Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Mike Abe and Jade Calabroso (SMNI – Usaping Bayan)


CALABROSO: Secretary Roque, si Jade po ito at si Mike Abe dito sa Usaping Bayan.

SEC. ROQUE: Yes. Magandang umaga, Jade at Mike. At magandang umaga Pilipinas.

ABE: Good morning, Secretary. Ano, handang-handa na ba kayo? Handang-handa na ba ang Pangulo? Kumusta ang umaga ng ating Pangulo, Mr. Secretary, ngayong araw na ito na mamaya nga magso-SONA?

SEC. ROQUE: Well, nakaapat naman pong rehearsal ang ating at nagkaroon din siya ng apat na revisions sa kaniyang talumpati. Pero ang huli po ay kahapon nga at tingin ko wala na pong revisions na mangyayari.

Inaasahan po natin mahigit kumulang isang oras iyong kaniyang talumpati at inaasahan nga po natin na magkakaroon siya ng summary ng mga nagawang achievements ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na limang taon at saka iyong roadmap na ipu-pursue natin dito sa susunod na sampung buwan na natitirang termino niya.

ABE: Okay. One hour mahigit so medyo parang maigsi. Anyway, hindi naman maiwasan, Secretary, kung minsan may mga adlib eh. Inyo bang—may sapantaha ba kayo na mangyayari ulit iyon, iyong mga ganoon na wala sa script, wala sa—biglang mayroong mga sinisingit ang Pangulo na katulad ng kaniyang dating ginagawa, Mr. Secretary?

SEC. ROQUE: Well, iyan na po talaga’y nakasanayan na niya ‘no. Pero dahil po talagang aktibo siyang nagri-revise ng kaniyang talumpati ‘no na apat na beses eh inaasahan naman po natin na more or less he will do read the speech as prepared ‘no dahil napakalaki po ng naging input niya by way of revisions.

ABE: So iyong tatlo po alam naman natin from day 1 noong 2016, tatlo iyong napakatinding nilalabanan, hanggang ngayon na talagang marami na, malayo na ang narating natin at nagtagumpay naman kahit paano. Pero nandiyan pa rin iyong ating laban sa korapsiyon, krimen at saka po illegal drugs. So iyan po ay kasama rin ba maliban po doon sa mga development lalo’t higit iyong Build, Build, Build Program, Mr. Secretary?

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po sabi ng Pulse Asia eh hindi po bumaba ang Presidente pagdating sa trust and satisfaction rating. Dati po 90-91 hindi raw po bumaba ‘no, halos hindi nagbago at ang eksplanasyon po ng Pulse Asia ay dahil nga ang tingin ng marami ay tinupad ni Pangulo ang kaniyang mga pangako noong kampanya kasama na po iyong giyera laban sa pinagbabawal na gamot at laban sa korapsiyon.

Bagama’t hindi pa po tayo 100% ng ating mga barangay ay drug free, almost 60% naman po ang naging drug free at inaasahan natin na tataas pa itong numero na ito dahil mayroon pa namang sampung buwan sa administrasyon na natitira ‘no.

At pagdating po sa korapsyon bagama’t wala pong barometer talaga kung gaanong ka-successful tayo sa pagtatanggal ng mga corrupt sa gobyerno, eh iyong katotohanan na pinakamalapit at pinakaaktibong supporters niya sa kampanya ang unang-unang natanggal sa gobyerno dahil sa tinatawag na whiff of corruption at saka iyong walang tigil na pagbasa ng mga pangalan ng mga sinisibak na opisyales sa gobyerno ay patunay na hindi po kinukonsinte at hindi bahagi ng polisiya ang magkaroon ng korapsiyon sa gobyerno.

At nakikita naman ito ng taumbayan sa pamumuhay mismo ni Presidente na hindi po nagbago – kung gaano kasimple iyong bahay niya noong simula ng kampanya ay ganoon pa rin po kasimple ang kaniyang tahanan sa Davao.

So tingin ko po tama po ang Pulse Asia ‘no, kaya po nananatiling pinagkakatiwalaan at satisfied ang taumbayan dahil sa pagtupad ng mga pangako.

