting reforms in the bureaucracy para mapawi o mabawasan ang korupsyon.

Sa sa aking palagay, kung susuriin natin, in the main, iyon namang mga itinaguyod na plataporma ay tinukoy din at patuloy na tinutukoy ng administrasyon at tanggapin din natin ‘yung realidad na hindi naman iyon lahat mare-resolba o mapapawi sa iisang termino lamang. 

Doon sa isang broadsheet kanina, nakita ko meron silang inilista na limang prayoridad, nauna na doon ‘yung crime. E sino namang administrasyon ang hindi lalaban sa kriminalidad? Ang magagawa lang natin ay bawasan ito, palakasin ‘yung kapasidad ng komunidad at ng kapulisan na pigilin ang kriminalidad.

‘Yung unemployment ay patuloy din naman ‘tong tinutukoy at patuloy nating sinisikap na ibaba ito sa pamamagitan ng iba’t ibang programa. ‘Yung investment para sa ekonomiya ay talaga namang continuing responsibility din ito.

Kaya’t siguro mas mainam na lang na tingnan natin na ang lahat ng mga mahalagang reporma o programa ay kinakailangang maipagpatuloy at hindi ito dapat magkaroon ng arbitrary or abrupt ending dahil kailangan din namang maipagpatuloy ang mga mabuting nasimulan at mapatatag ‘yung mga naitatag na na mga reporma.

Roices Naguit (TV 5): Good afternoon, Secretary. Sir, hindi pa naman po opisyal ‘yung resulta pero dahil leading po ‘yung vice presidential candidate ng administrasyon, this early may mga nagpapakalat na po na tungkol doon po sa sinasabi nila na Plan B in case na siya nga po ‘yung mahirang na vice president at ang plano daw po ay ‘yun nga i-impeach ang pangulo o si President Duterte. Ano pong masasabi niyo dito?

SEC. COLOMA: Masyado yatang malawak na imahinasyon ang ginagamit sa ganyang mga scenario. 

Kung pwedeng paki-ulit kung ano ‘yung mga elements ng kanilang plano dahil wala naman akong alam na ganyan. Ano ba ‘yung mga binabanggit nila na elemento daw ng umano’y Plan B?  Para masuri natin.

Ms. Naguit: Actually wala pa naman specific, sir. Pero ‘yun nga, meron ng mga memes, especially sa social media. May mga sinasabi na Plan B talaga si Leni, in case hindi manalo ang pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas.

SEC. COLOMA: Binanggit ba dito ‘yun impeachment?

Ms. Naguit: Yes, Sir.

SEC. COLOMA: Kung tutunghayan natin ‘yun, ano. Ayon sa Saligang Batas, ang impeachment ay pwede lamang manggaling sa Kamara de Representates. 

At mayroong bilang ng kinatawan. Para namang ‘di natin binibigyan galang ‘yung institusyon ng Kamara de Representates kung agad-agad tayong tatalon doon sa konklusyon ‘no, ni hindi natin alam kung sino sila ‘no, ‘yung 297 na naihalal, pangungunahan natin, sasabihin kaagad natin: “Ay ‘yang mga ‘yan ay kabilang sa isang Plan B.” 

Hindi ba para naman iresponsable at reckless ‘yung ganong klaseng pag-iisip? At kung kumbinsido tayo na iresponsable at reckless ‘yun, baka naman waste of time din ‘yun na binibigyan pansin pa natin. Samantalang, meron namang mga mas makubuluhang suliranin o paksa na pwede nating harapin.

Ms. Naguit: Sir, may we know po kung ano ‘yung general assessment or assessment, direktiba ng Pangulo kasi kahapon po, gaya po ‘nong sinabi niyo sa inyong naunang pahayag, nag-monitor siya doon sa Presidential Situation Room sa Bahay Pangarap. Ano po ba ‘yung kanyang naging assessment at saka ‘yung reaksyon na rin doon sa naging turnout?

