INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / Balita at Panayam by Alan Allanigue
19 April 2016
 
ALAN: Secretary Coloma, sir, magandang umaga po.

SEC. COLOMA: Magandang umaga, Alan.

ALAN: Yes, sir. Sec, mayroon pong report itong SWS ‘no. Mayroon silang survey na nagsasabing iyong pong public satisfaction sa Pangulong Noy ay… ang term na ginamit nila is “moderate,” iyan po ay base raw dito sa first quarter survey ng Social Weather Stations sa na isinigawa March 30 to April 2, Secretary Coloma, sir.

SEC. COLOMA: Sa simula’t-sapul, Alan, ang Pangulo natin, si Pangulong Aquino, ay nagpahayag na na sa lahat ng pagkakataon gagawin niya kung ano ang tama, makatwiran, makatarunungan para sa lahat ng Pilipino sa buong bansa ano man ang lumabas sa mga periodic surveys. Ibig sabihin, hindi naman ibinabatay lamang doon sa pagkakaroon ng mga ganiyang feedback ‘no. Kasi mayroon ding mga patakaran, mayroong mga programa na hindi naman kaagad na maipapatupad o hindi naman agad mapapaunawa sa mga mamamayan, kaya’t natural lamang mayroong mga “ebbs and flows” na tinatawag ‘no, iyong high and low na fluctuation na mga ratings. Pero kung tutunghayan natin iyong buong anim na taon na halos ‘no, makukumpleto na anim na taon, makikita naman natin na tuwing mayroong ganiyang pagbaba ay nakakabawi naman ‘no, bumabalik din sa mas mataas na antas. At kung ihahambing naman doon sa mga pagturing sa performance sa mga nakaraang Pangulo, eh makikita naman na talagang mataas iyong nakukuhang marka ni Pangulong Aquino. Basta ang mahalaga para sa kanya iyong mabuting pamamahala, iyong paghahatid ng mahalagang serbisyo sa ating mga mamamayan at iyong pagpapatatag ng ating mga pampublikong institusyon iyon ‘no. Para iyong mga pagbabagong naipunla na ay higit pang yayabong, Alan.

ALAN: Opo. Sa ibang usapin naman po, Secretary Coloma, sir. Mayroon pong pahayag itong Climate Change Commission na nangangailangan daw po ng karagdagang pagre-review ang kasalukuyang polisiya ng pamahalaan sa enerhiya. May kaugnayan po ito doon sa paggamit pa rin dapat ng mga renewable sources of energy. Any reactions tungkol dito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Kasama sa ating pangkalahatang programang pang enerhiya iyong pagdadagdag ng paggamit ng renewable energy, Alan. Sapagkat iyan naman talaga ang dapat nating patunguhan — iyong mabawasan iyong pag-asa sa mga pamamaraan na lumilikha ng carbon emissions ‘no. Kaya’t iyon naman ay pinapatupad ng ating pamahalaan alinsunod commitment natin sa COP 21, iyong naganap sa Paris na agreement. Sa lahat naman ng pagkakataon din, ang ating hinahangad ay matiyak iyong kasapatan ng supply ng enerhiya sa lahat ng lugar sa ating bansa. Kaya’t hindi naman nawawala iyong kamalayan na dapat dagdagan iyong porsyento na ang pinagkukunan ay iyong renewable sources of energy.

ALAN: Okay. Sec, mayroon pong balita na nagsasabing mayroong isang—mayroon pong military plane ng China na lumapag diyan po sa runway nila sa mga disputed islands natin diyan sa West Philippine Sea. Any reactions/comments from the Palace tungkol dito, sir?

SEC. COLOMA: Hindi lamang ang Pilipinas ang interesado at tumututok diyan sa mga kaganapang iyan, Alan. Maaalala natin na noong nakaraan, noong nandito si Pangulong Obama ng Estados Unidos para doon sa APEC Economic Leaders Meeting, ang sinabi niya ay iyong pagpapahayag sa kanya ng Pangulo ng People’s Republic of China na wala daw intensiyon ang bansang iyon hinggil sa militarisasyon sa South China Sea. Kaya dapat tignan kung iyong mga pahayag ay tugma sa mga aksyon. Dahil hindi nakakatulong ang mga aksyon tulad niyan sa pagtitiyak na magkakaroon ng kalayaan sa nabigasyon at paglalakbay sa himpapawid na mahalaga para sa maayos na daloy ng kalakal sa South China Sea o West Philippine Sea.

ALAN: Opo. Sec, isang isyu na lang po ano ho. Mayroon hong ilang mga sektor na naunang nagpahayag ng pagbatikos dito sa Dengue Vaccination Program natin dito sa Pilipinas, considering mayroon nga pong kauna-unahang vaccine kontra sa dengue. Pero mayroon pong official na pahayag din galing sa World Health Organization na nagsasabing itong vaccination campaign sa Pilipinas kontra sa dengue ay consistent po sa rekomendasyon mismo ng World Health Organization, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Tumatalima ang Pilipinas sa mga pamantayan ang World Health Organization at tinitiyak na iyong mga ginagamit na bakuna ay naaayon sa mga pamantayang iyan para hindi lang epektibo pero ligtas. At tayo ay malaki din ang partisipasyon doon sa research at testing na naganap bago mapiho ‘no iyong pagiging epektibo ng vaccine na iyan at may sertipikasyon na nga ayon sa WHO. Dahil diyan ay puspusang ipapatupad ng ating DOH iyong pagpapabakuna para mabawasan iyong banta sa kalusugan na dulot ng dengue.

ALAN: Opo, okay. Well Secretary Coloma, sir, muli nais po naming magpasalamat for the updates from the Palace, Sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.

ALAN: Thank you sir, good morning. Mga kaibigan Communication Secretary “Sonny” Coloma.

SOURCE: NIB-Transcription