ABE: Pagdating po sa foreign policy, Secretary, mayroon bang adjustment dito o anong palagay ninyo? Mababago ba or may kung anuman ang plano?

SEC. ROQUE: Oo, wala naman pong pagbabago iyon. Sa mula’t mula sinabi ni Presidente ng day 1 na hinding-hindi siya magbibigay ng teritoryo. Ang ginawa lang po niya ay habang pinaninindigan ang soberenya at ang teritoryo ng Pilipinas ay isinulong niya iyong mga bagay-bagay na pupuwedeng maisulong gaya ng kalakalan at iyong pamumuhunan.

At ito naman po ay naging tagumpay dahil nagkaroon po tayo nang mas malapit na relasyon sa lahat ‘no, wala po tayong kaaway at wala po tayong kinikilingan na kahit sinong bansa. Ang sinusulong po natin ngayon ay iyong pangnasyonal na interes ng ating bayan.

ABE: Okay. Kung mayroon idea, Secretary, at puwede nating malaman ay ayaw naman nating pangunahan ang Pangulo. Ano ho sa palagay ninyo ang mga hihilingin ng ating Pangulo sa ating Kongreso sa huling yugtong ito, sa huling taong ito na kailangan pa ng kaniyang administration, ng ating pamahalaan na mga panukalang batas – both Congress and Senate? Kung mayroon man, ano po iyon kung sakali?

SEC. ROQUE: Well, nangunguna po diyan iyong hinihingi niyang Virology Institute ‘no dahil ito po’y magpapalakas ng ating kakayahan para supilin nga po iyong mga pandemya na nangyayari ‘no kasama na po itong COVID-19. Kasama din po diyan iyong pagbuo ng Center for Disease Control kasi kinakailangan na magkaroon tayo ng institutional response talaga sa mga pandemya ‘no.

At sa larangan ng ekonomiya po, nandiyan iyong pagrebisa po ng ating Public Service Act, iyong pagrebisa ng ating Foreign Investment Act at saka iyong isang panukalang batas po na magpapalakas ng response ng gobyerno pagdating po doon sa mga negosyo na nagkaroon po ng economic distress – ang tawag po dito iyong GUIDE Bill na tinatawag.

ABE: Okay. Well, Secretary, si Partner Jade may mga dagdag pong tanong sa inyo. Partner, si Secretary Roque.

CALABROSO: Hello po, Secretary. Magandang umaga po. Secretary, sa limang taon po na panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, alam po namin na marami po ang mga nagawa ni Pangulong Digong. Puwede po ba ninyong masabi sa amin kung ano iyong pinaka-top 5 po ninyo na masasabi mong tatak Duterte? ‘Pag sinabi mo itong proyektong ito, Duterte ang gumawa nito.

SEC. ROQUE: Well, mayroon po akong favorite kasi ito po iyong mga panukalang batas na isinulong natin noong tayo po’y nasa Kongreso pa ‘no: Unang-una po, iyong Universal Healthcare ‘no na naglalayong magbigay po ng libreng pagamot at libreng gamot sa lahat. Sa panahon ng pandemya, iyan po nagbibigay sa atin ng libreng PCR test at saka iyan din po nagbibigay sa atin ng mga packages ng COVID; 109 million Filipinos na po ngayon ang miyembro ng PhilHealth dahil dito. Nandiyan din po iyong libreng tuition sa lahat ng state universities and colleges at milyung-milyong mga kabataan na po ang nakikinabang diyan. Iyong libreng patubig po ‘no, halos isang milyong mga magsasaka ngayon po ang nakikinabang sa libreng patubig hanggang limang ektaryang lupain. At saka mayroon na po tayong sampung libong mga libreng Wi-Fi hotspots ‘no.

So ito po iyong mga achievements na hindi talaga pupuwedeng mabale-wala at ito po’y magiging kabahagi ng Duterte administration.