SEC. COLOMA: Bago doon sa nangyari kahapon, naipabatid din sa inyo na noong nakaraang Sabado ay nag-pulong ‘yung security cluster. 

Noong pagpupulong noong Sabado, ay tinunghayan ni Pangulo lahat ng mga preparasyon para sa seguridad on Election Day itself. At nakita naman natin ‘yung daloy ng mga kaganapan kahapon kung paano naiparil ng ating Pambansang Kapulisan at Sandatahang Lakas ‘yung peace and order at seguridad.

Ayon doon sa briefing na binigay ni Acting Chief-of-Staff Glorioso Miranda ay mayroong ilang insidente na aking na-enumerate na rin doon sa panayan kanina pero wala tayong masasbi na kapag pinag-sama-sama ito ay nagkaroon ng malaking epekto o ito ay nakabalam sa pagkakaroon nang maayos na eleksyon.

Pangalawa, ayon kay Chairman Andres Bautista ng Comelec, natamo natin ‘yung turnout na humigit kumulang 81 percent na ayon sa kanya ay pinaka-mataas doon sa naganap na automated elections simula noong 2010, 2013, at ngayon ay 2016.

Kung hinggil naman sa kaayusan ng halalan, bagamat marami-rami din ‘yung mga report tungkol sa mga nag-malfunction na VCM at ‘yung mga ibang glitches, natunghayan din natin ‘yung statistics na dahil ang involved dito ay halos isang milyong VCM ay napaka-negligible o napakaliit ‘nung percentage ‘nung mga malfunction at technical glitches. 

So lahat ng mga bagay na ‘yan ay tinunghayan ng Pangulo at siya naman ay in general ay nagpahayag ng kasiyahan. He was satisfied with the preparations that were laid out and that were in placed. 

Tandaan natin noong Sabado ay nagdaos ng malalaking miting de avance sa iba’t ibang lugar ng mga aktibong supporters ng mga kandidato at lahat naman ‘yan ay naidaos nang walang insidente. 

At ‘yun din mismong halalan natin ay mapayapa at naging maayos kaya’t si Pangulo naman ay nagpahayag ng kanyang satisfaction sa mga security forces natin. 

Doon sa kanilang isinagawang mga preparasyon at aktwal na pagkilos on the ground para tiyakin ‘yung pagdaraos nang maayos at may integridad na eleksyon.

Ms. Naguit: Sir, si Pangulo na rin po ‘yung nagsabi na ‘yung eleksyon na ‘to is  a referendum ng Daang Matuwid. So, nakausap niyo ba, natanong niyo siya, or sa obserbasyon ninyo, paano po niya tinanggap na, medyo malayo po kasi ‘yung agwat ‘nong kandidato ng Daang Matuwid doon po kay Mayor Duterte? Although ‘yun nga, medyo gitgitan naman ‘yung laban ng pagka-VP at leading ‘yung kanyang kandidato.

SEC. COLOMA: Roices, kung magbabalik-tanaw tayo doon sa aking opening statement, tinukoy ko na rin ‘yan, na kung susuriin din naman natin ang mga binanggit ng iba’t ibang kandidato, na nais nilang itaguyod na programa ng pamahalaan, ‘yung buod ng prinsipyo, ‘yung diwa ng Daang Matuwid ay napapaloob naman sa kanilang mga inanusyong plataporma at sa kanilang paglalahad ng mga programa de gobyerno nila. 

Kaya’t hindi naman makatwiran na sabihin na hindi matagumpay o walang saysay ‘yung mga ginawa ng ating kasalukuyang administrasyon.

Mr. Liwanag: Sir, going back doon sa security cluster. Unang ipinatawag ni Pangulo ‘yung security cluster para doon sa Abu Sayyaf . Tapos may statement ang Pangulo, sir, ibibigay niya ‘yung buong pwersa, power of this government, e paalis na po, pero until now ano na po nangyari against this Abu Sayyaf? Hawak pa rin po nila ‘yung mga bihag at meron pa rin po silang banta sa buhay ng mga hostages.

