Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Deo Macalma (DZRH – Damdaming Bayan)


MACALMA:  Secretary Harry Roque, sir, magandang umaga po sa inyo Secretary.

SEC. ROQUE:  Lakay Deo at lahat ng nakikinig at nanonood sa atin ngayon, magandang umaga po.

MACALMA:  Ay marami, excited na po ang bayan. Secretary Harry Roque sir, anong oras ba ia-announce ang desisyon ng Pangulong Duterte kung extended o hindi na o modified ang Enhanced Community Quarantine?

SEC. ROQUE:  Well hindi ko po masabi ‘no, kasi ang huling pagkikita namin ni Presidente eh noong isang araw at ang sabi niya pupuwedeng ngayon, pupuwedeng sa a-trenta niya iaanunsiyo kasi kung ang desisyon niya ay mag-relax, baka mamaya ang mga tao ay lumabas sa kalye ‘no. So sabi niya, ang importante ay siya’y nakipagkonsulta sa mga dalubhasa, mga eksperto, siya’y kumukonsulta sa IATF at matapos po niyan ay pinag-aaralan niya.

Alam ninyo po ang Presidente magugulat kayo, up-to-date na up-to-date sa lahat ng impormasyon sa labas ng bansa natin tungkol sa COVID. Alam niya kung saan iyong mayroon nang mga nagsisimulang clinical trials para sa gamot sa COVID. Alam niya kung sinu-sino iyong mga nag-a-attempt gumawa ng vaccine kaya nga noong huli kong press briefing eh inanunsiyo ko na rin iyong kaniyang pabuya na ibibigay doon sa Pilipino na makakadiskubre ng vaccine diyan sa COVID-19 na sampung milyon nga ‘no.

So asahan po natin na nag-aaral nang mabuti ang ating Presidente, binibigyan po siya ng best advice. Siya po mismo iyong nag-aaral, siya po’y nakatutok sa BBC, CNN para po sa mga development sa labas ng Pilipinas at gagawin po niya ang tamang desisyon.

MACALMA:  Sa mga narinig namin sa inyo Secretary Roque sir at mula sa IATF, ‘ayan, mukhang patungo tayo sa extension pero modified. Ano ang possibility Secretary Roque, sir?

SEC. ROQUE:  Hindi ko po puwedeng pangunahan ang Presidente ‘no. Eh ang totoo po niyan eh may mga ilang dalubhasa at halos lahat sila ganiyan ang rekomendasyon, modified dahil hindi naman po buong Luzon ay napakataas ng kaso ng COVID. So ang sinasabi nila, siguro iyong pagpapatuloy sa mga lugar lamang na mayroon talagang outbreak, doon sa mga lugar na hindi masyado pero mayroon eh relax, at iyong mga lugar na wala naman talaga eh pupuwedeng wala na ‘no.

Pero sa ngayon po ay napakahirap pong pangunahan, napakahirap na desisyon po ang gagawin ng ating Presidente. Tayo na lang po ay magbigay ng tiwala sa ating Presidente, niluklok naman po natin siya para mamuno sa atin sa mga panahon na ganitong mayroon talagang napakalaking paghamon. Ipagdasal po natin na ang Presidente naman po ay talagang gagawa naman po nang tamang desisyon para sa lahat.

MACALMA:  26 provinces po nationwide, Secretary sir, iyong sinasabing COVID-free. Ano ang mangyayari sa mga probinsya, sa mga nasa Luzon? Ito kaya ay ili-lift kaya ang ECQ dito sa mga lugar na ito?

SEC. ROQUE:  Again, ayaw ko pong mag-second guess kung anong desisyon ng Presidente. Uulitin ko lang po ang advice ng experts: kung wala naman pong COVID eh pupuwede sigurong i-relax o ‘di naman kaya ay wala na. Pero alam mo kasi Lakay ang problema sa mga panahong ito maski ikaw ay COVID-free, kung ikaw ay papasukan naman ng mga tao na galing doon sa maraming COVID, eh ‘di pupuwede pa ring kumalat ‘no. Kaya nga pati po ang WHO nagsasabi, gradual dapat ‘no ang pag-lift kung kinakailangang i-lift. So ang advice po ng Presidente, hindi lang nanggagaling naman sa ating mga dalubhasa kundi pati na rin sa WHO.

MACALMA:  Uhum, ‘ayan. At mukhang mananatili nga po ba ang ECQ sa National Capital Region, CALABARZON at Bulacan? Mukhang itong mga lugar na ito ay marami pa rin, Secretary sir, ang mga tinatamaan ng COVID-19.

SEC. ROQUE:  Iyan po talaga ang importante na huwag pangunahan ang Pangulo sa desisyon niya dito sa mga area’ng ito ‘no. Pero gayunpaman, ang mga rekomendasyon ng eksperto, ipagpatuloy… o sa buong lugar ipagpatuloy sa mga siyudad at munisipyo na mataas; ipagpatuloy, sa mga barangay na kung saan mataas ang COVID-19. Huwag na po nating pangunahan at magtiwala po tayo dahil nag-aaral po talaga nang puspusan.

