Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Arnold Clavio and Susan Enriquez (GMA 7 – Unang Hirit)


CLAVIO:  Iyong sinabi ng Pangulo kagabi na may bakuna daw sa buwan ng Abril. Ayan! Gaano po kabilis iyong availability ng COVID vaccine na iyan kahit na ongoing pa po ngayon iyong vaccine trials ang alam ng marami ‘no; so ito po ay manggagaling ng China?

SEC. ROQUE:  Well, mayroon po tayong tatlo na magkakaroon tayo ng clinical trials at kasama na po diyan iyong Russia at saka iyong sa China. At kung hindi po ako nagkakamali, mayroon pang isang western company, hindi ko lang po masigurado kung ito po iyong Oxford o ito iyong sa Amerika, pero tatlo po iyan.

At ang inaasahan nga po natin, dahil nasa third and final clinical trial na sila ay hindi na po magtatagal na magkakaroon na tayo.

Nagkaroon din po ng impormasyon ang Presidente na sa China mayroon ng nauna na vaccine ‘no na ito po ay patapos na ng third clinical trial. So ibig sabihin po, bukod pa doon sa tatlo na magki-clinical trial sa Pilipinas, eh parang mayroon ng nauna nga po sa China na ginagamit ng bakuna.

Kaya nga po naghahanda na tayo na masiguro, iyong una mayroon tayong pondo para angkatin ito, hindi naman ipapautang sa ating ng Tsina. Dahil parang kampante po ang Presidente na dahil sa ating malapit na pagkakaibigan sa bansang Tsina eh pupuwede rin pong ipautang iyan. Pero we are not taking any chances, kung kinakailangang magbayad, magbabayad tayo; kung mauutang, eh uutangin po natin.

CLAVIO:  Opo. At ang Russia naman magtatayo daw ng planta ng bakuna dito, tama po ba, Secretary?

SEC. ROQUE:  Tama po. Kasi po nagkataon na nagpaalam na rin po iyong Russian ambassador after five years of posting sa Manila kahapon, ginawaran rin po  siya ng Order of Sikatuna at sinabi nga po niya na mayroon lang silang kaunting inaayos at babalik po ang kanyang kapalit para makipag-usap doon sa pagtayo nga ng manufacturing ng kanilang Sputnik 5 dito po sa Pilipinas.

CLAVIO:  Ito naman ang good news, 7,840 na lang active cases ng Metro Manila kumpara sa 2o,000 active cases noong buwan ng Setyembre. Secretary, ano ang ibig sabihin nito sa laban natin sa COVID-19?

SEC. ROQUE:  Well kahapon po, sinabi ko rin sa Presidente na mukhang gumagana po iyong ating messaging, kasi kung napapansin po ninyo, nagpapasalamat po kami sa GMA at saka sa DZBB na ine-ere po iyong commercial ni Presidente ng libre. Libre po iyan sa ngayon dahil hindi pa lumalabas iyong pondo ng gobyerno.

Pero sa tingin po natin, gumagana na iyong taktika na si Presidente na mismo ang nagsasabi  saka sa tulong po ng GMA at ng DZBB na mag-mask, maghugas at umiwas. Iyan po at patunay na talagang bagama’t wala pang bakuna at gamot sa sakit na ito, kaya naman po nating maiwasan sa pamamagitan ng mask, hugas at iwas para tayo po ay makapaghanapbuhay.

CLAVIO:  Ito ba ay basehan para isulong na rin itong one seat apart na rule sa mga public transportation, Secretary?

SEC. ROQUE:  Tama po iyan ‘no. Kasi alam po ninyo ngayon hindi na po pinag-uusapan ang health versus economics, ang pinag-uusapan na po ngayon health versus poverty.

Pinakita po  talaga si Secretary Chua na dahil nga po sa patuloy na lockdown natin na 50 porsyento lang ang gumagana sa ating ekonomiya and yet 30% lang ang ating transportasyon na available na dumadami talaga iyong mga nagugutom at iyan naman  ang finding din ng mga SWS at ibang mga polling companies.

So, importante po na talagang buksan pa natin ang ating ekonomiya para po mabawasan ang mga nagugutom at kaya naman po natin iyan doon sa ating ad campaign ngayon at ating [unclear] campaign na pag-ingatan po natin ang ating mga buhay para tayo ay makapaghanapbuhay.

CLAVIO:  Si Susan may tanong, Secretary.

ENRIQUEZ:  Secretary, itong mga negosyo naman ay tinitingnan daw kung papayagan na iyong 100% capacity mula doon sa 75% capacity. Kung sakali kailan ito mangyayari, kailan   ipapatupad ito, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, paisa-isa na pong nag-aanunsyo kung ano iyong pupuwede ng 100% capacity ang DTI ‘no.

Uulitin ko po mamaya sa aking press briefing kung ano na iyong mga 100% capacity, pero ang naalala ko lang po ngayon ay iyong mga export oriented, iyong mga mining ay pupuwede na po iyang 100% ‘no. At nagdadagdag pa po ng mga industriyang pupuwede ng magbukas ng mas maluwag iyong DTI at iulat po natin ito para malaman ng mga negosyante na baka naman iyong mga negosyo nila ay pupuwede ng 100%.

ENRIQUEZ:  Secretary, medyo iyong iba ay nalilito. Anong edad ba talaga ngayon ang pinapayagan ng lumabas? Kasi di ba sabi iyong mga 21 to 60 years old ay gustung-gusto ng lumabas, anong edad na?

SEC. ROQUE:  Well, naalala ninyo po, ang nangyari kasi nagprisinta si Secretary Karl on behalf of the economic team at unanimously approved lahat ng recommendations nila. Pagdating po doon sa edad, eh ang nakasulat po doon ‘e.g.’ Ang ibig sabihin ng ‘e.g.’ po for example.

