President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 119th Founding Anniversary of the Philippine Army (PA)
HQ Philippine Army (HPA) Grandstand, Fort Bonifacio, Taguig City
22 March 2016
 
Ngayong umaga po, eksaktong 100 araw na lang ang natitira sa ating panunungkulan. Sa anibersaryo ng ating Hukbong Katihan, hindi ko maiwasang maalala ang nangyari nung unang beses akong humarap sa Sandatahang Lakas bilang Commander-in-Chief; sumagi po sa isip ko noon yung eksenang madalas makita sa telebisyon o pelikula, kung saan, dahil sa matinding kagipitan, may amang nagsasabi sa kanyang anak, “Pasensya ka na ha, hindi ko makakayanan.”

Noong umpisa po, sa totoo lang: Sa dami ng problemang ipinamana sa atin, ilang beses sana natin itong nasabi sa Sandatahang Lakas. Pero sa Daang Matuwid, dahil sa ating pagbabayanihan, ang dami nating nakayanan, at marami pa tayong makakayanan. Masasabi nga nating tumotoo tayo sa ating panata: Di hamak naman na mas maganda na ang kalagayan ng ating kasundaluhan.

Kayo po mismo rito sa Hukbong Katihan ang saksi sa modernisasyong nagaganap sa inyong hanay. Nabanggit na nga kanina ng ating Commanding General ang ilan sa naglalakihan at makabagong assets na nakuha ng Army sa pakikihakbang nito sa Daang Matuwid. Kayo nga mismo ang nakakaalam sa kung ano na ang kayang gawin ng ating Army sa mga panahong ito, dahil sa transpormasyong sama-sama nating itinulak. Abangan na lang po ninyo mula sa inyong mga pinuno at commanders ang iba pang makabuluhang kagamitang mapapasakamay ninyo sa nalalapit na panahon.

Hindi ko nga po ililista ang lahat, dahil may usapin ng national security sa pagbabahagi ng ganitong impormasyon. Ang puwede ko pong masabi: 68 big ticket projects, na nagkakahalagang P58.43 billion, ang atin nang naisakatuparan para sa buong AFP. 26 na proyekto po diyan o katumbas ng P7.79 bilyon ang napunta para sa pagpapalakas sa kakayahan, kaalaman, at kahandaan ng ating Hukbong Katihan. Ipunto ko lang: Itong AFP Modernization, hindi lang iyan lagpas-lagpas sa inasahan nating magagawa sa loob ng anim na taon; lagpas-lagpas din iyan sa talagang nagawa ng tatlong administrasyong nauna sa atin.

Kasabay niyan, para sa hinaharap, nagpapatupad na rin tayo ng Army Transformation Roadmap 2010-2028 upang lalong mapalakas ang kultura ng epektibo at mabuting pamamahala sa inyong hanay. Bukod sa modernisasyon sa inyong kakayahan, nariyan din ang iba’t ibang inisyatiba natin para talagang mapangalagaan ang kapakanan ninyong mga nag-aaruga sa sambayanan. Halimbawa: Higit sa 61,000 units na ang nakumpleto sa ilalim ng ating AFP-PNP Housing Program, at kasama ang Hukbong Katihan sa mga nakikinabang sa programang ito.

Nariyan din po ang livelihood programs na ipinapatupad para sa ating kasundaluhan, aktibo man o retirado, sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Camp Kibaritan sa Bukidnon, at Camp Peralta sa Capiz. Para po sa Army, ang banggit sa atin, nagsagawa na rin tayo ng 13,903 livelihood at 2,552 vocational trainings para sa 145,629 Army personnel at kanilang dependents.

Nasa P2.35 billion naman ang nai-release na para sa kasuotan at angkop na kagamitan ng bawat kasapi ng Army, samantalang P249.28 million na ang nailabas para sa inyong medical at dental equipment. May P346.28 million na ring naibigay bilang reimbursement sa pagpapaospital ng mga nasa Army at kanilang sinusuportahan, bukod pa sa ayuda para sa mga naulila ng mga kawal nating binawian ng buhay sa pagtupad sa tungkulin.

Sa ating panunungkulan, nagkaroon ng umento ang monthly combat pay para sa mga kawal nating sumusuong sa mga operasyon. Ang subsistence allowance naman, tinaasan din natin para sa buong unipormadong sektor. Gaya naman ng nabanggit: Napirmahan na rin natin ang EO 201 na saklaw ang umento sa inyong monthly hazard pay, at miski para sa inyong provisional allowance at officers’ allowance.