Siyempre nandiyan din po iyong pandemic response. Alam ninyo po bagama’t pinupulaan tayo eh ang katunayan naman po number 23 po tayo pagdating sa active cases, number 30 po tayo pagdating sa active cases—total case po iyong number 23, nasa number 130 po tayo pagdating ng cases per 100,000 na persons ‘no at ang ating case fatality rate po ay 1.7 eh napakababa po kung ikukumpara natin doon sa world average na 2.1; at kung hindi po ako nagkakamali, parang nasa number 87 tayo pagdating sa [garbled] rate.

So kahit ano pa pong pagpupula nila, nandiyan po iyang mga ranking na ginagawa ng Johns Hopkins at sa katunayan pagdating po ngayon sa active cases eh pang-anim na lang po ang Pilipinas sa South East Asia – pang-anim na lang po tayo ‘no! At nandiyan din po iyong napakalaking strides na nakamit natin pagdating doon sa pagpapalakas ng ating testing ‘no. Nagsimula po tayo, iisa lang ang ating PCR test, ngayon po mahigit 235 na ‘no. At siyempre iyong bakunang pinamimigay nating libre sa ating taumbayan, malapit na po tayong mag-17 million. Ito po ay sa kabila ng katotohanan na sa simula ay halos wala po talaga tayong makuhang bakuna na galing sa mga developed countries.

CALABROSO: So, kung gagraduhan po ninyo ang Pangulo, Secretary, mula uno hanggang sampu, ano pong grado ang ibibigay po ninyo sa ating Pangulo?

SEC. ROQUE: Ang ibibigay ko po ay 87 ‘no. At sanay naman tayo bilang naging propesor sa UP ng 15 taon, 87% po ang ibibigay natin kay Presidente.

CALABROSO: Okay. Maisingit ko lang po, Secretary, marami daw na panukala na hiniling si Pangulong Duterte na hindi pa pasado. Ano po iyong masasabi ninyo dito?

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo naman kasi mayroon po talaga tayong separation of powers at hindi naman natin talaga tuluyang madidiktahan ang Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Pero by and large, lahat po ay importante: Iyong Tax Reform; iyong ating Rice Liberalization Act at saka iyong Ease of Doing Business ay naipasa naman po ng ating Kongreso bagama’t ito po ay talagang kontrobersyal ‘no.

So, lahat naman po iyan ay makakatulong sa pagbangon ng ating ekonomiya at ito rin po ay naging dahilan kung bakit naging napakalakas ng ating ekonomiya bago po tayo mabiktima nitong pandemic na ito.

CALABROSO: May tanong pa po dito, Secretary. Sabi, nananalo po ba daw ang Pilipinas dito po sa war on drugs? Alam po natin na isa ito sa mga biggest accomplishment ng Duterte Administration.

SEC. ROQUE: Well, nandiyan po ang datos ‘no. Halos 60% na po ng ating mga barangay ang drug-free at itong kalahating 2021 mahigit 50 billion na po na halaga ng droga ang ating nakalap. Iyan po ay kalahati pa lang ng taon.  So, makikita po na basta binigyan ng prayoridad itong laban sa droga ay nagkakaroon naman po ng gains ang gobyerno.

CALABROSO: May isa pa po dito, Secretary. Kasi ang issue ng korapsiyon ay talagang pinag-uusapan na rin ngayon dahil nga sa mga ilang mga mambabatas ang nag-e-expose nito. Sa inyo pong pananaw, nasupil na po ba natin ang katiwalian sa ilalim po ng Duterte Administration?

SEC. ROQUE: Alam ninyo, patuloy pa rin ang korapsiyon. Iyan po ang malungkot na katotohanan pero wala pong makapagsasabi na ang Presidente ay kinukunsinti ang korapsiyon. Siya lang po talaga iyong regular na pina-publicize ang mga pangalan ng mga sinisita. Ito po iyong tinatawag na shaming campaign dahil ipinararating po agad ni Presidente na hindi katanggap-tanggap sa kaniya ang korapsiyon sa gobyerno.

CALABROSO: Okay. Isa pa po dito, may mga katanungan lang po, Secretary. Iyong pangako po daw na independent foreign policy ng Pangulo, ito ho ba ay natupad na?

