Interview

Interview with Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque by Erwin Tulfo (PTV – Tutok Erwin Tulfo)


TULFO:  Nasa linya na po ng aming telepono ang aking kaibigan, Secretary Harry Roque, tagapagsalita ng Palasyo at IATF spokesman. Magandang umaga sa iyo, sir.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga, Pareng Erwin. At magandang umaga, Pilipinas.

TULFO:  Sir, unahin ko na po at marami po ang nagtatanong – kailan daw po ba maibababa iyong ayuda para sa kanila dahil balita raw nila ay ibibigay pa lang ngayong araw sa mga LGUs, Secretary?

SEC. ROQUE: Inaasahan po natin sa lalong mabilis na panahon iyan. Itong linggo sana po, dahil iyan naman po ay ipinaubaya na ng Presidente sa mga mayor kung in cash or in kind, pero ang balita ko po karamihan ng mga Metro Manila Mayors ay magbibigay na po ng cash para mabilis. Alam po natin hindi sapat itong apat na libo kada pamilya, pero ito naman po ay ayuda, alam natin na hindi maibibigay lahat ng pangangailangan, ito po ay assistance lamang doon sa mga hindi po makapagtrabaho itong linggong ito at [hindi nakapagtrabaho] noong dalawang araw ng nakalipas na linggo ng Semana Santa.

TULFO:  All right. Ang susunod po nating isyu, Secretary, ay itong protocols. Hindi po ba ay may nag-trending at kayo mismo nagpaliwanag na ang lugaw ay essential, pagkain palusutin, pero kanino po bang responsibilidad ito, Secretary, na magpapaliwanag sa mga nasa checkpoint lalo na iyong mga nasa barangay kung ano ang mga essential at hindi essential, ano ang mga pupuwede at hindi pupuwede? Does it fall under the DILG or does it fall under the LGU, iyong explanations, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, responsibilidad na po ng lahat iyan. Nagsisimula po iyan sa akin na nagsasabi na nga po, nagpapaalala sa lahat na ang pagkain po ay essential, hindi dapat pinipigil at 24/7 at wala pong curfew naman kapag pagkain. Responsibilidad din po iyan ng mga LGUs dahil sila naman po talaga ang nagsu-supervise sa ating mga opisyales ng barangay. Dapat iyong mga barangay captain, pinagsasabihan po ng mga LGUs at iyong mga barangay captains, sila na po ang nagsasabi sa kanilang mga kagawad na nagpapatupad ng mga checkpoint. At siyempre po ang DILG, dapat pinauunawa din po iyan sa lahat ng mga mayor at mga elected nating mga opisyales. So sama-sama tayo sa panahon ng pandemya sa pagpapakalat ng mga impormasyon na tama at makakatulong sa ating mga kababayan.

TULFO:  All right. Over the weekend Sir, may tumawag po sa akin at humihingi ng tulong, kasi iyong kaniyang anak na isang frontliner, nurse po sa isang ospital ay nagka-COVID, nahawaan niya ang buong pamilya. Unfortunately, ang sabi daw sa kaniya ng hospital na pinagtatrabahuhan niya, 10% lang ang sasagutin ng employer. Tama po ba iyon, Sir? Eh iyong frontliner, did his job at nahawaan siya while doing, performing his duty, 10% lang ang sasagutin?

SEC. ROQUE:  Well, ang sagot po diyan is iyong para sa magkakasakit, mayroon po tayong mga PhilHealth packages na para sa mild, para sa moderate at para sa serious na hanggang 700,000 po iyong serious. Pero bukod pa po doon sa Bayanihan, makakakuha din po ng halaga ang mga health workers na nagkakasakit depende rin po kung mild, kung moderate or serious o kung namatayan po iyong pamilya.  Alam ko po, isang milyon sa pamilya ng mga namatayan pero graduated naman po iyong halaga na makukuha sa Bayanihan para po sa mga magkakasakit na mga frontliners.

