Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo (Radyo Pilipinas – Tutok Erwin Tulfo 2.0)


TULFO: Magandang umaga, Presidential Spokesperson Harry Roque, sir.

SEC. ROQUE: Magandang umaga po. Pareng Erwin, maraming salamat! Tama po iyan, ngayon ay nagkaroon tayo ng ECQ, nagkaroon ng GCQ, pero lilinawin ko po. Itong rekomendasyon na inaprubahan ng Presidente, epektibo po lahat iyan pagdating ng Mayo 1. Sa ngayon po, as is, where is tayo hanggang Abril 30. Pero doon sa mga areas na tayo po ay patuloy pa rin sa ECQ, hanggang Mayo 15 ECQ tayo. Ang ibig sabihin, iyong mga areas under GCQ, epektibo po iyan Mayo 1.

TULFO: So May 1 magti-take effect kung ikaw ay wala na sa ECQ, hindi ka na kabilang sa ECQ, ay ibababa ka na sa GCQ, Secretary?

SEC. ROQUE: Tama po, tama po, at iyan na po ang magiging new normal. Hindi na po tayo magkakaroon ng ibang regime kung hindi GCQ. At sa ilalim ng GCQ, marami nang mga industriya na pupuwedeng magbukas bagama’t sarado pa rin ang mga eskuwelahan, ang mga amusement, ang mga turismo; at ang konstruksyon ay pag-aaralan ho kung alin talaga iyong talagang mapu-pursue; at limitado pa rin po ang public transportation; kinakailangan mayroon pa rin social distancing.

TULFO: May mga nagtatanong sir, kasi narinig ko kanina, puwede nang buksan iyong mall kung ikaw ay nasa GCQ na. Anu-ano raw po ba ang pupuwede diyan sa mall na iyan na buksan kasi may kaibigan ho ako na may-ari ng isang establisyimento sa isang mall dito po sa Mindanao? Pinapatanong niya kung iyong sa kaniya po ba ay … may beauty parlor ho siya, kasama po ba iyan sa, ‘ika nga, essential, pagpapagupit ng buhok, tulad ng mga restaurant, Secretary?

SEC. ROQUE: Hindi pa po. Ang kasama lang po ay iyong mga supermarkets, drugstores, mga bangko, laundry service, restaurant at hardware sa loob ng mga mall.

TULFO: All right. Ano naman daw ho—sir, nabanggit ninyo kanina, “workers under categories 1, 2 and 3.” Ano raw ho ito?

SEC. ROQUE: Well, ito po iyong mga industriya na pupuwede nang magbukas ‘no dahil iyan po ay by industry. Sa GCQ effective May 1 po—uulitin ko po, effective May 1 lang ito: Ito po iyong agrikultura – 100%, agrikultura, fisheries, forestry, food manufacturing and entire supply chain, iyong food retail, iyong healthcare, iyong logistics, iyong water, energy, internet, telecoms at media.

Tapos, iyong 50 to 100%: Iyong ating manufacturing, then electronic, then export, iyong e-commerce and delivery for essential and non-essential items, repair and maintenance services, housing and office services.

Tapos, mayroon tayong mga industriya na puwedeng 50% from work, onsite and 50% from home: iyong financial services, BPO, other leisure wholesaler and retailer trade, and other non-leisure services.

Pero 100% closure pa rin po sa GCQ iyong mga eskuwelahan. Ang pinakamaaga pong puwede silang magbukas ay Setyembre. Iyong leisure, amusement, gaming, fitness, skill industry, tourism, lahat po ng mass gatherings kasama na iyong religious at conferences, iyong mga malls na subject to my explanation at saka iyong mga construction na limited opening po.

TULFO: All right. Pati iyong, ‘ika nga, mga religious services sir, sa GCQ, puwede na bang simulan nila iyong kanilang Sunday service or Saturday service or kung anumang araw naman sila, ‘ika nga, may service?

SEC. ROQUE: Hindi pa rin po. Maski under GCQ, hindi pa rin po.

TULFO: Ah hindi pa rin, all right. Sec., panghuli na lamang na katanungan. Nabanggit ninyo kanina, restaurants sa mga mall. So puwede na or take out pa lang din or pupuwede nang mag-dine in ang mga kababayan natin, iyon nga lang mayroong social distancing?

SEC. ROQUE: Hindi pa rin po. Kailangan ano lang, take out or for delivery lang po.

TULFO: Ayun, all right. Sir, pangalawang katanungan, iyong sinabi ng Pangulo na mapupuwersa siyang magdeklara ng martial law kung hindi titigil ang grupong NPA o komunistang grupo sa pag-atake sa mga militar, pulis at lalung-lalo na iyong mga may dalang mga relief goods, Secretary?

SEC. ROQUE: Iyan naman po ay talagang malinaw sa sinabi ni Presidente, sang-ayon po iyan sa ating Saligang Batas. At iyan po ay hindi lamang salita, hindi lang po banta iyan; puprotektahan po talaga niya iyong mga taong gobyerno na namimigay ng ayuda sa panahon ng pangangailangan.

TULFO: May banta rin po siya, mayroon po siyang abiso doon po sa mga, ‘ika nga, front ng New People’s Army, ng Communist Party of the Philippines, na huwag siyang subukan yata, parang ganoon, Secretary? Ano ho ba iyong kaniyang mensahe sa kanila?

SEC. ROQUE: Eh kasi nagiging trend po ngayon ang NPA, nag-aatake ng mga nagdadala ng ayuda sa taumbayan. So hindi po iyan papayagan ng gobyerno dahil  alam natin na mahirap na nga ang buhay ng tao under ECQ, hindi po dapat dagdagan ang kahirapan dahil sa mga pag-atake ng NPA na nagiging dahilan na hindi matanggap ng taumbayan ang ayuda na galing sa gobyerno.

TULFO: All right. Panghuli na lamang, Secretary. Sinasabi may pondo ho raw tayo sabi po ng Pangulo. Pero the problem is, saan ho kukuha eh wala hong nagbayad ng income tax nitong April? Wala tayong other source of income kung hindi iyong mga na-save natin last year, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, sa ngayon naman po ay mayroon pa tayong savings ‘no at mayroon naman pong kapangyarihan na mag-realign ng pondo ang gobyerno; siguro po iyong ilang mga proyekto ng DPWH ay maaantala muna. At mayroon naman po tayong puwedeng utangan dahil malakas naman po ang ating ekonomiya; we have a good credit risk. So tayo po ay nakautang na sa ADB, sa World Bank at sa AIIB.

TULFO: All right, okay, malinaw. Secretary Harry Roque, Presidential Spokesperson, sir, marami pong salamat ha ulit at please stay healthy.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po. Stay healthy. Mabuhay po ang Pilipinas!

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)