Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Ely Saludar and Jenny Pahilanga (DZXL – Meet the Boss)


SALUDAR: Secretary, magandang umaga po inyo! 

SEC. ROQUE: Magandang umaga, Ely at magandang umaga buong Pilipinas! 

SALUDAR: Opo. Unang-una po sa lahat, ngayong araw mayroon po bang pagpupulong ang IATF?

SEC. ROQUE: Mayroon po mamayang hapon po iyan, alas dos po iyan at inaabot po ng sampu hanggang dose oras ang pagme-meeting ng IATF. 

SALUDAR: Opo. Kasi mayroon hong mga probinsiya, Secretary, na ayaw pang magpa-GCQ. Gusto nila ay Modified ECQ pa rin. So, ito ho ba ay kasama sa pag-uusapan mamaya sa IATF? 

SEC. ROQUE: Inaasahan ko po dahil nagkaroon tayo ng Validation at saka Appeals Committee at iyan po ay pagdedesisyunan ng Validation at Appeals Committee at pagbobotohan din sa IATF.

So, tingnan po natin pero napakahaba po kasi palagi ng IATF pero sa tingin ko naman isisingit nila iyan dahil magsisimula na po bukas iyong GCQ sa ilang mga lugar. 

SALUDAR: Secretary, nagkakaroon po ng kalituhan kasi hindi ba noon may naanunsyo ho kayo na kapag nasa GCQ na eh hindi na po makakatanggap ng SAP, iyong Social Amelioration Program; at tanging nasa ECQ na lang. So, ano ho ba talaga ang huling o pinal na paninindigan dito? 

SEC. ROQUE: Wala po, ang desisyon pa rin eh ang makakatanggap lang ng pangalawang ayuda ay iyong mga nasa ECQ pero inatasan po ng Pangulo si Budget Secretary Wendel Avisado, tingnan kung magagawan ng paraan na lahat na ay bigyan. Ang problema nga lang po natin kasi ang pondo ay inilaan ng Kongreso para sa 18 million lamang pero sa first tranche ay in-authorize ni Presidente na bigyan ang 23 million kasi iyong limang milyon eh talagang hindi napasama doon sa bilang na ikonsidera ng Kongreso. Siyempre po dahil 23 million na ang nabigyan sa una, hindi na mabibigyan sa lahat under the existing budget na ibinigay ng Kongreso.

Pero inatasan nga po si Kalihim Wendel Avisado tingnan kung mayroong pagkukuhanan at kung wala eh humingi ng tulong sa Kongreso kung talagang nanaisin natin na magkaroon ang lahat ng 23 million sa pangalawang tranche din ng SAP.

SALUDAR: Ayun… opo. Pero may—hihingi pa ho ba ang Malacañang ng supplemental budget sa dalawang kapulungan ng kongreso at—

SEC. ROQUE: Iyan po ang sabi ng Presidente kasi nga po nagre-react siya doon sa sinabi ni Senate President kung pupuwedeng bigyan ang lahat ng mga nasa GCQ areas ng pangalawa. Kaya nga po ang sabi niya, sabihin kay Wendel tuliin nang mabuti iyong budget ng mga line agencies para malaman kung paano ma-realign at saka hingiin ang tulong sa Kongreso, tanungin natin ang Kongreso anong pupuwede nating pagkuhanan ng pondo para mabigyan ang lahat ng second tranche ng ayuda.

SALUDAR:  Opo. Dito po pinag-uusapan at siyempre iyong economic recovery program, Secretary, at iyong—mayroong nakasalang po yata sa dalawang kapulungan at sa Senado, iyong CITIRA, panukalang CITIRA. May mga dagdag na buwis doon bagamat mayroong mga… parang malilibre rin po iyong mga corporate tax. Pero ang sinasabi po tulad ni Senator Kiko Pangilinan, eh mas maganda eh para ikonsidera iyong mangutang na lang ho kaysa magpasa po ng bagong buwis. Ano po ang pananaw dito?

SEC. ROQUE: Alam ninyo, habang dumadami ang pangangailangan natin isa lang naman ang pinagkukuhanan natin ng pondo – sa buwis. At kung hindi talaga manggagaling iyan sa buwis, uutangin, pero ayaw naman natin na dumating sa punto na magkakaroon tayo ng pagkakautang na hindi na natin mababayaran. Iyon lang po iyon.

SALUDAR:  Opo.

PAHILANGA: Okay. Magadang umaga, Secretary Roque, si Radyoman Jenny.

SEC. ROQUE: Hi! 

PAHILANGA:  Opo. Secretary Roque, na kay General Sinas pa rin po ba ang trust and confidence ni Pangulong Rodrigo Duterte na apektado po ng nasabing insidente sa morale po ng Pambansang Pulisya lalo na po at tayo’y nahaharap ngayon sa matinding krisis?

SEC. ROQUE: Sabihin na lang po natin na pinapausad ng Presidente ang tamang proseso. Habang hindi po siya nasisibak nang tuluyan ay umuusad naman po iyong mga kasong kriminal at saka pinag-aaralan na, hinihingi na ng Palasyo iyong ebidensiya para magdesisyon kung hahayaan mag-usad din iyong kasong administratibo na magreresulta sa kaniyang pagkakasibak, suspend, o hindi naman kaya kung anuman iyong parusang ipapataw sa kaniya administratively.