TULFO:  So, hindi totoo iyong mga sinasabi ng mga hospital ngayon na mga frontliners nila na sasagutin nila iyong 10% lang, Secretary?

SEC. ROQUE:  Hindi po. Kasi mayroon pong package ang ating PhilHealth, kung mild po iyan ay 15,000, pero ang mild naman po hindi na kinakailangang magpa-hospital; tapos ang alam ko po ang moderate is 300,000, ang serious po ay 700,000.

TULFO:  Saan po sila puwedeng lumapit, Secretary, kapag nagkaganoon, kapag sinasabi ng kanilang employer na mga ospital o medical facility – ‘hindi, ang sagot lang namin is 10%’, kanino po sila puwedeng magsumbong, Secretary?

SEC. ROQUE:  Dapat po diyan i-file nila ang claim nila sa PhilHealth at ang hospital po dapat, sila na ang nangongolekta sa PhilHealth. Iyong ibang problema naman po kasi, iyong hindi nababayaran daw ng PhilHealth at pinag-usapan namin po iyan sa isang pagpupulong noong Sabado at nangangako naman po si Atty. Gierran na bibilisan nila iyong pagbabayad sa mga ospital.

TULFO:  All right, kambiyo po tayo ng isyu, Secretary, dito naman po tayo sa Julian Felipe, sabi po (garbled) Julian Felipe is part of Nansha island of China. So, ano na po ang mangyayari ngayon, because they are saying na it’s part of the Nansha Island, itong Julian Felipe which is about few hundred kilometers away from Bataraza, Palawan, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, malinaw po ang ating posisyon diyan. Mayroon na pong desisyon ang arbitral tribunal na wala pong legalidad iyong sinasabi nilang historic claims ng Tsina diyan sa West Philippine Sea at ilang mga isla ‘no. Pero siyempre po pinaninindigan ni Presidente iyong panawagan ni Secretary Lorenzana na respetuhin sana ang batas at kung pupuwede ay umalis na nga po diyan iyong mga barkong iyan. Pero sabi din po ng Presidente, hindi ito isang bagay na magsisimula ng digmaan sa panig ng Tsina at ng Pilipinas at umaasa siya na iyong ating pagkakaibigan ay magkakaroon ng isang mabilisang resolusyon dito sa insidenteng ito.

TULFO:  Pero papaano po, Secretary, may mga tanong dito ang ilan netizens natin kung hindi na uubra talaga ang diplomatic protest at ayaw na po talagang makinig ng China, Secretary?

SEC. ROQUE:  Ang sabi po ng Presidente, eh i-exhaust natin lahat ng mapayapang paraan at alam natin sa larangan ng international law na ang pagsisimula po ng isang giyera ay isang kriminal na gawain. Iyan po ay crime of aggression at wala po tayong plano na mag-resort sa isang digmaan sa insidenteng ito.

TULFO:  Actually, wala naman po talaga tayong kakayahan makipagdigma, Secretary, ‘di po ba?

SEC. ROQUE:  Iyon nga po iyong katotohanan, habang mino-modernize pa natin ang ating Hukbong Sandatahan.

TULFO:  Secretary, panghuli na lamang, about the Asian hate crimes may mga Pilipino na rin daw po, ayon kay Ambassador Romualdez, ang nabibiktima ng Asian hate crimes. Iyong isa nga na senior citizen, nagsisimba lang nagulpi. Ano po ang reaksiyon dito ng Palasyo, Secretary?

SEC. ROQUE: Ginagawa naman po ng ating embahada ang kanilang dapat gawin at ipinararating ang mensahe sa mga opisyales ng Amerika na dapat protektahan ang lahat ng tao na nasa teritoryo ng Amerika, lalung-lalo na po iyong ating mga kababayan na tina-target ngayon ng mga nagagalit sa mga Asyano.

TULFO:  Secretary Harry Roque, maraming salamat, Sir. Magandang umaga, please stay healthy and safe always, Sec.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga po at maraming salamat po.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)