Alam ninyo po, ako po talaga ay humanga sa dami ng pinag-aaralan ng Presidente ngayon ‘no. Eh siyempre po dahil panahon naman ng COVID at pati ang Presidente ay naka-quarantine sa Bahay Pangarap ‘no, nagulat po ako na parang… ako po mas bata sa kaniya, eh talagang super up-to-date po ang Presidente sa mga development tungkol doon sa COVID-19 ‘no.

So ang talagang lunas lang po dito sa COVID-19, bakuna. Hanggang wala pong bakuna, hindi po tayo tuluyang ligtas dito sa COVID-19. Pero ganunpaman, eh tinitimbang ng Presidente iyong karapatang magkaroon ng hanap-buhay naman ng lahat dahil hindi lang obligasyon ng estado na itaguyod ang karapatang mabuhay, obligasyon din po ng estado na bigyan ng kabuhayan ‘no. At kapag nga po napakatagal naman ng quarantine eh wala namang kabuhayan iyong mga tao.

At tinitimbang din ni Presidente iyan kasi ngayon naman po binibigyan natin ng ayuda iyong pinakamahihirap at saka iyong mga nagtatrabaho sa small, medium enterprises. Pero alam natin po na iyan ay food survival lamang, hindi po iyan lahat ng pangangailangan. Kaya kung pupuwede lang mai-lift, ili-lift ng Presidente, pero kung talagang ang banta pa rin ng pagkalat ng sakit ay mataas habang walang bakuna ay gagawin po ng Presidente ang difficult na decision kung kinakailangan pong ipagpatuloy.

MACALMA:  Ang Presidente ay nag-alok po ng 10 million pesos na reward sa sinumang maka-experiment, makagawa ng bakuna laban sa COVID-19. May mga nag-aaral na ba, may gumagawa na ba, nag-e-experiment na Secretary para po dito sa COVID-19?

SEC. ROQUE:  Well alam ko po marami naman pong nag-aaral din maski dito sa ating bayan ‘no. Sa katunayan sa ating mga pag-aaral, nakagawa na nga tayo ng sarili nating COVID testing kit ‘no. Eh hindi naman natin magagawa iyan kung hindi naiintindihan ng mga taga-UP-PGH kung ano iyong anyo ng virus na kalaban natin ngayon ‘no. So kampante po kami na dahil binigyan nga ng todo suporta ng Presidente natin ang UP at saka ang PGH para humanap ng vaccine ay makakatulong po tayo ‘no sa ginagawa ng buong daigdig sa paghahanap ng vaccine.

MACALMA:  Uhum. Ayan nabanggit ninyo ang UP nga pala Secretary Roque sir, ‘ayan may suggestion po ang UP, ‘ayan si Dr./Professor Lagmay ay baka daw puwedeng i-extend ang suspension ng classes hanggang Disyembre. Paano pinag-aaralan ito ng Malacañang Secretary sir, ng IATF?

SEC. ROQUE:  Eh siyempre po talagang galing sa UP na isang eskuwelahan mismo, eh talaga pong pag-aaralang mabuti ng Presidente iyong ganiyang rekomendasyon ‘no dahil sang-ayon sa datos ang mga estudyante talaga ang pinakamalaking nararating sa paglaboy-laboy at sila iyong pinakamalaking contact pa rin doon sa mga populasyon na particularly vulnerable dito sa COVID, iyong mga may sakit at saka iyong mga matatanda.

Kaya ang naging konklusyon ng UP, napakaepektibo na paraan para mapabagal ang pagkalat ng COVID kung isususpinde ang mga klase at ang mga kabataan ay manatili sa kanilang mga tahanan. So iyan po’y talagang binibigyan ng atensiyon ng ating Presidente. Ulitin ko po, ang nagrekomenda pa niyan ay ang National University na isang pamantasan din ‘no, so parang sinabi nila na pati kami sa ating classes eh tingin namin dapat itigil muna siyempre.

MACALMA:  Uhum. ‘Ayan Secretary sir, isa na lamang po. ‘Ayan magsusumbong kami’t sanay maaksiyunan. Marami pong reklamo ang ating mga kababayan Secretary sir. Iyong unang wave ng distribution ng relief goods, mukhang hindi na po naulit Secretary sir, ‘ayan. ‘Di ba dapat eh regular po ang bigay ng mga ito, itong mga relief goods, relief packs. Ba’t hindi na nasundan sa ibang maraming lugar Secretary Roque, sir?

SEC. ROQUE:  Titingnan po natin iyan, kasi tayo naman po ay may pondo na nilaan para matustusan iyong pagkagutom ng ating taumbayan. Sinabihan na po natin lahat ng lokal na pamahalaan, i-realign ang mga budget, ibuhos lahat sa relief goods para sa ating mga kababayan at iyan po’y isang bagay na ipararating ko po sa DSWD at sa IATF.

MACALMA:  Secretary Roque, sir maraming salamat po at magandang umaga po sa inyo. Thank you.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga, Lakay.

MACALMA:  Mga kaibigan, Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)