SEC. COLOMA: Patuloy pa rin silang tinutugis. Patuloy ‘yung joint military and law enforcement operations sa kanila at patuloy pa rin ‘yung pagsisikap na mailigtas at mabawi nang buhay ang mga hostages o kidnap for ransom victims. 

Kaya lang ay maselan itong mga operations na ito ay hindi risonable o makatwiran na tinatalakay ‘yung mga operational details. 

Pero makaka-tiyak ang ating mga kababayan na buong tapang at buong sigasig na tinutugis ng mga pwersa ng Republika sa kanilang military at law enforcement operations ang mga kriminal at bandidong elemento na iyong nabanggit.

Mr. Liwanag: Are we positive enough? Or this government is positive enough na you will give results bago bumama si Pangulong Noynoy Aquino on this matter, sir, terrorism?

SEC. COLOMA: Buo ‘yung determinasyon at pagsisikap kaya lang hindi din naman makatwiran na mag-bigay ng forecast o ng specific target dates na ma-a-achieve ‘yan dahil hindi nga ganon ka-simple. 

Sabihin na lang natin na hanggang sa kahuli-hulihang minuto ng administrasyong ito ay gagawin ‘yung nararapat, gagawin ang pinakamahusay, at pagkatapos ay isasalin ‘yung responsibilidad dahil ito naman ay 24 by 7 by 52. ‘Di ba 24 hours, 7 days a week, 52 days in a week. 

Hindi talaga… Walang humpay dapat itong pagkilos na ito dahil ang ating tinutukoy ay ‘yung kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayang Pilipino laban sa mga pwersa na naghahasik ng ligalig, panganib at kamatayan.

Vic Somintac (DZEC): Secretary, good afternoon. I have only one simple question to you, Secretary. How do you assess your stay in Malacañang as one of the mouthpiece of the Aquino administration?

SEC. COLOMA: Buong pasasalamat sa ating Pangulo at sa ating sambayanan sa pagkakataong ito. 

Pasasalamat din… Teka muna, masyadao yatang maaga itong… Gusto ko pa naman magkaroon tayo ng iba pang…

Mr. Somintac: Hindi sinamantala ko na, sir, on a rare occasion na umaakyat kami sa taas.

SEC. COLOMA: Nagpapasalamat din ako sa inyo dahil sa akin lang, mainam naman ‘yung ating pakikipag-ugnayan sa isa’t isa dahil meron naman tayong nagkakaisang layunin, ‘yung maihatid ‘yung tama at napapanahong impormasyon sa ating mga mamamayan, dahil na rin doon sa commitment at paniwala ni Pangulong Aquino na ang kailangan ng ating mga kababayan ay ‘yung tama at komprehinsibong impormasyon na nakukuha nila sa napapanahong paraan. 

At kung ito ay nasa kamay nila at mabubuo ito sa kanilang isipan, sila ay makakapag-desisyon nang maayos. At ‘yung desisyon nila ay maaaring makatulong sa paghubog ng isang maaliwalas na kinabukasan para sa kanila at sa kanilang mga pamilya. 

Pero may araw pa naman tayo at may buwan pa tayong bibilangin. Tuloy lang tayo hanggang sa kahuli-hulihan.

Khryss Jose (Remate): Sir, meron pong political analyst ang nagsabi na since si Pangulong Aquino pa rin daw po ‘yung nakaupo, wala po ba siyang balak na i-congratulate si Duterte on behalf of the Liberal Party?

SEC. COLOMA: Hintayin na lamang natin. Ang Pangulo naman ay nakakaunawa ng mga kaganapan.

Meron namang mga, may tamang pagkakataon para sa mga nabanggit mo. 

At kung tutunghayan natin ‘yung kanyang Election Day message, nandoon naman ‘yung bukas-palad na pagtanggap sa pagpapapasiya ng ating mga mamamayan at ‘yung good wishes para sa susunod na administrasyon.