Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Mela Lesmoras (PTV 4)


LESMORAS:  Ngayon ay kasama natin si Presidential Spokesperson Harry Roque para sa iba’t ibang updates.

SEC. ROQUE:  Magandang araw po sa inyong lahat at magandang araw sa iyo, Mela.

LESMORAS:  Opo. Sir, unahin po natin. Ano po ba, ito po kasing PhilhHealth ang isa sa malalaking isyu ngayon, ano po ang latest statement ni Pangulong Rodrigo Duterte dito sa PhilHealth? At ano po bang updates sa inyo, siya (PhilHealth Chief Morales) po ba ay nag-resign na or hindi pa po?

SEC. ROQUE:  Well, narinig naman po natin ang sinabi ni Presidente na sa natitira niyang panahon na dalawang taon, igugol niya ito para linisin ang hanay ng PhilHealth nang sa ganoon ay maipatupad nang tama iyong ating batas na isinulong na universal healthcare o libreng gamot at libreng pagamot sa lahat.

LESMORAS:  Sa Malacañang lang po, ano iyong nakikita nating qualifications nang dapat pumalit kay General Morales para once and for all, mapigilan na itong isyu ng mga anomaly dito sa ahensiya?

SEC. ROQUE:  Wala pa naman pong vacancy diyan, pag-usapan na lang po natin kapag nagkaroon na ng vacancy. Pero ang Presidente po, dati ko nang sinasabi, zero tolerance po iyan para sa corruption – dapat malinis, walang bahid ang pagkatao, dapat po may managerial skills at dapat marunong magbantay ng kaban ng bayan. Dahil kung hindi babantayan, talaga pong napakalakas ng temptasyon para ubusin iyang kaban ng bayan para sa personal na interest.

LESMORAS:  Opo. And, sir, speaking of President Duterte, isa nga sa mga naging isyu ngayon sa kaniya ay ang kanyang kalusugan matapos nga iyong sinabi niya na huwag nang uminom kasi daw iyong Barrett (esophagus) niya ay nearing stage one sa cancer. Once and for all, sir, palinaw rin po: Kumusta ang kalusugan ni Presidente at bakit po kaya niya ito nasabi?

SEC. ROQUE:  Dati na po iyang sinabi ng kaniyang doctor na naging dahilan naman na mula noong siya ay naging Presidente ay itinigil na po niya ang pag-iinom. So, sa tingin ko po, the President did right by heeding the doctor’s advice; at dahil he heeded the doctor’s advice, this is the reason why his health is okay.

LESMORAS: Opo. Sir, iyong ilan nating kababayan ay nagtatanong lang din, kasi nga alam naman natin na nasa Davao si Pangulong Duterte at kino-connect nila na baka nga kaya, kaya nasa Davao ang Pangulo ay dahil may sakit siya? Para lang po malinawan, ano po ang masasabi ninyo rito?

SEC. ROQUE:  Well, unang-una po nakita naman po ng ating mga kababayan ang estado ng kalusugan ng ating Presidente, ito po ang dahilan kung bakit regular siya na nagbibigay ng mensahe sa ating mga kababayan linggo-linggo. Siguro po nasa Davao lang siya dahil, number one, talaga namang siya ay taga-Davao. Number two, mayroon naman po tayong tinatawag na Panacañang doon na nagsisilbing tanggapan at opisina ng Office of the President sa Mindanao. Hindi po siya ang nagpagawa niyan; si President Gloria Macapagal-Arroyo ang nagpagawa niyan, bagama’t siguro iyong mga panahon na iyon ay hindi naman naisip na mayroon talagang presidente na manggagaling sa Davao.

So, kahit na nasaan naman po ang Presidente, tuluy-tuloy po ang trabaho niya. Kung nandito po sa Malacañang, nasa Malacañang Palace; kung nasa Davao, nasa Panacañang po siya.

LESMORAS:  And, sir, ito, panghuling topic na lang natin. Kasi alam naman natin maraming nagluluksa nating mga kababayan at nalulungkot sa nangyari sa Jolo, Sulu. Ano po ang mga latest orders ni Pangulong Duterte kaugnay sa insidente? At dadalaw po kaya siya doon sa Jolo anytime soon?

SEC. ROQUE:  Malinaw po ang naging instruction ng Presidente: Imbestigahan at bigyan ng katarungan ang mga nasawi at nasaktan diyan sa insidenteng iyan. Iyan po ay isang akto ng terorismo, hindi po iyan pababayaan ng Presidente na hindi maparusahan iyong mga nagkakasala diyan. Asahan po ninyo na bibigyang katarungan ng Presidente natin ang mga namatay, nasugatan, at lalabanan po ang mga terorismo at terorista diyan sa Sulu.

LESMORAS:  Opo, dadalaw po kaya siya doon, sir?

SEC. ROQUE:  Alam mo, napakahirap ng panahon, so pabayaan na natin na magplano ang Presidente. Pero pandemya at saka medyo magulo diyan sa Sulu, so pabayaan na po natin, kung dadalaw, dadalaw; kung hindi po, naiintindihan natin.

LESMORAS:  Opo, sir, ano na lang po ang stand ng Palace sa hiling nga o panawagan ng ating mga security forces na baka it’s about time na mag-declare nga ng martial law sa Sulu after the incident?

SEC. ROQUE:  Iyan naman po ay pinakikinggan o pakikinggan ng ating Presidente. Siguro hinihintay lang niya ang opisyal na report at request ng ating kapulisan at kasundaluhan, at iyan naman po ay kinukonsidera ng ating Presidente, subject siyempre doon sa legal and factual basis. So, kapag ang report naman ay nagtugma na sapat na dahilan ito sa martial law, ikukonsidera naman po iyan ng Presidente.

LESMORAS: Okay, maraming salamat po, Presidential Spokesperson Harry Roque. Magandang araw po.   

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)