Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Tony Velasquez & Danny Buenafe (Teleradyo – On the Spot)


BUENAFE: Sir, good morning – Danny Buenafe and Tony.

SEC. ROQUE: Good morning, Danny. At kumusta ka na po, Tony? It’s been a while. 

BUENAFE: Medyo nawawala iyong signal mo, sir ha. Nasa Malacañang ka ba o nasa bahay lang ba iyong background mo?

SEC. ROQUE: Nasa bahay lang po at mas malapit ang bahay sa Kongreso, para mamaya. 

BUENAFE: So, probably ang mainit na itatanong namin sa inyo, ano po ba ang expectation ninyo sa SONA mamaya ng Pangulo, Secretary Roque?

SEC. ROQUE:  WellSiyempre po ito po iyong kahuli-hulihang SONA ng Presidente, so inaasahan natin na magkakaroon po ng listahan ng mga nakamit ang ating Presidente sa nakalipas na limang taon. Pangunahin po siguro diyan na babanggitin niya ay iyong kanyang mga ipinangako na giyera laban sa ipinagbabawal na droga at saka doon sa laban sa korapsiyon, kasama na rin po iyong mga hakbang na ginawa natin doon sa pandemya na hindi naman niya akalain na talagang mangyayari sa kanyang termino.

Siguro po aaminin niya muli na talagang mas malala po talaga iyong problema ng droga kaysa sa kanyang inaasahan bilang isang kandidato. Pero ganoon pa man eh halos sisenta porsiyento na po ng ating mga barangay ay drug-free. At itong taon na ito, kalahati pa lang ng taon ay mayroon na tayong P60 billion-worth of drugs na nakumpiska. So ito po ay nagpapakita na talagang marami naman po tayong nagawa sa krusada o doon sa giyera laban sa ipinagbabawal na droga.

Pagdating naman sa korapsiyon ang problema kasi, wala naman po talagang barometer para sukatin. Ang mga nagawa niyang mga hakbang ay binuo nga po niya iyong Presidential Anti—iyong PACC para po sampahan ng kaso ang mga presidential appointees kung mayroong mga ebidensiya at katiwalian at saka iyong pagsisisante in a very public manner na lahat ng mga corrupt sa gobyerno, ke kaibigan, ke political ally o kung sino man. Iyong kanyang pagbabasa po ng mga pangalan ng mga sinisibak dahil sa korapsiyon, iyan po ay nagpapadala ng mensahe na bagama’t hindi po natatanggal tuluyan ang korapsiyon ay hindi po kinukonsinte ang korapsiyon at hindi po kabahagi ng polisiya ng gobyerno ang mga taong korap.

Tapos nandiyan po siyempre iyong golden age, ang tawag ko naman ay Renaissance of Philippine Infrastructure. Napakadami pong mga kalye ang ating nagawa sa kanyang administrasyon, hindi po ito bababa sa 30,000 kilometers. At pagdating po sa mga airport, nakakagulat po 214 airports ang naitayo natin sa nakalipas na limang taon at 451 sea port projects naman po ang ating nakamit.

Pagdating po sa pangako niya na ipamimigay ang lupa o bibigyan ng lupa ang mga walang lupa na ating mga magsasaka ay mayroon po tayong halos 230,000 ektarya na na-distribute na po sa mga kababayan natin na mga magsasaka. Nandiyan po iyong mga proyekto na ini-implement dahil po sa pandemya – iyong TUPAD na tinatawag, iyong AKAP na talaga naman pong bilyun-bilyon ang napamahagi natin sa ating mga kababayan na nawalan ng trabaho dahil po dito sa pandemya ‘no.