SALUDAR: So, hindi ho muna ito kinakailangang magbakasyon po, Secretary at—kasi sasampahan yata siya ng kasong kriminal ngayong araw na ito? 

SEC. ROQUE: Opo, opo. Alam ninyo po kasi sa Presidente ngayon, napakatinding pagsubok itong COVID-19 so hanggat maaari eh status quo pero siyempre, mayroon ding mga pananagutan na hindi maiiwasan.

SALUDAR: Maliban na lang ho kung magkukusa at boluntaryo si General Sinas?

SEC. ROQUE: Opo, opo pero uusad naman po ang proseso at saka ang araw na ito, ngayon po yata isasampa ang kasong kriminal laban kay General Sinas at forty-three pang mga kasama niya sa pagdiriwang na iyon.

SALUDAR: Opo. Attorney, Secretary, dito ho ano at may mga nagsasabi rin na iyong sa cyber libel suspect, halimbawa, hindi raw puwedeng arestuhin kung wala hong mismong complaint, without formal complaint eh illegal daw, unconstitutional. Kayo po bilang abogado ano po ang inyong legal opinion dito?

SEC. ROQUE: Well, nakasaad po sa ating rules of court na mayroon tayong warrantless arrest at isa po doon ay kung ang isang alagad ng batas ay naging witness mismo sa paggawa ng isang krimen.

So, mayroon din naman po tayong tinatawag na cyber libel at saka libel. Kung narinig mismo siguro ng isang alagad ng batas eh mayroon siyang personal knowledge na may krimen na nangyari. So, hindi po rin natin matatanggal iyong obligasyon ng estado kung narinig niya mismo iyong libelous na utterances na pupuwede rin siyang hulihin at hayaan ang piskalya na mag-decide kung kinakailangang magkaroon ng preliminary investigation o sasampahan na sa pamamagitan ng inquest.

SALUDAR: Secretary, nakarating na ba mismo sa kaalaman ng ating Pangulo kasi hindi ba iyong mga nasa social media, iyong mga netizen natin na nagbibigay rin ng reward, iyong tinatapatan siya na kung sinong makakapatay sa kaniya o anuman, so nakarating na ho ba? Ano bang reaksyon niya rito, ng ating Pangulo rito?

SEC. ROQUE: Well, hindi naman po niya sineseryoso iyong mga ganiyan dahil sino ba naman ang may kakayahan na magbigay ng fifty million; pero ganoon pa man, hindi po natin masisisi ang mga alagad ng batas na gawin ang kanilang katungkulan. Kasi kapag sinasabi mong patayin ang Presidente at mayroon kang pabuya, iyan po ay incitement to sedition at iyan din po ay grave threat at at the same time punishable ng Cybercrime Law. So katungkulan din nila na kapag narinig iyang ganiyan, nakita nila iyang ganiyan pag-post eh arestuhin dahil mayroon silang personal knowledge ng isang krimen na nangyari at sampahan ng kaso sa piskalya para ma-determine kung dapat ngang madala sa hukuman itong kaso.

SALUDAR: Kasi Secretary, may mga ganito ring pamba-bash ano at partikular kay Vice President Leni Robredo tapos iyong kaniyang mga anak na gagahasain daw. Siguro nabalitaan ninyo po iyan sa social media, so dapat ho rin ba ito o kaya dapat na maaresto rin po ito ng NBI o ng iba pang law enforcement agency?

SEC. ROQUE: Eh, kung nakita po iyan ng mga alagad ng batas may obligasyon din sila na imbestigahan iyong mga taong gumagawa nito.

SALUDAR: Opo. Okay, so sa panghuli po, Secretary, at ngayon pa-Modified ECQ na po ang Metro Manila at iyong iba naman eh from ECQ mag-G-GCQ na, baka piyesta po ito sa mga mall, so ano po ang inyong paalala, Secretary, kasi alam ninyo naman iyong mga Pilipino kapag niluwagan mo iyan, Naku! Grabe ho at baka maabuso po, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, sa ating mga kababayan, kahit Modified ECQ, kahit GCQ, community quarantine pa rin po iyan. Habang wala pong bakuna, habang walang gamot sa COVID-19, nandiyan pa rin po iyong banta at nakakamatay po itong bantang ito.

Ang magagawa lang po natin ay mapabagal ang pagkalat nito sa pamamagitan po ng social distancing at pananatili sa ating mga bahay-bahay kung hindi naman po kinakailangan lumabas.

Mag-ingat po tayo, matakot po tayo. 

SALUDAR: Opo. Pahabol lang po na tanong, Secretary. Iyong mga nasa i-G-GCQ, tapos eh gustong mag-Modified-ECQ, so pakikinggan ninyo ho ito, iyong kanilang mga—iyong sinasabi po ng mga local chief executive nila na—okay lang po iyan? 

SEC. ROQUE: Opo. May proseso po talaga sa pag-apela at lahat po iyan ay madidinig. 

SALUDAR: Opo. Okay, Secretary, salamat po sa inyong oras. 

PAHILANGA: Okay. Thank you po, Sec.!

SEC. ROQUE: Okay, salamat po.

SALUDAR: Good morning po sa inyo.

SEC. ROQUE: Bye, bye.

SALUDAR: Mga kasama, iyan po si Presidential Spokesperson Harry Roque.

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)