Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo (Radyo Pilipinas – Tutok Erwin Tulfo 2.0)


TULFO: Magandang umaga, Secretary Roque, sir.

SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pareng Erwin. Magandang umaga, Pilipinas.

TULFO: All right. Sir, linawin ko lang kasi noong isang araw sinasabi ng Task Force na pulis ang magbabahay-bahay para kunin iyong mga may sakit na COVID. Pero sabi ng Palasyo hindi pulis kundi mga healthworkers na sasamahan lang ng mga pulis at hindi naman aarestuhin iyong mga may sakit. Pakipaliwanag nga, Secretary.

SEC. ROQUE: Tama po iyan, itong Oplan na ginawa po eh kasi napapansin natin na kaya siguro hindi natin napa-flatten ang curve eh dahil nga iyong mga asymptomatic at mga mild eh nananatili sa mga bahay nila maski wala silang sariling kuwarto at sariling banyo ‘no.

So ngayon po itong bagong Oplan, ito naman po ay parang shuttle service, all you have to do is tawagan po natin ang DOH, ipagbigay-alam sa mga local health officer at susunduin na kayo at dadalhin pa kayo sa isang mala-hotel na facility na aircon, tatlong beses na libreng pagkain, mayroon pang libreng Wi-Fi ‘no.

Kasi ‘pag hindi po natin ginawa ito, talagang hindi natin mapa-flatten ang curve dahil alam ninyo naman, nag-ECQ/MECQ na tayo tumaas pa rin at talagang ang batas naman talaga ay hindi pupuwede na house quarantine ka lang, sampung tao sa isang pamamahay na wala namang sariling kuwarto at walang sariling banyo ‘no.

So hindi po pulis ang mag-iikot diyan. Unang-una, mga lokal na pamahalaan po iyan at ang mga tracers naman po natin ay lahat po iyan empleyado rin po ng mga lokal na pamahalaan, so mga tao lang iyan sa barangay, mga tao po iyan sa health office, sa mga LGUs.

At ngayong alas dose nga po ay isang panauhin natin si Mayor Vico para iparating iyong mensahe na ang talagang ang nagpapatupad naman po ng mga bagay-bagay na ito ay mga lokal na pamahalaan.

TULFO: Panghuli na lamang, Secretary. Iyong Cebu from ECQ-MECQ, ang ibig sabihin ba nito nakokontrol na o nakontrol na ang pagdami ng kaso doon sa kanilang lungsod, Secretary?

SEC. ROQUE: Tama po iyan. Patuloy pong bumababa iyong tinatawag nating doubling rate at bumababa rin po iyong ating mortality rate, pero hindi pa po sapat para tuluyang mabuksan ang ekonomiya kaya naka-Modified ECQ pa rin po ang Cebu City, hindi po ang province.

TULFO: Okay. Sir, ito na lang, pahabol talaga. Ang Metro Manila, sir, ‘pag patuloy na pagtaas ng ating cases dito lalo sa Quezon City, may posibilidad ba na maibalik ang NCR sa MECQ o hindi na dahil sagad na talaga at said na iyong ekonomiya ng Metro Manila?

SEC. ROQUE: Kamuntik na po tayong mag-MECQ. In fact, nirekomenda ng UP at sinang-ayunan ni Presidente noong una. Pero nag-appeal po si Secretary Galvez at Secretary Año at sinabi na ang mga mayors naman po ng Metro Manila ay binigay ang kanilang salita na mag-aktibo silang magkakaroon ng mga localized lockdown at magkakaroon tayo ng common ordinance na nagpapataw ng parusa doon sa mga hindi magsusuot ng mask, hindi magso-social distancing at hindi maghuhugas ng mga kamay.

TULFO: Secretary Harry Roque, maraming salamat. Sir, magandang umaga. Mabuhay po.

SEC. ROQUE: Magandang umaga po.

 

 

###

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)