At nandiyan din po iyong kumbaga prutas ng mga batas na isinulong, kasama na po iyong ilang mga batas na isinulong natin noong 17th Congress na sinertify niya as urgent na napatupad na ngayon. Pangunahin po diyan iyong Universal Health Care siyempre po na sa ngayon po mayroon na tayong 109 million na mga Pilipino na miyembro ng PhilHealth at lahat nga po ng Pilipino ngayon ay miyembro ng PhilHealth. Nandiyan po iyong mga packages na naibibigay natin sa mga nagkakasakit ng COVID, iyong libreng PCR test na binibigay po sa mga mayroong sintomas, sa mga mayroong close contact at saka sa mga medical and economic frontliners. At siyempre kabahagi na rin po ng Universal Health Care iyong bakuna na tinuturok natin sa ating mga kababayan ng libre. At ito nga pong bakuna ang susi para lalo pa tayong makapagbukas ng ekonomiya at halos 17 million dose na po ang ating natuturok ngayon, ilang oras na lang bago po tayo mag-SONA.

BUENAFE: Secretary kasi medyo limitado ang oras natin. Siyempre alam ko naman po na talagang remaining months niya iyong COVID response, iyong corruption, drugs at saka mga DPWH projects ay ibibida po niya iyan. Will he tackle something sa part of the speech iyong mga political ho plans niya for next year?

SEC. ROQUE: Hindi ko po inaasahan na he will mention this in a major manner, siguro po padaplis ‘no dahil diyan po papasok iyong assessment niya kung mayroon pa talaga siyang unfinished business o wala. Pero sisentro po talaga ito sa mga naging achievements at saka iyong mga hihilingin pa sa Kongreso dito sa nalalabing sampung buwan ng Kongreso. Kasama na po diyan iyong pagbubuo po ng Virology Institute dahil kinakailangan po natin palakasin iyong ating kaalaman at kakayahan na harapin ang mga future pandemics ‘no.

Kasama na rin po diyan iyong pagbubuo ng Center for Disease Control nang maging institutionalized po iyong response natin sa darating na namang pandemya. At pagdating naman po doon sa ekonomiya, nandiyan iyong ating Foreign Investment Act na kinakailangang amyendahan; iyong public service act at saka iyong tinatawag na GUIDE. Ito po iyong GUIDE, ito po iyong batas na magpapabilis po ng pag-recover din ng ating mga kababayan dahil nga po dito sa pandemya.

VELASQUEZ: Sec. Harry, alam natin na nakapag-rehearse na si Pangulong Duterte ng kaniyang talumpati. Kapag nagri-rehearse po ba siya, nakakapanood kayo or nagbibigay kayo ng feedback kung paano niya dini-deliver iyong kanyang talumpati?

SEC. ROQUE: Hindi na po ngayon ‘no, kasi ayaw pangunahan siya. Noong minsan kasi na nag-SONA, hindi mo maiiwasan na mapapangunahan mo siya eh, pero talagang ayaw ko namang gawin iyon dahil this is his moment, this is his hour, his valedictory kumbaga ano. Pero I regularly consult naman po our speech writers at ang alam ko po every time magri-rehearse si Presidente ay nagkakaroon siya ng sariling revision. So he has undergone, at least four revisions po from the original version of the speech. Napaikli na po iyong speech. Dati po mga one hour and 20, ngayon po mahigit kumulang isang oras na lang po.

VELASQUEZ: Wow, depende siyempre sa delivery kung medyo mabagal or alam na ninyo malumanay iyong pagsasalita. So, in any of the four versions na nauna dito sa kanyang speech, wala naman po kayong – as iyong tinanong nga ni Pareng Danny – wala po kayong naririnig about his political plans ‘no for 2022?

SEC. ROQUE: Well, wala pa naman po talagang pinal na desisyon iyan; lahat po ay haka-haka, lahat po ay mga plano hanggang pagdating noong deadline ng pagsumite ng certificate of candidacy. And if we are going to go by precedence, hanggang Disyembre pupuwede pa po iyan dahil noon siya po ay tumakbo ay nag-submit din po siya noong Disyembre.

BUENAFE: So it’s not part of his speech. Siguro naman you have an advance copy of the SONA?

SEC. ROQUE: Talagang hindi po. Pero pupuwede naman pong mag-adlib din ang Presidente. Ang dati niyang kanyang ginagawa eh, nag-a-adlib din naman siya, kung ano ang nasa puso niya.

