Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Mariz Umali (GMA 7 – Unang Hirit)


UMALI: Magandang umaga po, Secretary Roque.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga, Mariz. At magandang umaga, Pilipinas.

UMALI: All right. Una po sa lahat, Secretary, pinayagan na pong lumabas ang mga senior citizens na fully vaccinated na sa GCQ at MGCQ areas. Ano po ba ang kailangan nilang ipakita?

SEC. ROQUE: Well, para sigurado, dalhin lang po nila iyong kanilang vaccination card na nagpapatunay na tapos na sila ng dalawang bakuna. At dahil pupuwede naman silang mag-point to point na travel, inter-zonal, kinakailangan kung sila ay magbabakasyon point to point, kinakailangan ay sumunod din sila doon sa mga guidelines na iisyu ng ating Department of Tourism.

UMALI: All right, pinapayagan na rin po iyong 30% capacity sa mga gyms, skating rinks, sports courts at sa NCR plus po iyan. Pero kailangan daw ng safety seals certification. So para po doon sa mga may-ari ng mga ganitong businesses, paano po ba makukuha iyong ganiyan ng mga establisiyemento pong ito, Secretary?

SEC. ROQUE: Ang safety seal po ay iniisyu po iyan ng Department of Trade and Industry, in collaboration with the Department of Health. Kinakailangan pong masunod iyong minimum health protocol sa loob at kinakailangan lalung-lalo na ay gawan nila ng paraan iyong kanilang ventilation nang sa ganoon po ay mas mababa iyong risk ng hawaan sa COVID-19. Alam po rin natin na talagang hanggang 30% lang po ang mga gym, pero uulitin ko po bagama’t pinayagan na ang mga gym kinakailangan mayroong safety seal. Kung wala pong safety seal ay hindi pa po pupuwedeng magbukas ang isang gym.

UMALI: Sabi po ni DTI Secretary Ramon Lopez, Secretary, ilulunsad iyong digital COVID-19 vaccination ID para sa mga bakunado na. Pero may mga agam-agam na baka discriminatory po ito at paglabag sa privacy. Secretary, your thoughts on this?

SEC. ROQUE:  Well, nagkaroon na po ng decision ang ating Korte Supreme tungkol sa privacy ‘no. At iyong sabi naman ng ating Korte Supreme, basta naman mayroong garantiya na hindi magagamit sa ibang pamamaraan iyong mga impormasyon na iyon ay hindi po siya violative of the right to privacy. At ito naman pong datos na kukunin natin para sa pagbabakuna, ito ay para masigurado lang talaga na unang-una bakunado na iyong tao at nang sa ganoon mabigyan siya ng mga, kumbaga, liberties na binibigay natin ngayon sa mga fully-vaccinated individuals.

UMALI: And speaking of discrimination, Secretary, itanong ko lang po and linawin ko lang iyong tungkol doon sa mga senior citizens na papayagan na, na fully vaccinated. Hindi po ba discriminatory ito doon sa mga hindi pa vaccinated na hindi naman papayagan pang lumabas?

SEC. ROQUE: Hindi po. Sa tinatawag nating equal protection clause, mayroon naman pong genuine basis for distinction doon sa mga nabakuna na at doon sa walang bakuna. Ang bakunado na po, mayroon ng proteksiyon laban sa seryosong pagkakasakit o ‘di naman kaya pagkakamatay laban sa COVID-19. Samantalang ang mga wala pang bakuna na seniors ay the most vulnerable diyan sa sakit na iyan.

UMALI: It’s for the protection anyway.

Secretary, ayon naman po sa OCTA Research, pababa na po ang mga kaso sa NCR Plus, puwede na po kaya tayong grumaduate sa pinakamaluwag na MGCQ? Secretary, I understand na it really depends on the IATF, pero base po doon sa napapag-usapan sa ngayon, ano po iyong lumalabas, Secretary?   

SEC. ROQUE: Sa tingin ko po, hindi pa pupuwedeng mag-MGCQ. Dahil bagama’t bumaba na po ang ating reproductive rate, bumaba po ang ating healthcare utilization rate at hindi nga po siya even moderate risk ‘no, no risk at all. Ang problema po, mataas pa rin iyong actual numbers, hindi pa po tayo nakakabalik doon sa mga numero natin bago pumasok ang mga new variants. Bago kasi pumasok iyong mga new variants natin ay nasa 1,000 a day lang ang Metro Manila at hindi pa nga tayo umabot sa MGCQ iyong mga panahon na iyon. So ang nakikita ko po ay ordinaryong GCQ, pero sa tingin ko po mukhang malabo pa iyong MGCQ, Pero sabi ko nga ‘no, mamaya po ang pagpupulong ng IATF, at inaasahan natin masasapinal iyong kanilang rekomendasyon sa Presidente.

UMALI: So iyong normal na GCQ na po kaya ang ipatutupad, Secretary, although sinabi ninyo na mamaya pa po iyong pagpupulong, pero most likely po ba ito iyong mapapatupad?

SEC. ROQUE: Mukha naman po, kasi mayroon naman po tayong criteria, iyong two-week attack rate, daily attack rate at saka iyong healthcare utilization rate.