So hindi po siya talagang konkretong rekomendasyon, bagama’t ang nakasulat po doon ay 15 to 65.  Eh  pagpupulungan po ngayon  ng IATF ngayong hapon at lilinawin kung ano talaga iyong edad, kasi iyong rekomendasyon ng economic cluster ay for example lamang. So, kailangan po talaga na pag-usapan ngayong hapon.

ENRIQUEZ:  Oo. Kasi marami na ngang nalilito at nagtatanong eh, mas maganda pala malinaw at mamaya siguro ay aabangan namin sa inyo iyan.

SEC. ROQUE:  Opo, tama po iyon.

ENRIQUEZ:  Secretary, may pakiusap kayo na huwag isapubliko iyong mga rekomendasyon ng OCTA Research Team. Bakit po ninyo nabanggit iyong ganyang pakiusap, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, uulitin ko po, ako po talaga ang naging instrumento para makarating pa ng Malacañang ang OCTA Research Group. Alam po nila Professor Ranjit Rye iyan at high school pa lang ay magkakaklase na kami, magkakasama na kami. So, talagang I appreciate what they are doing.

Sa aking mga press briefing, siguro naman po ako iyong unang-una talaga na nag-publicize na mayroong OCTA group at kung ano iyong kanilang mga findings at tuwang-tuwa nga po ako dahil kaibigan at kilala ko sila halos lahat ‘no.

Pero ang problema po kasi pagdating doon sa rekomendasyon, maselan po iyan. Sa IATF po nagrerekomenda tayo kay Presidente, pero kung mapapansin po ninyo, kahit anong kulit ni Joseph Morong hindi ko sinasabi kung ano ang rekomendasyon dahil ayaw nating pangunahan ang Presidente. Ang mga Metro Manila Mayors po ganoon din, may rekomendasyon sa IATF, hindi rin po  nila ine-release sa publiko, pinapa-relay po nila sa IATF kasi nga po maraming ramifications ‘no.

At ang sinasabi ko nga unang-una kung ang rekomendasyon nila ay para sa classification, eh Presidente naman ang nagdedesisyon diyan, bakit hindi nila ideretso sa Presidente iyong rekomendasyon nila nang maaktuhan ng Presidente at hindi naman kinakailangang isapubliko, dahil ang publik0 naman po ay hindi iyan ang magde-decide ng classification.

Pero welcome po talaga iyong mga datos ng OCTA Group, welcome po iyong kanilang mga continuing dissemination activity, kasi iyong mga conclusions naman po nila ay naka-base rin sa datos ng Department of Health. Hindi naman po sila kumakalap ng sarili nilang mga datos, pero iyong interpretasyon po nila ay welcome.

Ang example ko nga ay kaya sabi ko maselan iyang classification na iyan, nag-react na po iyong isang bayan sa Batangas na talagang napaka-vehement nung objection nila sa  rekomendasyon ng OCTA Group, kasi nga po pinag-uusapan natin buhay at hanapbuhay. So, talagang maselan na maselan po iyan hindi lang doctor, hindi lang epidemiologist, hindi lang mathematicians, hindi lang statistician pati health economist po ay kino-konsulta, dahil isa po sa criteria natin sa classification ay iyong economic and social impact.

CLAVIO:  Secretary, maglalabas pa ng paglilinaw kaugnay ng ngayon ay banggaan sa pagitan ni DENR Undersecretary Benny Antiporda at saka mga UP expert hinggil dito sa dolomite project dito sa Manila Bay dahil parang masakit yata iyong sinasabing walang karapatang magkomento dahil sila ay bayaran. Papaano po iyon?

SEC. ROQUE:   Ay naku, hindi ko po alam iyang kontrebesyang iyan. Pero alam po ninyo, dahil ako naman po ay graduate ng UP, ako po ay nagturo ng 15 years sa UP fulltime. So, mayroon po talaga tayong batas na bumuo ng UP, ito po iyong bagong UP Charter na nagtatalaga ng UP na national university at talagang ka-partner ng gobyerno. Kaya nga po ang UP tinitingnan po natin talagang partner iyan at kung talaga namang makikipagtulungan ang UP, parang obligasyon pa nga nila sa batas na bumuo sa bagong Pamantasan ng Pilipinas, iyong bagong charter ng UP na makipagtulungan sa gobyerno.

So sa akin po, siguro po hindi lang pagkakaintindihan iyan, hayaan po ninyo baka kinakailangang mag-mediate ang aking opisina, dahil nasa batas naman po iyan na talagang kaakbay ng gobyerno ang UP bilang the national university.                

CLAVIO:  Okay, sapat ba hanggang Biyernes ngayong may bago ng Speaker ha, iyong ating budget o baka ma-extend pa iyan, Secretary? Ano ba ang ipinangako ni bagong Speaker Velasco?

SEC. ROQUE:  Well, alam po ninyo naresolba naman iyang agawan sa puwesto sa Kongreso dahil talagang ang mensahe ni Presidente, wala akong kinalaman sa agawan ninyo, basta siguraduhin ninyo mapasa ang budget on time. So tingin ko naman malinaw po iyan kay Speaker Velasco na kinakailangan talagang maipasa iyan on time at ang sabi nga po ng Senado, para sila ay maka-akto on time ay kinakailangan mapasa iyan by the 16th.

CLAVIO:  Okay. Secretary, salamat sa oras po at pagsagot sa aming mga tanong. Ingat po kayo.

SEC. ROQUE:  Maraming salamat din po at magandang umaga po sa lahat.

 

###

                               

 

 

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)