Ngayong taon din, bagaman hindi naisabatas ang SSL4, bahagi naman ng ating aprubadong budget ang pondong pagkukunan ng inyong provisional allowance, kaya naman tuluyan nating naitaas ito para sa ating kasundaluhan. Pero ulitin ko lang ang panawagan natin sa ating Kongreso: Sana magtutuloy-tuloy na ang SSL4 hanggang 2019, at magagawa lang iyan sa pagsasabatas ng isang risonableng panukalang magtataguyod sa kapakanan ng lahat ng kawani ng pamahalaan.

Sa Daang Matuwid, hindi lang natin natutukan ang kapakanan ng ating mga kawal, kundi naipatupad din natin ang malawakang reporma upang sabay-sabay na tugunan ang pangangailangan ng ating mga Boss. Halimbawa na lang: Nitong nakaraang linggo, lumabas ang ulat ng NEDA na naabot natin ang record low pagdating sa poverty incidence sa buong bansa simula noong 2009. Kasabay niyan, naitala rin sa ilalim ng ating administrasyon ang pinakamababang unemployment rate sa loob ng isang dekada. Ayon naman sa fourth quarter 2015 survey ng SWS: Sa atin din narehistro ang pinakamababang annual average hunger rate sa loob ng 11 taon.

Isa rin sa pinakamatingkad na halimbawa ng nakamit natin sa Daang Matuwid ang pagpapalakas natin sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na mula sa dinatnang higit 786,000 na kabahayan ay napalawak natin para suportahan ang 4.4 milyong kabahayan sa kasalukuyan. Ngayong taon, sa wakas, matatapos na natin ang target na 4.6 milyong kabahayang benepisyaryo. Kakabit ng mga pagsisikap natin sa pagtugon sa kahirapan ang magandang balita na higit 7.7 milyong kababayan natin ang tuluyan nang naitawid sa poverty line.

Sa imprastruktura naman: Naipagawa na natin at naisaayos ang mahigit 18,500 kilometro na national roads at 107,000 lineal meters na mga tulay. Kasama na po riyan ang dinayo natin kahapon lang na Basilan Circumferential Road, na inabot ng 16 taon para maisakongkreto. Dahil sa ginhawang hatid ng ganitong imprastruktura, lalong mapapalapit ang mga puso at isipan ng taumbayan sa pamahalaan at maging sa inyo. Dahil tangan naman ninyo ang simpatya ng karaniwang Pilipino, mas mahahadlangan ang masasamang balak ng mga halang na elemento.

Mga kasama, hayaan ninyong bigyan ko ng diin: Nagawa natin ang lahat ng ito nang hindi nagpapataw ng karagdagang pabigat sa ating mga kababayan. Sa totoo lang, nabigyang daan ang kaunlaran dahil sa pakikibalikat ninyo at dahil ginawa natin ang tama. Tunay ngang makakamit lang ang katiwasayan at positibong transpormasyon, kung merong kaayusan at estabilidad. Maliwanag po: Dahil ginagampanan ninyo ang inyong mandato, dahil tumototoo kayo sa motto na “Serving the People, Securing the Land,” talaga namang ang layo na ng ating narating.

Sa ating Hukbong Katihan, at maging sa ating buong Sandatahang Lakas, bilang mga tagapagtanggol ng kapwa ninyo Pilipino, at bilang lehitimong puwersa, tangan ninyo ang mga sangkap para mangyari ang tinatawag na “monopoly of armed power.” Pero ito rin ang mismong sangkap na kung gagamitin para isulong ang tama at makatarungan ay maghahatid sa atin sa isang mas maganda, mas patas, mas tahimik na kinabukasang maipapamana sa susunod na salinlahi. Kaya naman, sa paparating na halalan, malinaw ang atas sa atin ng sambayanan: Manatili sa kanilang panig, huwag makihalo sa pulitika, at siguruhing mananaig ang nagkakaisang tinig ng bayang tumatahak sa landas ng demokrasya.

Sa pagtupad naman ninyo sa inyong mandato, nariyan ang mga hepe ninyo sa serbisyo, sa pangunguna ni DND Secretary Volts Gazmin, na matagal nang itinutulak ang modernisasyon ng ating Army, ang ating AFP Chief of Staff na si Gen. Hernando Iriberri, ang ating Commanding General na si Eduardo Año, at inyong nagkakaisang liderato, na buong paninindigan kayong gagabayan sa bawat sandali ng paglilingkod ninyo sa serbisyo.