UMALI: All right. Secretary, tumataas din po kasi iyong mga kaso ng COVID-19 sa iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao.  I understand na tuluy-tuloy naman po iyong mga hakbang ng pamahalaan o ng gobyerno para rito. Pero ano pa po kaya iyong dagdag na puwede nating gawin para masiguro  na maabatan na iyong patuloy pang pagtaas  ng mga cases sa probinsiya po?   

SEC. ROQUE: Well, itinaas na nga po ng IATF into MECQ iyong ilang mga lugar sa Visayas at sa Mindanao. At ngayon nga po, mayroong mga apela na mas itaas pa iyong mga quarantine classification ng ilang mga lugar na ito. Ito po ay apela na na galing sa mga LGUs; ang gusto po nila ay ECQ. So iyan naman po ay ikukonsidera mamaya. At ipinangako na rin po ng ating ating Vaccine Czar na bagama’t mayroon tayong binibigyan na sistema kung saan iyong kuta ng COVID na Metro Manila plus area ay nabibigyan na ng mahigit-kumulang kalahati ng mga bakuna, ay nangako na rin po ang ating Vaccine Czar na iyong mga areas kung saan tumataas ang mga kaso ay mas mabibigyan din nang mas marami pang mga bakuna.

UMALI: Secretary, hingi na rin po kami ng latest tungkol po sa mga international flight papuntang Cebu pero diverted sa NAIA?

SEC. ROQUE: Well, that was until yesterday po. So ngayon po in the absence of any new circular from the Executive Secretary, I supposed po ay tuloy na po ang flight sa Cebu at hindi ko pa po alam kung ano ang magiging mangyayari diyan sa ating mga flight protocols, kasi naintindihan ko naman na iyong arrival protocols sa Cebu po ay dahil naman po sa isang ordinansa. So hindi po iyan mababawi ng isang Governor lamang, pero at the same time, iyon nga pong position ko as a Spokesperson ay dapat mapatupad iyong mga polisiya ng IATF. So, I think po the matter is within the cognizance of the President, dahil nagpatawag naman po ng pagpupulong si Presidente, pinatawag po si Governor Gwen Garcia at sabi po ng Presidente at that time ay dapat magbigay ng critique ang DOH at iyon po iyong last na on the matter. So hintayin po natin ang desisyon ng ating Presidente.

UMALI: All right. Secretary, may utos na rin po ang IATF tungkol sa inbound international travel na fully vaccinated dito po sa Pilipinas. Ayon po sa IATF ay pinapayagan na rin po ang inbound international travel saanman sa bansa ng mga fully vaccinated sa Pilipinas. So dapat ay may vaccination card na iniisyu ng DICT or City Health Officer. Lahat po ba ng dumarating ng fully vaccinated sa Pilipinas ay sasailalim pa rin po sa 7-day quarantine? Puwede po bang pakipaliwanag po ito, Secretary?

SEC. ROQUE: Medyo nagkaroon lang ng hindi pagkakaintindihan. Hindi po ito mandatory. Kung wala po kayong vaccination card at kayo po ay fully vaccinated sa Pilipinas ay hindi naman kayo kinakailangang mag-comply. Kaya nga lang 10 days quarantine pa rin kayo, tapos 4 days sa bahay. Pero kung gusto ninyong mapaikli at maging 7 days iyan, kinakailangan ay ipa-verify ninyo iyong inyong vaccination card bago pa kayo umalis nang kayo po ay maging entitled doon sa  7 days quarantine.

UMALI: All right. Secretary, medyo maiba naman po tayo nang kaunti. Inilabas na po kasi ng 1Sambayan iyong napipisil nilang pambato sa eleksiyon sa 2022. Ano po ba ang reaksiyon ng adminsitrasyon po rito?

SEC. ROQUE: Well, unang-una nga hindi talaga ako nag-reac, kasi hindi ko alam kung sino ang tatanggap. But finally, after the weekend, eh dalawa lang naman po yata ang tumanggap – si VP Robredo at saka si dating Senador Sonny Trillanes. So I wish them the best of luck, pero mukhang mahirap talaga ang kawsa ng 1Sambayanan kasi karamihan ng kanilang ni-nominate ay tumanggi ng nominasyon.

UMALI: I-follow up ko na rin po. Nagkaroon po ba ng pag-uusap si Presidente Duterte at si Willie Revillame, iyong host po ng Wowowin, of course, kasi inimbitahan po siya ng Pangulo na sumanib po sa senate slate?

SEC. ROQUE: Kinukumpirma ko po iyan at doon sa video na nakita ko rin, hindi lang siya naimbitang senador, bandang huli ng video sinabi rin niya na dapat maging Presidente ka.

UMALI: How about meeting with Manny Pacquiao? May nakikita po ba tayo na anytime possible pong mangyari iyon?

SEC. ROQUE: Iyan po kasi ay directed sa Appointments Office. At doon sa kalendaryo na naibigay sa akin ay wala pa naman po akong appointment na nakikita.

UMALI: Maraming, maraming salamat po, Presidential Spokesperson Harry Roque. Ingat po kayo.

SEC. ROQUE: Maraming salamat, Mariz. At magandang umaga po, Pilipinas.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)