INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / Balita at Panayam by Allan Allanigue
09 February 2016
 
ALAN: Ngayong araw na ito, sir, officially magsisimula iyong campaign period para sa mga national candidates, iyon pong mga tumatakbo sa posisyong national. We understand na merong panawagan ang Palasyo para sa lahat na kilatising mabuti ang mga taong nag-o-offer ng kanilang serbisyo para maglingkod sa bayan, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Mahalagang maunawaan ng ating mga mamamayan ang plataporma sa pamamahala na inihahayag ng mga kandidato. Dahil sa nakaraang lima at kalahating taon, angayon pang-anim na taon na, ay nakapaglatag ang administrasyong Aquino ng mga konkretong programang pangkabuhayan na nag-angat sa ating mga kababayan mula sa kahirapan at mahalagang maipagpatuloy ang mga nasimulan at mapatatag pa ang progreso na ating natamo na.

ALAN: Opo. Of course, sa ibang usapin naman, Secretary Coloma, sir. Meron pong naging pahayag itong si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad na possible daw na hilingin niya sa Pangulo na magpalabas ng isang Executive Order. Ito ay kaugnay po doon sa planong pagdadagdag sa mga suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan. Ito po ay kasunod nung, kumbaga ay, nabinbin na Salary Standardization Law part 4 diyan po sa ating lehislatura, Sec. Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Ang nais nating makita ay iyong pagpapatupad ng first tranche nung panukalang Salary Standardization, dahil meron nang nakalaan na halagang P57.9 billion sa pambansang budget sa taong ito, Alan. At dahil meron nang congressional appropriation ay puwede nang maipatupad ito.

ALAN: Ayon. Ito po iyong first tranche, ika nga, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Apat na tranches kasi iyon, isa sa bawat taon — simula 2016, ang pangalawa naman ay sa 2017, ang pangatlo ay 2018 at pang-apat ay 2019. Kaya lang, Alan, ay nakabinbin pa ang pagpasa nitong SSL 4, at doon sa Bicameral Conference Committee pa ito tinatalakay, hindi nila natapos. So hindi sila humantong sa isang kasunduan noong kanilang pagpupulong at hindi pa ito naipapasa sa conference committee. Kaya ito ang tinitingnan ngayong option para maipatupad na ang salary standardization.

ALAN: Opo. Sa ibang usapin po, Secretary Coloma, sir. Ano hong latest galing sa ating Manila Economic and Cultural Office o MECO diyan po sa Taiwan. Iyong initial report po ay nagsasabing merong labingtatlong Filipino workers na nag-sustain ng mga minor injuries dahil po doon sa nakaraang lindol nung Sabado ng umaga diyan po sa Taiwan, Secretary Sonny?

SEC. COLOMA: Masinsin na tinututukan ng MECO ang sitwasyon doon, dahil nais nating matulungan ang Pilipinong apektado sa naganap na lindol. Kaya ginagawa ang lahat ng nararapat para bigyan sila ng kinauukulang assistance at relief, Alan.

ALAN: Sec., kahapon po ginunita ang Lunar New Year, ang Chinese New Year, at nagpahayag po ng pasasalamat ang Pangulong Noy sa Filipino-Chinese Community sa binanggit niya na mahalagang kontribusyon ng mga ito sa paglakas ng ekonomiya ng ating bansa, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Ginugunita nga natin iyan sa tuwing pinagdiriwang ang Lunar New Year, dahil iyong Filipino-Chinese Community ay isang mahalagang bahagi ng ating pamayanan. At pati naman iyong relasyon natin sa People’s Republic of China ay isang relasyon na deka-dekada na ang itinagal at pinapatatag pa natin ito sa maraming aspeto lalung-lalo na doon sa mga people-to-people aspects. Kaya’t ito ay magandang panahon para salubungin iyong Lunar New Year at mapatatag ang ating pakikipag-ugnayan sa Filipino-Chinese Community at bansang China.

ALAN: Well, Secretary, sir, muli nais po naming magpasalamat sa inyo for the updates from the Palace, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.

SOURCE: Presidential News Desk