Ngayong narito tayo sa Fort Bonifacio, hindi ko maiwasang maging personal dahil nag-full circle na po tayo. Alam niyo po, nung batang-bata ako, at pihadong matatandaan ng mga kahenerasyon namin ito: May tv series na ang pamagat ay “Combat.” Dahil dito, masasabi kong ginusto kong maging sundalo pagdating ng panahon. Wala pang Playstation noon, kaya ang laro namin, cowboys at indians saka baril-barilan.

Pero dumating po ang Martial Law, at talagang nagbago ang pananaw ko ukol sa ating mga sundalo. Dito mismo sa Fort Bonifacio at maging sa Fort Magsaysay, nakulong ang aking ama nang pitong taon at pitong buwan. Sa mga pagkakataong ito namin nakilala ang ating magiging SND, na noo’y bantay sa kulungan ng aking ama; dahil po trinato niya nang maayos at disente ang aking ama, dahil naging propesyonal siya, ang naging gantimpala ni Sec. Gazmin mula sa diktadurya: Ipinatapon siya sa Mindanao mula 1975 hanggang 1986.

Kung maididiin ko po: Prineserba nga ang mga naging piitan ng aking ama at ng marami pang iba bilang tanda na may yugto sa ating kasaysayan kung saan kinasangkapan at iniligaw ang Sandatahang Lakas ng taong nangakong paglilingkuran ang sambayanan. Marami nga po sa inyong hanay ang naligaw, dahil sa pag-aakalang sinusunod ninyo ang Saligang Batas sa pagtupad sa utos ng diktador. Napalayo nga kayo sa kalooban ng tao, at isang resulta nito ay ang paglobo ng bilang ng NPA mula sa 60 katao tungo sa 25,000 armadong hanay sa pagtatapos ng Batas Militar.

Pero sa patnubay ng aking ina at maging sa ating administrasyon, talagang nanumbalik ang Sandatahang Lakas sa tamang panig kung saan kinakalinga niyo ang taumbayan. Ang sambayanan naman, ang sukli ay mas solidong pagkalinga. Kita naman po ang bunga, dahil sa pakikiisa ng taumbayan, naging mas madaling madala sa hustisya ang naglalakihang kalaban ng Estado gaya na lang nina CPP Acting Chair Benito Tiamzon, CPP Secretary-General Wilma Tiamzon, at si Eugenia Magpantay-Topacio, na Secretary ng Central Luzon Regional Committee ng CPP-NPA. Sa loob ng ating administrasyon, sa pagtupad ninyo ng higit 1.3 milyon na operasyon kontra sa mga kalaban ng Estado, tuluyan nating napalaya ang 50 sa 76 na probinsyang apektado ng panggugulo ng NPA. Labindalawa na lang po ang natitira.

Ito na nga po ang imahen ninyong maiiwan sa karaniwang Pilipino: isang Hukbong Katihan at Sandatahang Lakas na lagi nilang maasahan, na siyang katuwang sa pagsusulong ng estabilidad at kaayusan sa mga pamayanan. Mula rito umuusbong ang kumpiyansa na siyang kailangan sa pagsusulong ng progreso. Sa tuwing merong bagyo, sa harap ng matinding buhos ng ulan at hagupit ng hangin, nariyan ang Sandatahang Lakas at iba pang mga kasapi ng gobyerno, gumagawa ng paraan na mai-clear ang kalsada para makapasok ang ayuda, gaya na lang ng nasaksihan natin noong mga bagyong Yolanda, Ruby, Lando, at iba pa. Sa ganitong pagkilos, talagang batid ninyong nasa likod ninyo ang ating mga Boss, at ang dulo nito ay isang virtuous cycle ng tiwala, pag-aambagan, at positibong pagbabagong makakabuti para sa ating lahat.

Ito na nga po ang Army at AFP na ipapamana natin bilang isang namamaalam na Commander-in-Chief: Isang hukbo na napakataas ng moral at handang-handa para sa anumang hamon; isang hukbo na tangan ang pagkilala at respeto ng taumbayan; isang hukbong propesyonal at may matibay na mga prinsipyo.

Sa paglalakbay natin sa Daang Matuwid, sinasabi ko: Karangalan kong makapaglingkod bilang inyong pinuno at Commander-in-Chief. Balang-araw, matatanaw ko ang puntong ito ng ating kasaysayan nang may pagmamalaki: Kasama ng Army at buong AFP, ginawa natin ang tama at isinabuhay natin ang katotohanang “The Filipino is definitely worth fighting for.”

Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Maligayang anibersaryo rin po sa inyong lahat.