SEC. ROQUE: Iyan po ay natupad and in fact, nagkaroon po tayo ng napakalaking return sa ating independent foreign policy dahil nga noong nagkaroon ng pandemya, kung tayo po ay umasa sa ating tradisyunal na mga kaibigan ay hindi po tayo makakaabot ng halos 17 million na nabakunahan na sa ngayon.

Dahil nga po sa independent foreign policy natin nakakuha tayo ng bakuna sa mga dati-rati hindi natin kinakaibigang mga bansa ano, kagaya ng bansang Tsina at saka bansang Russia. Kung tayo po ay umasa lamang sa mga bakuna na galing sa mga tradisyunal nating kaalyado kagaya ng Amerika, eh, ngayon pa lang po tayo magsisimula ng bakuna natin.

Pero ang katotohanan po, ngayong papasok na ang bulto ng mga supply galing sa Estados Unidos eh mayroon na tayong mahigit 16 million (16,426,267) na nabakunahan na ng iba’t-ibang klase ng mga bakuna. Ito po ay 16 million na proteksiyon na naibigay na natin sa ating mga kababayan laban dito sa COVID-19.

Iyan lang po ay nagpapakita na epektibo iyong polisiya ng Presidente na tayo ay kaibigan ng lahat at hindi po tayo kaaway ng kahit sinuman.

CALABROSO: Si partner Mike Abe po ay ibabalik ko lang muna para sa karagdagang mga katanungan lang po.

ABE: Pahabol ko lang siguro, Secretary, alam mo napaka-busy ni Secretary at saka mamaya tatakbo na rin iyan papunta na rin ng Kongreso iyan eh. Secretary, hindi ba nangangailangan ang Pangulo, ang Malacañang, ang Executive Department, ng additional budget or supplemental budget para dito sa ating laban sa COVID? Alam naman natin, hindi naman ho kaila iyong issue ng Delta variant ay tumaas eh. 1-1-9, 119 sa ilang araw lang, so, parang tumataas na naman. Kung kailangan ba ang budget or sapat iyong kasalukuyang pondo ng ating Executive Department, Secretary?

SEC. ROQUE: Ilang buwan na lang po ay isusumite na rin ng ating Presidente ang kaniyang proposed budget para sa huling taon niya sa kaniyang pamumuno at inaasahan natin kung ano iyong kakulangan doon sa 2021 budget para sa COVID ay mai-include dito sa bagong budget.

Now, pagdating naman po doon sa Bayanihan 1 and 2, nakita naman po natin na 1% lang naman po ang hindi pa nagastos diyan ng mahigit 660 billion po ang nai-release at nagastos natin para sa pandemic response.

So, tinitingnan lang po natin kung sapat naman iyong pondo na nakapaloob sa 2021 Budget at kung hindi po ito sapat eh saka po tayo hihingi ng supplemental budget.

ABE: Well, tulad ng sinabi ko, alam kong busy po kayo, baka mayroon pa kaming hindi natatanong o kaya apela tungkol dito ho sa ating variant problem na ito, nasa inyo po ang pagkakataon dahil tayo po ay napapanood nationwide at sa labas – iyong Delta issue, sir. Secretary, kayo as spokesperson po ng Malacañang paki-ano po, kung ano ang inyong appeal para tayo ay makaligtas sa pandemic na ito dito po sa isyu na ito ng Delta?

SEC. ROQUE:  Well, hindi po natin maikakaila na mas nakakahawa at mas nakakamatay itong Delta variant na ito kaya bilang kasagutan, kinakailangan mas paigtingin natin ang ‘Mask, Hugas, Iwas’ at doon sa mga pupuwede na, magpabakuna na po tayo.

Dahil ito na rin po ang huli kong State of the National Address bilang isang tagapagsalita ng Pangulo, nagpapasalamat po ako sa SMNI, kay Pastor Quiboloy, sa ating naging samahan, at inaasahan ko po ang lalong mas malapit pa nating samahan sa natitirang buwan ng administrasyon ng Pangulong Duterte.

Muli po, sa ngalan ng Office of the Presidential Spokesperson, sa lahat ng aking mga kawani, maraming-maraming salamat po sa SMNI at sa media. At may we see each other again po in the next SONA in whatever capacity we will be in. Maraming salamat po, partners.

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)