VELASQUEZ: Ang sabi lang po kanina, noong una po naming panauhin kanina, Sec. Harry, si Professor Antonio Contreras, ang sabi niya, doon sa tatlong inaasahan po niya sana na marinig niya doon sa talumpati ng Pangulo, ang pangatlo doon at siguro ang pinakamahalaga daw  ay iyong pag-usapan na iyong orderly and  peaceful political transition. Do you think that has a place in the President’s final SONA?

SEC. ROQUE: There will have to be a transition kasi wala naman pong re-election. So, tama po si Professor Contreras, ang posibilidad lang naman po ay tatakbo siya ng bise, pero wala pong posibilidad na magpapatuloy siya bilang Presidente. So, siguro po ang isa na inaasahan natin ay iyong magiging panawagan niya sa COMELEC, kung paano talaga magkakaroon ng eleksiyon, paano ngayon ang istilo ng pangangampanya, dahil nga po dapat iwasan natin ang mga super spreader events.

BUENAFE: Oo, pero sabi po ha, sabi po ni Professor Contreras, to attain political transition, it’s better for the President daw not to endorse anyone and just be a father to politicians, lahat ng kaalyado niya at siyempre no endorsement. So it’s better daw dahil it will only … kapag siya raw ay tumakbo it will only further divide the nation. Ano po ba ang pananaw ninyo doon?

SEC. ROQUE: Unang-una, never pong nangyari iyan sa kasaysayan ng Pilipinas. Mula po noong panahon ni Aguinaldo hanggang sa panahon po ni Noynoy Aquino, hindi po nangyari na walang inendorsong susunod na Presidente ang ating mga Presidente.

So, I think Professor Contreras is asking for the impossible, kung ang hinihingi niya ay huwag mag-endorso.  Pero kung ang hinihingi po niya ay huwag tumakbong Bise Presidente, well, iyan naman po ay nasa karapatan ng kahit sino, kasama po ang Presidente. At hayaan na natin ang [unclear] kung iyan po ay makakabuti o hindi sa ating taumbayan dahil ang sabi naman niya, tatakbo lang naman siya pagka-bise kung sa tingin niya ito ay kinakailangan ng sambayanan.       

VELASQUEZ: So habang kausap natin si Sec. Harry, Pareng Danny ha, alam natin na kasalukuyan ng nagbubukas ang regular session ng dalawang kapulungan po ng ating Kongreso. So ngayon nakikita natin sa kabilang channel, sa ABS-CBN news channel ay nagsasalita na po si Senate President Tito Sotto. Anyway, Sec. Harry, thank you. Thank you sa oras na binigay sa amin.

BUENAFE: Salamat sa oras, Sec. Harry. Thank you.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po. At alam po ninyo, huli ko na rin itong SONA bilang tagapagsalita. Nagpapasalamat po ako sa ABS-CBN, sa lahat ng istasyon na nagkaroon tayo sa pagpaparating ng mga importanteng mga impormasyon sa ating taumbayan, asahan ko rin po ang patuloy nating pagsasama sa nanatiling sampung buwan.

BUENAFE: Parang nararamdaman ko na tatakbo ka, Secretary Harry.

SEC. ROQUE: Hindi naman po, nagpapasalamat lang po talaga, dahil alam po ninyo itong pagiging Spokesperson at pag-a-attend ng SONA ay katuparan ng mga pangarap. Dahil noong ako po ay estudyante sa UP College of Law, ako po ay nagtrabaho sa Kongreso. At alam naman ninyo iyong mga staff, hindi rin pinapayagan na pumunta at manood ng SONA; nakikinig lang kami doon sa sound system. So, itong anim na SONA na na-attend-an ko po, dalawang beses bilang isang congressman, tatlong beses bilang tagapagsalita, ito rin ay katuparan din ng pangarap. At siyempre iyong ating pagganap ng katungkulan bilang Spokesperson, patapos na rin po, ay isang katuparan din ng pangarap.

Maraming salamat.

 

 

###

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)